Sa isang coalition-led forum noong Setyembre 9, mariing tinututulan ng Gabriela, Kabataan, and Alliance of Concerned Teachers Partylist na bumubuo sa Makabayan Bloc ang pagkakaroon ng P4.86 bilyon na confidential fund allocation bilang prayoritisasyon ng administrasyong Marcos Jr. para sa 2024 budget proposal.

“May mga data tayo na nagpapatunay na kapos talaga ang budget para sa pagkain, trabaho, edukasyon, at iba pang serbisyo. Nakita natin ang papalobo ng confidential at intelligence funds (CIF), pork-barrel, compared sa mga inilalaan para sa social services,” pahayag ni ACT Partylist representative France Castro.

Ito ay tugon matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte sa Senate budget hearing noong Setyembre 4 na tumanggap siya ng fund transfer mula sa 2022 Contingent Fund ng Office of the President para umano sa Financial Subsidy na nagkakahalagang P96,424,000 at Confidential Expenses na P125,000,000 sa kabila ng zero allocation sa CIF ng OVP na pinirmahan sa General Appropriations Act 2022. 

Ayon pa kay former OVP Spokesperson Atty. Barry Gutierrez, walang nirequest ang OVP na confidential funds sa buong termino ni Leni Robredo.

Mula rin sa Statement of Appropriations, Allotments, Obligations, Disbursements, and Balances ng OVP, “as of December 31, 2022, the OVP had already obligated and disbursed the whole amount of P125,000,000 for Confidential Expenses within December 13-31, 2022.” 

Ibig sabihin ay sa loob ng 18 na araw, lumalabas na P6,578,947.37 ang nagastos ni VP Duterte sa confidential expenses bawat araw.

Agad namang naglabas ng pahayag ang Malacanang na ligal umano ang naging proseso ng pagbibigay ng pondo sa OVP noong 2022 dahil na rin sa pangangailangan ng opisina nito mula pagkaupo bilang Bise Presidente.

Anang ACT Partylist Rep. Castro, sa kawalang item na may alokasyon para sa CF ng OVP noong 2022, ibig sabihin ay hindi ito pinahintulutan ng Kongreso kung kaya maituturing na iligal ang paglipat ng Pangulo ng P125 milyon mula sa Contigent fund upang gawing Confidential Fund ng Bise Presidente. 

Giit pa ng Makabayan, iligal din ang paggastos ng Bise Presidente sa P125 milyong confidential fund na lumalabag sa Article VI, Section 25(6) ng Konstitusyon: “Discretionary funds appropriated for particular officials shall be disbursed only for public purposes to be supported by appropriate vouchers and subject to such guidelines as may be prescribed by law.”

Samantala, matapos terminahin ang 2024 budget deliberation ng OVP, aprubado na sa Senate Committe on Finance ang P2.3 bilyong pondo para rito at P758.6 bilyon naman para sa DepEd. Kasama na rito ang P650 milyong confidential and intelligence funds ng dalawang opisina ni Duterte. 

Sa karagdagan, ikinaalarma ng Makabayan ang pagbaba pa ng tatlong milyon ng bilang ng enrollees sa akademikong taon na 2023-2024 imbis na tumaas ito ng 2% dahil sa pagbabalik ng pisikal na klase.

Panawagan din ng koalisyon na mag-empleyo ng dagdag 30,000 na guro kada taon at magpatayo ng 50,000 dagdag klasrum kada taon para tugunan ang kakulangan sa 147,000 guro at 150,000 na mga klasrum. Subalit, “unrealistic” at “impossible” umano ito para kay Duterte sa kabila ng bilyong budget nito.

“Usapin [ang proposed 2024 budget] kung ano ba ang priorities at hindi priorities ng administrasyon, at kung sino ang makikinabang. Patuloy tayo na magparticipate at tumutok sa budget deliberations. Bantayan natin ito nang mabuti,” diin ng Makabayan.

Ayon sa 2024 proposed budget, hindi lamang OVP ang ahensiya na humihiling ng confidential funds. Mula taong 2010-2014, labis ang naging pag-akyat ng confidential and intelligence fund ng administrasyong Duterte na pinagpapatuloy ni Marcos Jr. 

28 na ahensya ang nanghihingi ng CF katulad ng Department of Agriculture kung saan si Marcos Jr. ang acting Agriculture Secretary na nangangailangan umano ng P50 milyong CF sa kabila ng kawalan ng alokasyon sa Kagarawan noong nakaraang taon. 

Habang kinaltasan ang Commission on Human Rights ng P25.69 milyon. Umaabot din ng P6.16 bilyon ang kaltas sa 30 State universities and colleges (SUCs) kasama ang P538.2 milyong tapyas pondo sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) o Free Higher Education Program.

Bukod pa rito, kinaltasan din ng bilyon ang pondo para sa kalusugan. Ayon sa Kabataan Partylist, kung hindi isasama ang budget para sa PhilHealth, aabot lamang ng 1.2% ng projected 2024 Gross Domestic Product (GDP) ang health budget sa bansa at higit na malayo sa 5% na rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).

Dagdag pa ni GABRIELA Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas sa forum, sa utang ng Pilipinas na P14.24 trilyon ay may higit-kumulang P138,764 utang na ang bawat Pilipino sa ngayon.

“Dagdag na pondo para sa pagkain, trabaho, serbisyo, hindi para sa interes ng dayuhan, korapsyon, at panunupil. Sapat na budget para sa agrikultura, pambansang industriyalisasyon, at serbisyong panlipunan. Abolish pork pork barrel system and abolish confidential funds,” panawagan ng Makabayan Bloc.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here