“News monitoring time” noong gabi ng ika-15 ng Marso 2002 sa HQ ng Anakbayan nang tumambad sa mga balita ang dalawang bangkay ng rebeldeng ipinarada ng mga militar sa probinsya ng Rizal. Walang mukhang ipinakita. Tanging mga katawang tinakpan lamang ng dahon ng saging at anklet sa paa ng nabuwal na amasonang rebelde ang naiwang imahe sa nangyaring madugong engkuwentro.

Hindi man pinangalanan, iba ang kaba na naramdaman ko noong mga sandaling iyon. Hindi man pinangalanan, batid kong ang ipinakitang rebelde na napaslang at ang kaibigan kong sumampa sa hanay ng Bagong Hukbong Bayan ay iisa. Hindi man pinangalanan, hindi ko rin naman ninais na Lucille Gypsy Zabala o “Ka Ella” ang maririnig kong pagkakakilanlan sa bangkay na ibinalita sa telebisyon.

At hindi nga ako nagkamali.

Malalim na ang gabi noong araw ding iyon nang pumasok na ang kinakatakutang kumpirmasyon ng lahat ng nakakakilala sa iyo. Tandang-tanda ko pa at malinaw pa sa aking alaala ang mga tagpong iyon. Ayon sa balitang ipinaabot ng larangan na pinanggalingan mo, kinumpirma nila ang hinala ng lahat na ikaw at isang lokal ng probinsya ang nabuwal sa paanan ng Sierra Madre.

Ayon sa ulat nila, sa hita lang naman ang tama mo ng ligaw na bala dahil tinakpan ka ng kasama mong hukbo na higit na mas malubha ang naging tama, na sanhi ng agad din niyang pagkamatay. Dahil daw sa tama ng bala ay hindi ka na umano nakaatras at naabutan ka na ng mga sundalo. Kung tutuusin daw, hindi nakamamatay ang pinsala sa iyong hita kung agad kang nalapatan ng atensyong medikal. Pero hinayaan ka ng mga berdugo na maubusan ng dugo.

Matapos matanggap ang balita, agad kaming naghanda dahil kinabukasan ay susunduin na raw namin ang iyong bangkay sa Antipolo.

Bumuhos ang mga luha sa malamig na gabing iyon. Nagbalik ang mga alaala ng maiksi ngunit masasaya’t makabaluhang mga sandaling nagkasama tayo sa loob ng pamantasan, sa tambayan sa “Lovers Lane” sa tapat ng Admin Building, sa mga pagkilos sa lansangan, sa mga pulong, sa bahay ng mga tibak ng FEU sa Prudencio, sa HQ at kung saan-saan pa.

Kung naaalala ko nang tama, sa “Lovers Lane” ka namin unang nakita at nakilala ng mga kaklase ko sa unang mga araw ng pasukan noong taong 2000. Halos sabay ang araw ng pagkaka-organisa sa atin dahil inianak tayo ng pagkilos sa Pandacan Oil Depot laban sa pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng rehimeng US-Estrada. Hindi namin matantya ang unang impresyon namin sa iyo noon kasi magkahalong masayahin na maingay at mataray na seryoso ka noong una.

Sa umpisa pa lang, binasag mo ang tipikal na aktibistang imahe. Simula sa iba-ibang style ng buhok, branded at fashionista mong estilo, updated cellphone units at sa iba pang mga bagay. Tipikal kang kolehiyala noon na hindi mo aakalain na kakayaning sumama sa mga rally at magbilad sa tirik na araw. Kahit alam kong mas maganda ako sa iyo, marami rin namang mga kasama ang humanga sa iyo at nagpahayag sa iyo ng pagsinta.

Si Gypsy kasama ang kanyang ka-batch sa Anakbayan FEU na si Kathy.
Si Gypsy kasama ang kanyang ka-batch sa Anakbayan FEU na si Kathy.

