Hindi ko malilimutan ang kwento ng kanyang pangalan—Felenina, alinsunod sa dakilang rebolusyonaryong si Vladimir Lenin, at Kriselda, bilang pagkilala sa pagkakapiit at panganganak ng kanyang nanay sa kuya niya sa kulungan noong Batas Militar. Iyon ang unang beses na nagkausap kami kahit na matagal na kaming nagkakasalubong sa eskwelahan. Iyon din ang unang rali naming magkasama. Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan.

Mula Candy tungong Bakti

Nini ang tawag sa kanya ng kanyang pamilya, at iyon na rin ang nakagawiang itawag sa kanya ng mga malalapit niyang kaibigan at kaklase sa UP Integrated School. Noong una’y hindi ko inakalang magiging kaibigan ko siya. Isa siyang certified Candy girl. Kasama siya sa mga kabatch namin na mahilig magbasa ng Candy magazine. Mukha siyang mahinhin at parang sobrang mabait. Samantalang ako naman at ang mga kabarkada ko ang isa sa mga pinakabalahura sa batch. Kami naman yung tipong kahit mga nasa upper level na estudyante e babalahurain namin.

Pero ang magkaiba naming personalidad ay pinagbuklod ng pagsali namin pareho sa Anakbayan noong grade 8 kami. Mula noon, naging magkasama kami sa mga pagkilos—pinakatampok ang pagwalk-out namin sa SONA ni Erap, at sa mga sunud-sunod na rali na dumulo sa pagpapatalsik kay Erap sa Malakanyang. Nagkakasama kami sa mga ED at mga pulong sa Vinzons na inaabot na ng gabi.

Grade 10 ko lang talaga naging kaklase si Nini. Naging mas malapit kami sa isa’t isa hindi lang dahil sa magkaklase na kami kundi dahil alam naming may mas malalim kaming ugnayan bilang magkasama. Magkasabwat na kami sa pagpapalusot sa mga magulang para makadalo sa pulong, ED, at rali. Nagsasaluhan kami sa pakikipagdebate sa mga guro namin sa klase.

Pareho kami ni Nini na nakapasa sa UP Diliman. Siya sa kursong Political Science. Ako naman sa Philosophy. At dahil nasa iisang kolehiyo lang naman kami, kami na ang laging magkasama sa pang-araw-araw na gawain. Para kaming magkarelasyon na memoryado ang iskedyul ng bawat isa. May ‘tagpuan’ sa AS lobby tuwing tanghalian at sabay na kakain kay Aling Lina. Kami rin yung madalas na binabansagan ng mga kasama na ‘college na pero high school pa rin’ dahil sa high school pa rin kami nag-oorganisa.

Sabay kaming nagpasyang magfultaym bago pa man namin matapos ang ikalawang semestre ng unang taon namin sa kolehiyo. Tanda ko pa kung paano kaming nagpasya na lang na parehong huwag na lang pumasok sa klase noong araw na iyon. Pareho kaming nagtatanong kung ano pa nga ba ang kabuluhan ng kolehiyo sa amin gayong sa pagpupultaym din naman kami tutungo. Sa isip namin noon, malinaw ang perspektiba—maglingkod nang buong panahon sa pagrerebolusyon.

ED Queen

Si Nini ang aming reyna pagdating sa paglulunsad ng mga ED. Sa aming grupo, katumbas ng pangalan at mukha niya ang gawaing edukasyon. Kapag nakikita na siya ng mga bata naming kasapi o yung mga inoorganisa namin sa komunidad, ‘matik na yan. Tiyak may ED o kaya magpapatawag siya ng kumperensya para magtasa at magplano para sa gawaing edukasyon.

Iba ang karisma ni Nini lalo na pagdating sa pagbibigay ng mga pag-aaral. Marami kaming mga kasapi sa komunidad na aminadong naengganyo sa pagdalo sa pag-aaral dahil sa ganda ni Nini. Aba, e sinong di mahihikayat ng maniningning niyang mga mata at ngiti? Pero di lang naman karisma ang bala ni Nini. Mahusay kasi talaga siya bilang instruktor. Malinaw ang mga punto, sapul ng masa ang mga aral. Magaan ang pagtuturo dahil inaaral niya at ginagamay ang panlasa ng masang kasapian.

Minsan, dumalo siya sa isang instructors’ training kung saan isang matagal na sa gawaing instruksyon ang nagbigay ng pagsasanay. Sa lahat ng mga pinadalong instruktor, si Nini ang pinaka-striking, ika nga ng mga nakasama niya. Pinuri siya ng trainor sa kanyang husay sa pagbibigay ng pag-aaral. Ang tanging puna lang ng trainor sa kanya ay ang kanyang bungi sa harapan, magpapustiso daw siya para di naman nakakadistract, biro ng trainor. Pero ganyan nga din kasi si Nini, di naman niya talaga inuuna ang sariling mga pangangailangan niya.

