Bago naging Chairman Mong, mayroon munang Sir Mong.

Lingid marahil sa kaalaman ng marami na si Raymond Palatino o kilala bilang Mong ay nagtapos ng kursong Edukasyon sa UP Diliman. Kung mayroong hindi makakalimot noon ay ako at sampu ng aking mga kamag-aral na naging estudyante niya nang siya ay maging student teacher sa aming hayskul. Lab school kasi ng UP, kung kaya’t ang mga nag-aaral ng Edukasyon sa College of Education sa UP Diliman ay nagiging mga student teacher sa aming paaralan. Sir Mong ang tawag namin sa kanya, kasi Ma’am o Sir ang ikinakabit sa mga pangalan ng mga guro sa paaralan namin.

Isang semestre namin naging guro si Mong sa asignaturang Araling Panlipunan. Pero hindi namin siya madalas nakita. Laging siyang late sa klase. At dahil katulad sa unibersidad ang patakaran na kapag ang guro ay wala pa sa ikalimang bahagdan ng oras ng klase, maaari nang iwan ng mga estudyante ang klase nang hindi mamamarkahan na absent. Minsa’y inabutan niya kaming paalis na, hinabol niya kami, at kahit pa ayaw namin ay bumalik kami sa klasrum kasi kailangan niyang mag-demo ng pagtuturo kundi ay ‘di niya makukumpleto ang kanyang requirements.

Busy kasi si Mong at pilit niyang binabalanse ang kanyang pag-aaral at pagtuturo sa kanyang pagiging lider-estudyante. Sa panahong iyon, kasama siyang namuno sa isa sa pinakamalaking pagkilos ng mga kabataan laban sa budget cut sa edukasyon, isa sa maagang pagkilos tungo sa pagpapabagsak ng isang kurakot at pasistang pangulo. Nang patapos na ang semestre, napili naman siya ng kanyang partidong Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND UP) na tumakbo bilang standard bearer nito, bilang Chairperson. Sumulat pa kami ng statement para suportahan ang kanyang pagkandidato. Isang taon matapos noon, namuno si Mong sa unang mga kabataang humugos tungong EDSA sa pagkilos na makikilala bilang Edsa Dos.

Sabi nga ng isang kaibigan, may buenas si Mong sa kilusang kabataan at estudyante. Siya kasi ang unang nanalong kandidato sa pagkapangulo ng STAND UP sa university student council elections. Ilang taon pa ang lilipas, siya rin ang unang makakaupong kinatawan ng kabataan sa partylist sa House of Representatives, sa antas na ng pambansang gobyerno, kaya siya rin ay naging Congressman Mong. Matapos ang termino sa Kongreso, bumalik si Mong sa pag-oorganisa at pamumuno sa kilusang masa at nahalal bilang Chairman ng Bagong Alyansang Makabayan Metro Manila. Para magawa ito, tinalikuran ni Chairman Mong ang petition sa US para sumunod sa kanyang pamilya na doon na naninirahan, na plano na ng kanilang pamilya mula nang siya ay bata pa.

Kung sabi nga ng ating mga guro, hindi grado ang panukat ng katalinuhan at pagpupunyagi ng mga mag-aaral, masasabi rin sigurong hindi lang oras na ginugol sa pagtuturo nasusukat ang kahusayan ng isang guro. Dahil sa kaso ni Sir Mong, mas maraming aral ang patuloy na itinuturo ng kanyang buhay at pag-aalay sa maraming kabataan sa kasalukuyan.

Si Raymond Palatino kasama ang kanyang mga mag-aaral sa UPIS. Larawan mula sa Facebook account ni Raymond Palatino.
Si Raymond Palatino kasama ang kanyang mga mag-aaral sa UPIS. Larawan mula sa Facebook account ni Raymond Palatino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here