Wala pang naisasampang kaso laban sa 10 menor de edad na nakadetine sa Bahay Aruga na nasa kustodiya ng Pasig Social Welfare Office. Dinampot ang mga bata sa marahas na dispersal sa Floodway, Barangay Sta. Lucia sa Pasig noong Agosto 31. Limang araw na silang nakadetine.

Hindi na nakita ng mga magulang at mga bumibisitang opisyal ng pamahalaan ang mga bata matapos ang inquest proceedings. Araw-araw mula Agosto 31 nagtutungo ang mga magulang sa Bahay Aruga para kunin ang kustodiya ng mga bata, pero ni hibla ng buhok ng mga ito ay hindi pa nasilayan ng mga magulang mula Setyembre 1.

Kinansela rin ng admin ng Bahay Aruga ang iskedyul na regular na bisita tuwing araw ng Linggo pero walang ibinigay na paliwanag. Noong araw na iyon, nagtungo rin ang mga magulang sa Bahay Aruga, kasama sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Malou Turalde at Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas, pero hindi rin pinapasok o hinarap ng admin ng pasilidad.

‘Arbitrary detention’

Isinailalim ang 8 sa 10 bata sa inquest proceedings noong Setyembre 1, batay sa mga isinampang reklamo ng mga pulis na illegal assembly, direct assault, resisting arrest at physical injuries. Ang mga salaysay sa reklamong isinampa ay kapareho lang ng mga reklamong isinampa sa 31 nasa gulang na hinuli rin sa dispersal at nakadetine sa Pasig Police Station.

Ayon sa Revised Rule ng on Children in Conflict with the Law, ang mga batang nasa 15 hanggang 17 edad ay makakasuhan kahit pa menor de edad kung makapagsumite ang social welfare officer ng pag-aaral na nagsasabing may discernment o pag-intindi ang mga bata kung ano ang tama at mali at ang bunga ng mga maling gawa.

Wala pang isang araw, nakapagpresenta ng initial findings ang social worker na humahawak ng kaso ng mga bata na si Archie Salmo na may discernment ang mga bata kung kaya’t sila’y naisailalim sa inquest proceedings. Ngunit hanggang Setyembre 4 ay walang pormal na kasong ihinahain laban sa mga bata.

Ang dalawang bata naman na edad 12 at edad 13 ay hindi sinampahan ng reklamo dahil hindi sila mapapanagot sa krimen ayon sa nasabing tuntunin. Walang mang reklamo o kaso laban sa kanila, nakadetine rin ang dalawa mula pa Agosto 31. Sila ay dapat na-turn over na sa magulang oras na magpakita ang mga magulang. Hindi sila ibinigay sa mga magulang kahit pa makailang ulit nang pumunta ang mga ito sa Bahay Aruga.

Ulat ng pambubugbog

Ayon kay Jovy, 41, magulang ng isa sa mga batang nakadetine, isinalaysay ng anak niya sa inquest proceedings ang pangha-harass at pambubugbog sa kanila ng mga dati nang nakadetine sa Bahay Aruga. Ayon sa anak ni Jovy, pagdating pa lang sa Bahay Aruga pagkahuli sa kanya, pinaghubad siya sa banyo ng mga dating naka-detine doon at saka binugbog. Kinuha rin ang kanyang damit. Sa ibang pagkakataon, hinampas siya ng tsinelas sa ulo. Binantaan din ang mga bata na pagkabalik sa Bahay Aruga galing sa inquest proceedings ay bubugbugin ulit sila. Kaharap ang prosecutor noong isinalaysay ito ng bata.

Sinabi rin ni Jovy na sinabihan pa ng anak niya ang mga kasamahang bata na “kayong lahat magsalita kayo, huwag kayong matakot.” Ani Jovy, pinigilan lang niyang maiyak habang nasa inquest proceedings nang marinig ang mga sinalaysay ng anak.

Ang anak ni Jovy ay inimbitahan ng pinsan nito na mamasyal at bumili ng damit sa mall na malapit sa Floodway noong araw na iyon. Galing pa ang anak niya sa Bulacan, kung saan ito nakatira kasama ang tatay at mag-aaral sa Grade 7. Hindi na siya nakapasok sa paaralan sa araw ng Lunes.

Malayo ang magpinsan sa barikada at naglalakad sa kahabaan ng East Bank Road nang hinuli ng mga pulis. Sinabihan sila ng pulis na ‘pumasok kayo sa mga bahay niyo.’ Sumagot naman ang bata na ‘hindi po ako taga-rito, taga-Bulacan po ako’ at saka doon na hinuli ng pulis. Nakita ng nanay ni Jovy ang paghuli sa apo, kung saan nakita niyang pinilipit ang kamay ng bata.

Writ of habeas corpus

Lubhang nababahala naman ang mga abugado ng mga bata mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa pagpigil ng Pasig Social Welfare Office na makita nila at ng mga magulang ang mga bata. Pinagpapasa-pasahan din ng nasabing opisina ang mga abugado, mambabatas at opisyal ng pambansang gobyerno na bumisita at nais magsagawa na spot check at beripikasyon sa pambubugbog na siniwalat ng isa sa mga dinetine.

“Na-exhaust na ang lahat ng administrative remedies pero hindi pa rin napapalaya ang mga bata. Hindi pa man lang pinapakita ang mga bata sa amin o sa magulang nila, tapos hindi rin kami kinakausap ng maayos o hinaharap ng Pasig Social Welfare Office at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan,” ani Atty. Katherine Panguban ng NUPL.

Pinag-iisipan na ng NUPL na magsampa ng writ of habeas corpus para obligahin ang Pasig Social Welfare Office na ilitaw at ipakita sa mga magulang at abugado ang mga bata.

“Last resort ang writ of habeas corpus at kinakailangan na itong isampa kasi pinagpasa-pasahan na kami. Umabot na kami sa opisina ng mayor, hindi pa rin kami pinapasok, kinausap o hinarap, tapos nananatiling nakadetine ang mga bata kahit walang kaso,” ani Atty. Panguban.

Bago sa Mayor’s Office, galing sina Maza sa Bahay Aruga pero hindi rin pinapasok at hinarap at itinuro sa Pasig Social Welfare Office. Tumungo si National Anti-Poverty Commission Sec. Liza Maza, kasama ang magulang at abugado ng mga bata, sa opisina ng alkalde ng Pasig matapos na hingan siya ng Pasig Social Welfare Office ng permit mula sa mayor para makipag-usap ang mga taga-Social Welfare kina Maza.

Inaasahan ng NUPL na agad-agad aaksyunan ng korte ang isasampang writ of habeas corpus sa Family Court sa Pasig dahil kapakanan ng mga menor de edad ang nakasalang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here