Sa ikalimang araw na nakadetine ang 10 menor de edad, hindi na naman pinayagang makapasok at makita ang mga bata ng mga magulang pati mga kawani ng gobyerno sa Bahay Aruga sa Pinagbuhatan, Pasig kung saan nakadetine ang mga bata.

Nakabukas ang gate pero nakaharang ang guwardiya. Hindi naman pinuwersa nina National Anti-Poverty Commission (NAPC) Lead Convenor Sec. Liza Maza, Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, maging ng abugado ng mga bata na si Atty. Katherine Panguban na makapasok sa pasilidad. Labas-masok naman ang ibang mga magulang at bata na dinadala sa proceedings.

Ipinahayag ni Rep. Elago ang pagkabahala na huling nakita ng mga magulang ang mga anak nila noong Setyembre 1, laluna sa gitna ng mga napapabalitang may naranasang pambubully at pananakit sa mga bata.

Kahapon, Setyembre 4, nagpunta rin sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Malou Turalde at si Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at ilang mga magulang ng mga bata sa Bahay Aruga pero hindi rin pinapasok dahil ipinagbawal umano ito ng administrasyon ng Bahay Aruga at ng City Social Welfare Office ng Pasig.

Ngayong araw, dinahilan naman ng mga guwardiya at staff na tuwing araw ng Linggo ang regular na araw ng pagbisita ng mga magulang. Nang tinanong kung bakit hindi pinapasok kahapon, araw ng Linggo, sagot ng mga guwardiya na kanselado ang araw ng bisita kahapon. Walang ibinigay na paliwanag kung bakit ito nakansela at desisyon din umano ng admin ng Bahay Aruga.

Lumabas ng gate ang social worker na si Archie Salmo, ang may hawak ng kaso ng mga menor de edad galing sa dispersal sa Floodway pero hindi para makipag-usap kina Maza at Elago. Nang kinumpronta siya nina Maza, sinabi nitong ang instruction sa kanya ay papuntahin sina Maza sa DSWD Office sa tabi ng Pasig City Hall.

(Noong pumunta ang mga magulang at si Gabriela Women’s Partylist Rep. Emmi De Jesus sa Bahay Aruga noong Setyembre 1, hindi sila pinapasok sa dahilang wala si Archie Salmo sa loob ng pasilidad na dapat nilang makausap.)

Habang nakatipon sina Maza sa labas ng gate, may ilang nagkuwento na mga manggagawa sa katabing gusali at residente sa katabing komunidad ng Bahay Aruga na may narinig silang umiiyak na bata noong Sabado, Setyembre 1. Mayroon din daw silang nakausap na dalawang bata na humihingi ng tulong sa kanila.

Nagtungo sina Maza, Elago, at mga magulang ng mga bata sa Pasig DSWD Office, pero hanggang information desk lang sila umabot. Hinanapan ni information officer Menchie Denosta sina Maza ng permit at sinabing wala silang makakausap sa opisina kasi wala ang at wala ring itinalagang officer-in-charge. Nang sabihin nina Maza na pinapunta sila doon, sagot naman ni Denosta na pinatatawag na nila ang social worker na si Archie Salmo para siya ang kumausap sa kanila. Iginiit ulit ni Denosta na kailangan may permit sila Maza mula sa mayor, kung kaya’t nagdesisyon si Maza na pumunta sa Mayor’s office.

Pagdating sa Mayor’s office, hinanapan naman sina Maza ng mga security guard sa labas ng opisina ng appointment. Sinabi nilang people’s day ng araw na iyon, kaya maraming nakapila para kausapin si Pasig Mayor Roberto ‘Bobby’ Eusebio. Hindi nagpaunlak ng courtesy call si Mayor Eusebio kay Sec. Maza sa halos isang oras na paghihintay hanggang ito ay umalis. Wala man lang pinaabot na anumang mensahe kung ito ay magpapakita.

Dismayado si Sec. Maza na pinagpasa-pasahan sila, sa hindi pagpapakita ni Mayor Eusebio ng basic courtesy, gayundin ang pagpapakita ng kawalang-malasakit ng iba’t ibang nakaharap mula sa lokal na pamahalaan.

Nababahala naman ang abugado ng mga bata kung bakit ang simpleng pagpapaharap sa kanila sa kanilang mga kliyente ay mahigpit at koordinadong tinatanggihan ng mga opisyal ng Social Welfare ng Pasig at ng pamahalaaang lungsod. Ayon kay Atty. Panguban, apat na araw na silang pinagpapasahan ng iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Pasig, laluna ang mga unit ng Social Welfare office nito.

Writ of habeas corpus

Sinabi ni Atty. Panguban na magsasampa sila bukas ng writ of habeas corpus para ilabas at ilitaw ang mga bata at agad na madesisyunan ng korte ang kustodiya ng mga bata. Naniniwala si Atty. Panguban na sang-ayon sa batas ay dapat mula pa nung hinuli ang mga bata ay nai-turn over na agad ang mga ito sa kanilang mga magulang sa oras na magpakita na ang mga ito para kunin ang mga bata.

Nalaman din ng mga paralegal worker na wala pang resolusyon ang piskal sa reklamong illegal assembly, physical injuries, resisting arrest at direct assault na isinampa ng mga pulis laban sa mga menor de edad. Lumalabas na wala pang kaso ang mga bata, ngunit limang araw nang napahiwalay sa kanilang mga pamilya at nakadetine sa Bahay Aruga.

Ayon naman sa mga residente, nasa anim na tao lang ang nahuli ng mga pulis sa panahon ng dispersal, habang ang iba ay kinuha na sa loob ng mga bahay nila. Idinamay din ang mga naglalakad lang o nasa paligid ng kahabaan ng East Bank Road. Nanghuli ang mga pulis hanggang madaling-araw. Umabot sa 41 ang nahuli, kasama ang 10 bata.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here