Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, naging panawagan ng mga eksperto ang pagkakaroon ng social distancing o mas angkop na tawaging physical distancing upang maiwasan ang paglaganap ng nakahahawang virus.

Dahil sa panawagang stay at home, naging iisa at magkakatulad ang karanasan ng mga mamamayan saanmang sulok ng mundo. Ang pagkalimita sa tahanan bilang paraan ng pagdistansya at pag-iwas sa sakit.

Sa ganitong sistema, matinding paglimita sa pagkilos ng mga tao ang ipinapatupad. Sa pamamagitan na rin ng paglolock-down sa mga mahahalagang lugar at serbisyo isinasakatuparan ang social distancing.

 

Social Distancing: Ilang Pagninilay sa Pagka-Pilipino

Ang bagong patakarang social distancing ay lumilikha ng bagong kulturang malayo sa nakagisnan natin. Isa sa binago ng pandemya ay ang kultura ng kolektibong paggawa at pagtutulungan.

Madalas sa bawat paggawa ay makikita ang kolektibong pagkilos para maisakatuparan nang mabilis ang plano, gawain at produksyon. Bilang bansang umaasa sa malawakang produksyon o mass production, mataas ang pagpapahalaga natin sa sama-samang pagtatahi sa delegasyon ng trabaho. Pinutol ng pandemya ang malawakan at kolektibong produksyon, itinuro ng sakit na tayo ay kumilos mag-isa upang maisakatuparan ang mahahalagang bagay. Sa kabilang banda, nanatili pa rin sa ating pag-uugali ang bayanihan, sa kabila ng pandemya maaasahan pa rin ang pagkilos at pagtutulungan ng bawat isa upang maihatid ang ayuda sa nangangailangan. Pinagalaw ng karanasang ito ang taal na kolektibong pagkilos nating mga Pilipino.

Nilayo rin tayo ng krisis pangkalusugan na ito sa nakasanayang pagpaparamdam ng pagpapahalaga sa kapamilya, kaibigan. Naging mahirap para sa iba ang pagdistansya sa kakilala, nakatatanda at minamahal dahil higit pa sa pagbati ang ating ginagawa sa tuwing may makakasalubong. Nakasanayan natin ang pagmamano, paghalik at pagyakap sa tuwing may makakasalubong. Dahil sa hindi matatawaran ang pagiging mapagmahal ng mga Pilipino, naitatawid pa rin natin ang pag-ibig at pagmamalasakit sa pamamagitan ng air hug, virtual hug, finger love sign, flying kiss, elbow to elbow bilang kapalit ng pisikal na koneksyon sa ating mahal sa buhay.

Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, Marso 8, 2020

Pagkakaisa at sama-samang pagkilos din ang susi sa pagkakamit ng mga karapatang kinikilala naman sa mundo, sa Konstitusyon o sa batas pero hindi natatamasa ng mga mamamayan o ‘di kaya’t tahasang pinagkakait kung kaya’t kailan pang igiit. Gaya ng mga rali na nananawagan laban sa pasismo. O ng mga strike ng manggagawa na nanawagan ng disenteng sahod, maayos na kalagayan sa paggawa at seguridad sa trabaho. Susi rin ang sama-samang pagkilos para maprotektahan ang mga kalayaang sibil at demokrasya, gaya ng pagkilos ng mamamayan laban sa paglabag sa karapatang pantao at pagpapanumbalik ng martial law. Deklarado at depinidong bawal sa mga ginawang guidelines sa ‘general community quarantine’ ang mga pagtitipon na pulitikal.

 

Sa kabilang banda, ang social distancing ay kaugaliang hindi natin napapansing mayroon tayong mga Pilipino.

Noon pa man, litaw na ang pagdistansya sa isang nakatataas o maimpluwensyang indibidwal bilang bahagi ng pagbibigay respeto at pagkilala sa kapangyarihan. Sa kasalukuyan, ang mga nasa kapangyarihan ay tila dumidistansya rin sa ayudang dapat ipinagkakaloob sa masang hikahos sa panahon ng pandemya. Sa halip na ilapit ang serbisyo sa mga naka-stay at home, sinunod ng pamahalaan ang kanilang kautusang social distancing- ang umiwas sa holistikong pagtulong. Maging ang bilyong pondo na nakalaan para sa higit na apektado ng krisis pangkalusugan ay nagkaroon ng malaking distansya upang maabot ng batayang masa at batayang sektor.