Hanggang sa mas nakilala kita nang lubos sa pagdaan ng mga araw. Naging mas magaan ang paggampan ng mga gawain sa loob ng pamantasan kasama ka lalo noong umigting ang kampanya para patalsikin si Estrada, pagpapanawagan ng pagbuwag sa Reserved Officers Training Corps (ROTC), kampanyang elektoral sa Student Council, mga komprontasyon at debate laban sa mga kontras at marami pang mga laban. Hindi rin tayo nagpatali noon sa loob ng pamantasan at lumahok sa mga kampanya at pakikibaka ng ibang sektor gaya ng welga ng mga manggagawa ng SSS, Adamson University at iba pa.

Nasaksihan ko rin kung gaano ka nagsikhay at nagpakahusay sa mga gawain mo bilang organisador sa mga organisasyong pang-masa ng kabataan at alyansang tinanganan mo at kung paano mo rin ginampanan ang mga gawain bilang tagapagsalita, lider-masa at kampanyador habang isinasabay ang pagpapalalim ng mga pag-aaral sa iba’t ibang mga kurso sa loob ng organisasyon. Sabi nga ng mga nakasama natin, “agresibo ka at gusto mo talagang matuto.”

At hindi ka nga nasapatan sa parliyamentong larangan ng pakikibaka’t digma.

Nawala ka na lang isang araw dahil buong-buo kang nagpasyang aralin at saksihan mismo sa iyong sariling mata ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Sumapi ka nga raw sa Bagong Hukbong Bayan.

Hindi nagtagal ay bumalik ka rin, hindi upang magpahinga, kundi upang ipaalam sa iyong pinakamamahal na ina at kapatid ang iyong pasya na mag-fulltime o FT na NPA. Tulad din ng iyong inaasahan, hindi pumayag ang iyong ina sa pasya mong ito at dumating sa punto na inilagay ka sa house arrest. Kwento mo nga, hindi ka binibigyan ng pera ni isang sentimo para matiyak na hindi ka makakabalik sa Maynila mula sa probinsya niyo sa Ilocos Norte. Kaya ang ginawa mo, nag-ipon ka ng palihim mula sa papiso-pisong sukli sa mga inuutos sa iyong ipabili sa tindahan.

Hanggang sa nakaipon ka ng pamasahe at nagpaalam ka nang aalis. Lingid sa iyong kaalaman, napagtanto ng iyong ina ang iyong sinseridad mula sa determinadong aksyon mong ito. Nanaig ka. Natupad mo ang pakikipamuhay at paglilingkod sa hanay ng aping magsasaka bilang isang ganap na Pulang Mandirigma.

Hanggang sa dumating ang araw na pumatid sa dakila mong buhay na buong-buo mong inalay para sa sambayanan at rebolusyon. Sa mahigit labing-apat na taon, marahil natapos na ang aming pagluluksa ngunit hindi pa ang laban ng iyong di natapos na digma.

Naging maiksi ang halos dalawang taon nating pagiging magkaibigan at magkasama sa kilusan. Maiksi man ay naging makahulugan ang bawat mga araw ng pagkamulat, pagkatuto at pagpapanibagong-hubog kasama ka. Inspirasyon ka, hindi lang sa akin kundi sa marami pang mga mabubuting anak ng bayan na kagaya mo.

Hindi ka man nila naabutan ngunit kilala ka rin nila. Isinunod sa pangalan mo ang panrehiyunal na balangay ng Kabataang Makabayan sa Kamaynilaan bilang pagpupugay at walang hanggang pasasalamat sa iyong kadakilaan. Nakahanay na ang iyong pangalan sa bantayog ng mga martir at tunay na bayani ng sambayanan.

gypsy-brigade
Sinasabit sa footbridge ng mga myembro ng Kabataang Makabayan ang streamer na tangan ang kanilang panawagan sa isang rally noong Nobyembre 30, 2016.

Hindi na lamang sa mga upuang vina-vandalize natin sa “Lovers Lane” makikita ang iyong pangalan. Nakatala at nakaukit na rin ito sa kahabaan ng bulubundukin ng Sierra Madre kung saan idinilig ang iyong dugo.

Mabuhay ka, Gypsy!

Mabuhay ang lahat ng mga Mabubuting Anak ng Bayan!

*Lovers Lane – tawag sa tambayan ng mga aktibista sa Far Eastern University – Manila.

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here