Ang Pilipinas ay isa sa nangungunang destinasyon ng mga kumpanya para sa Business Process Outsourcing o BPO sa buong mundo. Mataas ang tantos ng literasiya sa bansa, kolonyal at natuto ng Ingles ang mga Pilipino mula nang unang tapak nila sa pormal na edukasyon, na swak sa mataas na demand sa mundo para sa mga contact o call center. Noong 2019, tinatayang nasa 1.2 ang empleyado sa mga BPO sa Pilipinas. Pinakarami ang mga kumpanya galing sa US ang kliyente ng mga BPO dito.

Nang inanunsyo na ipapaloob sa community quarantine sa National Capital Region (NCR) mula Marso 15 na magsisimula, isa ang mga BPO na inasahang magtutuloy pa rin ang operasyon habang pinatitigil ang pagpasok ng iba at pinag-“work from home” o pinagmamantine ng “skeletal force” na lamang at ang salat at ‘di sistematikong pampublikong transportasyon ay pinatawan ng “social distancing.” Kalbaryo at malaking kaguluhan ang idinulot nito sa mga manggagawa, kasama ang mga nasa BPO, kung saan halos 10 ulit pang mas mahaba ang pila sa tren at 10 suson din ang tao sa kalsada na naghihintay ng masasakyan. Ang iba ay napilitang maglakad ng milya-milyang distanya. Tila eksperimento ang dalawang araw na kalbaryo hanggang ipinatupad ang total lockdown sa Luzon.

Pero mapa-community quarantine man o total lockdown, “operational” ang mga BPO at hindi ideyal ang sitwasyon ng mga manggagawa nito. Ang ilan ay nawalan ng trabaho, o nawalan ng sweldo kundi nakakapasok o pumapasok pa rin sa gitna ng pagdami at pagkalat ng sakit o ang iba’y gaya ng napabalitang pinatutulog sa paanan ng mga workstation nila sa trabaho. Pero kahit sinong manggagawa siguro ang tatanungin, mabuti nang may trabaho kaysa wala.

 

Si Noel

Nagsimulang pumasok sa isang ride sharing platform/business si Noel, 32 anyos, noong taong 2015. Ngayon ay isa nang regular na manggagawa sa kumpanya, at sumasahod ng nasa P 28,000 kada buwan. Pumapasok siya sa shift na 2 a.m hanggang 11 a.m. Nabago nga lang ito magmula nang maipatupad ang “Enhanced Community Quarantine (ECQ)” sa buong Luzon noong Marso 17.

Dahil sa walang pampublikong transportasyon na maaaring makapaghatid sa kanya sa kanyang pinagtatrabahuan, hindi na muling nakapasok pa si Noel. Sa ngayon ay kumakalap na lamang siya ng balita sa mga katrabaho niya, mga co-SMEs, mga ka-team at sa kanyang Team Manager na kasalukuyan daw nasa “paternity.” Kung minsan naman daw ay nagsasagawa ng video conference ang kanyang Senior Operations Manager gamit ang Google meet upang patuloy silang bigyan ng balita sa kung ano na ang estado nila sa trabaho.

Bago muling maextend ang ECQ nitong ika-14 ng Abril ay tinatanaw niyang ito ay matapos na. Gusto na raw niya ulit makabalik sa trabaho. Sa ngayon daw kasi ang kanyang asawa ang naghahanap-buhay bilang patuloy ito sa kanyang “work from home.” Kung sakaling magpatuloy pa raw ang ganitong kalagayan ay baka mapilitan na talaga siyang humanap ng ibang trabaho na maaari ring magawa sa kanilang bahay.

 

Si Nicole

Pumapasok sa Sutherland si Nicole, 19 anyos, na may hawak na account na T-mobile. Tatlong buwan daw ang kanyang naging training at sa ngayon ay hindi pa rin regular dahil nangangailangang magbilang pa muli ng anim na buwan para dito. Habang hindi pa raw siya regular, wala silang kahit anong leave na maaaring gamitin, hindi naman daw niya sana ito papasukan kung hindi lamang sa sahod na “above minimum” naman.