Para kay Nini, hindi lang dapat basta-basta ang paglulunsad ng pag-aaral. Dapat organisado din. Dapat merong kurikulum at sistema. Susi si Nini sa pagpapaunlad ng aming gawaing edukasyon—nagdetalye ng mga aralin depende sa pangangailangan ng bawat kasapi, nagbuo ng listahan ng mga suggested readings para sa paghahanda sa mga pag-aaral. Dahil dito, mas naging sabik sa pag-aaral ang mga kasapi at lumaki ang bilang ng mga napapatapos sa pag-aaral, gayundin ang balon ng mga instruktor.

Gurlfriend ng lahat

Si Nini na siguro ang pinakamalapit sa lahat ng mga kasama namin sa grupo. Siya ang pinakamadaling lapitan para sa karamihan ng aming mga kasapi. Madali siyang makagaanan ng loob. Mahusay at sinserong tagapakinig at mainam na tagapayo. Kapag nakikipagtext siya sa mga bata naming kasama, lumalabas yung kanyang pagiging Candy girl—“Gurlfriend, may ED tayo bukas ha? Labsyu. :*”

Kahit yung mga kasamang nanlalamlam sa pagkilos, sa kanya lang buong-buong nagbubukas. Siya din ang pinakamasipag na hagilapin sila, kausapin sila, at kumbinsihing muling tumangan ng gawain kahit sa pinakamaliit na kayang iambag.

Sa aking unti-unting pagkawala, siya rin lang ang laging bumabalik. May dalang pinakabagong labas na pahayag o kaya memo, mag-u-unite kahit di ka nagpapa-unite. Mangungumusta pero hindi lang bilang magkaibigan kundi bilang magkakolektib pa rin. Anong long-term niyong plano? Anong maiaambag sa kagyat? Basahin mo ‘to, yan ang latest.

Mandirigma

Hindi na siya sa akin nakapag-abiso sa kanyang pag-alis. Abala ako sa pagiging nanay habang siya naman ay masikhay pa rin sa pagkilos at buo na ang loob na iangat ang antas ng kanyang paglilingkod sa sambayanan. Noon pa man, pangarap na ni Nini ang maging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Batid na niya na doon ang pinakamataas na antas ng labanan, at doon din niya mababaka nang husto ang mga peti-burgis na tendensiya para buong-buong maglingkod sa sambayanan.

Pero noong nalaman kong nagpasya na siyang umakyat, di ko pa rin napigilang mag-alala. Maliit kasi at payat ang kanyang pangangatawan. E hindi ba nga’t lagi siyang kinakantyawan ng mga kasama sa komunidad na kaya siya laging nakabackpack e para pampabigat at nang hindi siya tangayin ng malakas na hangin kapag bumabagyo?

Pero buo ang loob ni Nini at sadyang matibay ang kanyang paninindigan. Hindi alintana sa kanya ang liit ng kanyang pangangatawan. Taong 2008, tumungo si Nini sa Hilagang Luzon para makipag-integrasyon sa mga magsasaka sa kanayunan at di naglaon ay nagpahayag siya ng kapasyahang buong panahong kumilos doon bilang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Dalawang beses lang nakadalaw si Nini mula nang magpasya siyang maging mandirigma. Sa huli niyang dalaw, namalas namin ang medyo inilusog ng kanyang katawan, at ang pinakamatingkad ay ang kanyang kasiyahan sa kanyang ginagawa. Masayang-masaya siya sa gawain niya doon. Masaya niyang ikinwento ang kanyang bagong karelasyon.

Bagong panganak lang ako noong huli niyang bisita. Tinulungan pa niya ako sa pagluluto ng tanghalian. Kahit sa akin, naggagawaing masa ang aking matalik na kaibigan. Sa araw na iyon, babalik na rin siya sa kanayunan. Ako ang huli niyang dinalaw. Biglaan at walang abiso, pero okay lang, ikaw naman ang nagprito, sabi ko sa kanya. Bago siya umalis, ‘matik na din sa amin ang magyakapan nang mahigpit. Alam na namin yun. Kailangang samantalahin ang pagkikita.

Matapos ang mahigit lang isang buwan, sumabog ang balita. Wala na siya. Nag-iisang nasawi sa gitna ng isang engkwentro sa kaaway. Natagalan sa pagpapaabot ng balita dahil sa higpit ng seguridad sa erya. Ihinabilin na lang siya sa mga masang katutubo doon at saka na lamang binalikan.

Sa pagmamahal ng masa sa kanya, kahit ilang araw na siyang nakalibing bago pa makarating ang pamilya ni Nini sa erya para kunin ang katawan niya, parang mainit pa ang kanyang katawan nang kunin nila. Inayos nang mabuti ng mga katutubo ang pagkupkop sa walang buhay niyang katawan. Iningatan siya ng masa gaya ng kanyang paglilingkod sa kanila.

Sa mga gabing maaliwalas ang kalangitan, tinatanaw kita, Nini. Ikinukwento kita sa aking mga anak, gaya ng sa eksena sa pelikulang Lion King. “Andoon sa mga tala sa kalangitan, nagniningning ang isa nating kaibigan. Siya si Felenina Kriselda, isang rebolusyonaryong mandirigma.”

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here