Kasabay ng pagdeklarang regular sa mga manggagawa ng Harbour Centre noong 2017 ang panahong maraming mga grupo ng manggagawa gaya ng Jollibee, PLDT, Nutri Asia, UniPak, Super 8 at iba pa ang nagpetisyon para magbuo ng unyon, maideklarang regular o naghain ng rekwes sa inspeksyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang mga pinagtatrabahuhan dahil sa sistema ng kontraktwalisasyon na umiiral.

Matatandaang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na tatapusin ang sistema ng kontraktwalisasyon sa loob ng anim na buwan mula pa noong nangangampanya siya noong 2016.

Subalit hanggang ngayon, halos apat na taon ang nakalipas, talamak pa rin ang kontraktwalisasyon at ang gaya ng mga manggagawa ng Harbour Centre ay nakaranas ng tanggalan sa halip na maregular.

Wala pa ring batas o panukalang tunay na magwawakas sa sistemang endo o 5-5-5, mga kolokyal na katawagan ng mga manggagawa sa kontraktwalisasyon. Tinutukoy ng 5-5-5 ang sadyang pagkokontrata sa mga manggagawa sa loob lamang ng limang buwan, o mas maikli sa anim na buwang isinaad sa Labor Code kung saan dapat nang iregular ang mga manggagawa. Ginagawa ito ng mga kumpanya sa pamamagitan ng mga third-party contractor o mga manpower agency.

Naglabas ang DOLE ng Department Order (DO) 174 noong Marso 2017 na tinuligsa ng mga manggagawa na legalisasyon ng kontraktwalisasyon dahil pinayagan ang pagreregular ng manggagawa sa agency at hindi mismo sa kumpanyang pinagtatrabahuhan.

Na-delay naman ng ilang buwan ang paglabas ng ipinangako ni Duterte na Executive Order (EO) sa pagwakas ng endo (end of contract) noong 2018. Nilabas ang EO 51 isang araw matapos ang Araw ng Paggawa noong 2018. Halos wala itong ikinaiba sa DO 174, kung saan maaaring matukoy na ‘principal’ o employer ang manpower agency at maregular sa ‘principal’ ang manggagawa. Nakasaad din dito na may kapangyarihan ang DOLE na tukuyin ang mga papayagang kontraktwal na trabaho.

Batikos ng mga grupo ng manggagawa sa pagiging ‘regular sa agency’ ay walang pinag-iba sa kasalukuyang sistema na iniikutan ang pagbabawal sa labor-only contracting sa Labor Code. Hindi nagbibigay ang ganitong probisyon ng katiyakan sa paggawa at hindi rin nagtitiyak ng mga benepisyo na dapat makuha ng mga regular na manggagawa ayon sa batas.

Halimbawa ang ginawang pagtanggal sa mga manggagawa sa Harbour Centre sa panganib ng pagiging ‘regular sa agency.’ Maaaring tanggalin ng kumpanya ang agency, kasama ang mga manggagawa nito. Nangyari rin ito sa kabila ng mismong DOLE na ang nag-utos na kilalaning regular ang mga manggagawa ng Harbour Centre noon pang taong 2017.

Hinain naman sa Kongreso ang ilang panukalang batas para tapusin ang kontraktwalisasyon o mas kilalang ‘end endo bills’ matapos ang hindi pagkakagusto ng mga manggagawa sa EO 51 ni Duterte. Nakapasa ang batas para sa Secure of Tenure (SOT) pero nag-veto si Duterte sa batas noong Hulyo 2019, bago mapaso ang 30 araw para pirmahan niya ang batas kundi ay mapapagtibay ito. Inanunsyo pa ng kalihim ng DOLE na si Silvestre Bello III na malapit nang maisabatas ang SOT bill.

Bahagi ng mga dahilang binanggit ni Duterte sa pag-veto sa batas:

(1) dapat lang ipagbawal ang labor-only contracting, pero payagan ang mga lehitimong job contracting kung mayroong sapat na kapital ang contractor [para umano bayaran ang mga benepisyo ng gagawing ‘regular’ na manggagawa];

(2) dapat bigyang-laya ang mga employer na kumuha ng mga third-party contractor lalo kung magiging mas episyente ang kanilang operasyon at hindi naman ito nakasasama sa mga manggagawa

(3) kailangang balansehin ang interes ng manggagawa at employer; ang mga nakasaad umano sa batas na depinisyon ng labor-only contracting ay sumisira sa balanseng ito at ilalagay ang kapital at mangagement sa isang napakahirap na pusisyon na magkakaroon ng masamang epekto sa mga manggagawa sa pangmatagalan

Bago pa man na-veto ni Duterte ang batas, ang palagay ng ilang mga grupo ng manggagawa sa SOT bill na naipasa ng Kongreso ay pagsasabatas ng kontraktwalisasyon. Nakasaad sa panukalang batas na maaari nang ang employer ang magsabi kung aling mga trabaho ang ‘esensyal’ o may direktang kaugnayan sa negosyo ng kumpanya.

Halimbawa rito ang nangyari sa PLDT na kinatigan ng Court of Appeals (na nangyari bago pa inilabas ang batas sa SOT at tila padron nito) kung saan idineklara ng PLDT na pagkakabit ng linya ng telepono ang kanilang negosyo kung kaya’t mga wire man ang kanilang regular na empleyado, at hindi ang libu-libong empleyado nito sa BPO na nanawagan noong 2017 ng regularisasyon.

Maaari ring sabihin ng Jollibee na ang negosyo nila ay pagbebenta ng pagkain, kung kaya’t mga kahera lang ang dapat maregular, at hindi ang mga libu-libong manggagagawa nito sa warehouse na gumagawa ng pagkain. Maaari ring sabihin ng mga mall na ang kanilang negosyo ay paupa sa espasyo kaya mga tagabantay ang regular na manggagawa at hindi ang mga saleslady nito.

Pinayagan din ang job outsourcing sa SOT bill, habang may ilang linya ng gawain sa kumpanya ang maidedeklara nang regular. Ang tingin ng mga grupo ng manggagawa sa pag-veto ni Duterte sa batas ay tahasang pagpanig sa mga employer at kapitalista at hindi para sa ‘balanse.’

Lumalabas ay hindi man lang pumapayag ang mga employer o kapitalista na depinidong maideklarang regular ang ni ilan o ni isa sa kanilang mga manggagawa – lalupa’t napakaraming mga kumpanya at pagawaan na halos 100% kontraktwal ang mga manggagawa. Kung kaya’t kahit mas pabor sa kanila ang SOT kaysa sa mga manggagawa ay inayawan nila ito. Nasunod naman ang nasa interes nila sa pag-veto ni Duterte sa batas.

Samantala, nganga ang pangakong ‘end endo’ ni Duterte sa mga manggagawa.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here