Ayon sa kuwento niya, noong gabi raw na inanunsyo ang ECQ ay nasa shift siya. Kahit daw alam ng kumpanyang may posibilidad na wala na talagang masasakyan bukas sinabihan daw sila nito ng “business as usual” dahil mayroon naman daw shuttle. Kinabukasan sinubukan niyang pumasok ngunit nung pauwi na ay wala na silang masakyan pa–5am daw kanyang labas pero nakauwi na ng 12 ng tanghali dahil sa mahabang nilakad pauwi. Kung hindi raw sila nasundo ng isang katrabaho ay baka inabot sila ng gabi kakalakad.

Ang ginawang paraan daw ng Sutherland ayon sa kanya, ay pinagamit ang mga leave ng mga regular na mga manggagawa upang makatanggap pa rin ng kanilang sahod kahit hindi magawang pumasok, kaya naman simula pa lang ng taon ay wala na silang leave. Nais din ng kumpanya na ibigay na ang kanilang 13-month pay upang makatulong daw sa kanila ngunit wala nang matatanggap nito sa Disyembre.

Para naman sa tulad niyang hindi regular, doble raw ang pasakit dahil “no work, no pay” talaga sila. Sa ngayon ay nabubuhay siya sa natirang sahod niya bago pa man mag ECQ.

Ngayon na naextend ang ECQ, binibigyan sila ng opsyon ng kumpanya na mag-“work from home.” Para sa kanilang walang internet connection sa bahay, papakabitan daw sila ng kumpanya ngunit sila ang magbabayad sa installation. Ayon sa kanya, dagdag pahirap daw ito sa kanya dahil hindi niya alam kung saan hahanap ng bayad gayong wala na nga siyang sinasahod.

Dahil sa matinding hirap na dala ng ECQ lalo pa’t wala siyang pinagkakakitaan, napilitan siyang maghanap muli ng iba pang trabaho. Mga “raket” o maliliit na proyekto o serbisyo na lang ang kanyang hanapbuhay ngayon magkaroon lamang ng makakakain sa araw-araw.

  

Hinaharap ng mga BPO workers habang tumatagal ang lockdown at lumalala ang pandemya

Para sa grupong BPO Industry Employees Network o BIEN, ang pinagpipilian ngayon ng mga manggagawa sa BPO ay ang kanilang buhay o kabuhayan, dahil marami pa ring mga kumpanyang patuloy ang operasyon on-site at wala naman katiyakan ang kita habang tumatagal ang lockdown at dumarami lang ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa katunayan, ito raw ay sitwasyong “no choice.”

Batay sa na-monitor ng BIEN, ang mga kinakaharap na sitwasyon ng mga empleyado ng mga BPO ay katulad ng:

  • Paghihiraman ng headset
  • Kawalan ng social distancing sa on-site operations ng mga kumpanya
  • Pagkatanggal sa trabaho dahil sa epekto ng pandemya sa mga sinesebisyuhang kumpanya galing sa ibang bansa
  • Floating status sa nagsarang mga account
  • Limitado ang pwede sa “work from home”
  • Ang mga hindi pinayagang mag-“work from home” ay pwersadong pumasok sa trabaho
  • May mga pinayagan sa “work from home” pero magpapakabit ng sariling internet o bibili o gagamit ng sariling computer
  • Maraming nagpapatupad ng “no work, no pay”
  • Napipilitang gamitin ang paid leave para may kita
  • Hindi makapasok sa trabaho dahil walang transportasyon at near-site accommodation
  • Pinapatulog sa sahig ng mga opisina ng call center para makapagpatuloy sa trabaho

Para sa BIEN, suspensyon ng trabaho on-site at paid time off sana ang pinakamakataong benepisyo na maaaring maidulot ng mga kumpanya BPO sa kanilang mga empleyado. Tumitingkad din dahil sa sitwasyon na ito ang kawalan ng katiyakan sa trabaho ng mga manggagawa ng BPO.

Bunsod ng ganitong sitwasyon, lalo pang itinutulak ng BIEN sa mga kapwa empleyado nito sa BPO ang kahalagahan ng pag-uunyon ng mga manggagawa sa BPO.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here