Bahagi ng kultura at paniniwala ng mga Pilipino ang pagbuburol, pagluluksa at paglilibing. Sa lipunang Pilipino, ang ganitong gawain ay nagiging mala-reunion ng mga magkamag-anak, magkaibigan at magkakilala. Mahirap lumiban o maging absent dito. Ito ay paggunita at pasasalamat sa naiwan ng yumao.

Pero dahil sa pagkalat ng nakakahawang sakit na COVID-19, naging patakaran ang pagpahintulot sa ‘immediate family’ lang sa pagdalo sa burol, gayundin ang pag-cremate sa yumao sa COVID-19 sa loob ng 12 oras. Tipid ang oras ng pamamaalam, ilan lang ang kasalo sa pagluluksa.

Sa patuloy na pagtaas sa kaso ng mga namamatay dahil sa COVID-19, hindi matatawaran ang tibay ng loob ng kailangang ipamalas ng mga naulila sa paghahatid ng kanilang minamahal sa huling hantungan. Tila dobleng dagok ang mamamatay sa gitna ng krisis pangkalusugan na kinakaharap ng bansa. Tila isinasama sa hukay ang mga naulila ng pandemyang ito.

 

Sa Pagbuburol

Sa pagkamatay ng minamahal, mahalagang maitanghal ang kanyang katawan bilang pag-alala sa kanyang naging paglalakbay. Ang pagbuburol ay panahon ng pagbabantay sa bangkay bago ilibing, bahagi ng burol ang lamay na tumatagal ng tatlo hanggang pitong gabi. Mala-piyesta ang lamay, mayroong nakahandang pagkain at inumin, may iba’t ibang aktibidad tulad ng awitan o videoke, tugtugan, ligal ang sugalan na nagsisilbing pampalipas-oras at manatiling gisíng ang mga nakikilamay.

Sa mga kapatid nating Muslim, walang isinasagawang burol, ang lahat ng yumao ay dapat mailibing sa loob ng 24 oras. Tanging bangkay lamang na balot sa puting tela at walang kabaong ang dapat na mailibing. Dapat ay malinis ang bangkay sa huli nitong hantungan. Matapos na malinisan o mapaliguan ang bangkay ay ibabalot naman ito sa puting saplot bilang simbolo ng kalinisan at doon lamang aalayan ng dasal ng isang Imam.

Sa pag-unlad ng teknolohiya, inaalok na ngayon ng mga negosyo sa burol ang e-burol,  kung saan kahit malayo ang isang minamahal sa buhay ay abot-tanaw at maaari pa rin niyang ipahatid o itawid ang pagdadalamhati sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Ngunit sa panahon ng pandemya, binago nito ang lahat ng tradisyon at binago nito ang papel ng teknolohiya sa pagbuburol. Dahil sa ang kalaban ay isang nakahahawang virus, iniiwasan ang exposure sa katawan ng namatay dulot ng virus. Naging mahalaga ang papel ng teknolohiya sa pagdodokumento ng alaala ng namatay, tanging sa mga larawan na lamang maipagluluksa ang minamahal. Pinutol ng virus ang ugnayan ng namatay at nabubuhay, nawala ang espasyo sa personal at pisikal na pakikisalo sa pagdadalamhati.

  

Sa Pagluluksa

Mahalaga sa mga naulila ang personal na pagtangis. Nakaugat sa kulturang Pilipino ang pagkuha ng larawan kasama ng patay, kumukuha rin tayo ng souvenir of the death o recuerdos de patay. Ang anumang maiiwang alaala ay bahagi ng pagkatao ng mga naiwan.

Ngunit dahil namatay sa pandemya ang katawan, hindi na muli ito mahahawakan, hindi na ito makukunan ng anumang gamit bilang alaala. Hindi na siya huhubaran bago siya ihimlay, suot niya ang huling sarili.

Sa panahon ng pagluluksa, litaw ang mabuting gawain ng pakikiramay. Nagdudulot ito ng pakikibahagi sa kalungkutan ng mga taong namatayan na nagdudulot ng kaginhawahan.  Walang limitasyon sa panahon kung kailan maaaring makiramay, buong araw ang pagtanggap sa mga taong nais makiramay at maging bahagi ng pagluluksa. Pisikal na ugnayan ang litaw sa bawat pagluluksa, nariyan ang mahigpit na yakap, matinding tapik sa balikat, pakikipagkamayan, pagmamano, palitan ng matatamis na halik at iba pa.

Pinagalaw at pinalayo ng pagluluksa ang pisikal na distansya ng mga naulila. Nawala ang yakap, hawak, tapik, mano, halik at iba pa sa bawat naulila ng pandemya. Naging birtwal (virtual) ang lahat. Humanap ang bawat naulila ng espasyo sa pagluluksa, naging layo-layo, may distansya, may lunan, may sulok ang bawat pagdadalamhati. Naging literal na mag-isa ang namatay sa kanyang paglalakbay sa kabilang buhay, naging mag-isa rin sa pagtangis ang mga naulila.

 

Sa Paglilibing

Mayaman ang kultura ng paglilibing. Isa ang Manunggul Jar sa paraan ng paglilibing ng ating mga ninuno. Ang disenyo ng takip ay tila alon sa dagat at sa ibabaw ay dalawang kaluluwa na nakasakay sa bangka na tumatawid patungo sa kabilang buhay. Marami ring banga ang naging sisidlan ng mga buto ng yumao. Mataas ang ating pagpapahalaga sa namatay, mahalagang maihimlay sa sementeryo ang bawat labi. Madalas na pinagpipilian at nagsisilbing huling hantungan ng katawan ng yumao ang apartment type, pagbabaon sa lupa, cremation at hanggang sa naglalakihang museleo. Ang huling espasyong ito ay paraan ng pagbibigay respeto sa alaala ng namatay.

Wala pa namang patunay na nakahahawa ang mga namatay, ayon sa World Health Organization. Batay sa guidelines na ipinalabas ng Department of Health at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na nangangasiwa sa pagharap sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa, ang nasawi sa coronavirus disease ay dapat ma-cremate o mailibing sa loob ng 12 oras. Ang ganitong pamantayan ay ginagawa sa mga taong namatay mula sa mga nakakahawang sakit kabilang na ang COVID-19. Nagbago ang tradisyon ng paglilibing sa mga kaso ng mga nasawi dahil sa pandemya. Nawala ang seremonya sa paglilibing, lahat ng nasawi ay tutuloy sa mainit na hurnuhan, susunugin at muling babalik sa abo. Sa huling sisidlan na lamang muling mayayakap ang namayapa.

Mahirap magluksa sa panahon ng krisis. Masakit ang mawalan ng minamahal sa panahong mahina ang serbisyong pangkalusugan ng bansa sa panahon ng pandemya.

Habang hinaharap ang pagkalat ng sakit ng mga nabubuhay at ng mga naipit sa lockdown, hindi naman maharap ng mga namatayan – sa COVID-19 o hindi – ang sakit ng mawalang ng mahal sa buhay.

Enero pa lumabas ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa. Halos walang linggo na ang lockdown. Dumarami pa ang kaso, dumarami pa ang namamatay sa COVID-19. Marahil makakapagluksa para sa lahat ng pumanaw at Nawala at makakapagsimula na tayong umusad kung masolusyunan na ng mga nasa pwesto para gumawa ng solusyon ang epidemya

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here