Tulad ng isang artista sa kanyang tagahanga, mahalaga ang pagdistansya upang mapanatili ang bituin sa pedestal na kinalalagyan. Lumilikha ito ng espasyo sa pagitan ng tagahanga at idolo. Malaki ang pag-idolo ng administrasyong Duterte sa kakayahan at kapangyarihan ng bansang Tsina, kung kaya’t hindi nito mapigilang yakapin at ibigay ang buong suporta sa idolong tinitingala. Hindi napigilan ang pagdistansya ng pamahalaan, lalong dinumog ng suporta ang bansang pinagmulan ng pandemya.

May mga lugar pa rin sa bansa na nagpapahalaga sa distansya ng babae at lalaki. Sa kulturang Muslim, malaki ang kanilang respeto sa kababaihan, kung kaya’t may distansya sa pagitan ng babae at lalaking Muslim sa ilang pagtitipon at gawain.  Sa kultura ng mga binukot sa tribong Panay-Bukidnon, itinatago at inilalayo sa mata ng publiko ang batang babaeng itinakdang maging isang binukot o secluded woman, na kinikilala bilang prinsesa ng kanilang lahi. Sa kabila ng pagtingin sa pagkakaiba ng kakayanan at katangian ng babae at lalaki, hindi maitatangging pinantay ng pandemya ang tungkulin ng isang babae at lalaki. Sa panahon ng krisis, hindi lamang ang lalaki o babae ang inaasahang kumilos para sa kaligtasan ng pamilya. Kumikilos ang bawat isa upang mapunan ang kakulangan ng pamahalaan at pagpapanatiling malakas ng pamilya upang malabanan ang nakamamatay na virus.

Sa kabila ng pagdistansya ng pamahalaan sa pangangailangan ng kanyang mamamayan, mahalaga ring suriin ang ating mga sarili hinggil sa pagdistansya. Hindi ba’t bilang indibidwal matagal na rin nating ginagawang dumistansya sa ating kapwa? Hindi siguro tayo malay, ngunit sa realidad, isa tayo sa unang dumidistansya.

Balikan natin ang mga panahong may nakakasalubong tayong taong grasa, mga taong pinaghihinalaan nating may masamang motibo habang tayo ay naglalakad o nakasakay.

Dumidistansya rin tayo sa mga batang kalyeng namamalimos habang lulong sa solvent, mga katabing may kakaibang amoy, mga taong hindi sinasadyang humatsing at umubo dahil baka mahawa sa virus, mga indibidwal na may kakaibang sakit sa balat at itsura.

Nilalayuan din natin ang mga may pisikal na kakulangan.

Hindi lang tao ang dinidistansyahan natin, maging ang mga lugar na markado ay iniiwasan din natin. Marahil magdadalawang-isip kang pumunta sa Tondo, Maynila nang mag-isa sa kalagitnaan ng gabi, mamasyal sa Maguindanao o Marawi.

Dumidistansya ka rin sa pagkukuwento na may dinadalaw ka sa kulungan o mental hospital.

Ilan lamang ito sa patunay na may mga kuwento tayo ng pagdistansya sa tao at maging sa mga lugar. At sa panahong sinusubok tayo ng pandemya, mahalagang suriin ang sarili at sinupin ang mga distansyang pumapagitan sa ating kapwa.

 

Social Distancing: Ilang Pagsuway sa Patakaran

Pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng community quarantine sa NCR noong Marso 12

Hindi ba’t naunang sumuway ang administrasyong Duterte sa social distancing nang ipagpatuloy nito ang bukas na relasyon sa bansang Tsina. Sa kasagsagan ng virus, naging bukas pa rin ang bansa sa pagpapapasok ng mga dayuhang nagmula sa epicenter ng sakit. Hindi nito isinaalang-alang ang paghihiwalay o pagdidistansya sa isa’t isa upang masagip ang maraming buhay, dahil iniingatan ng gobyernong ito ang relasyon sa bansang Tsina. Naging buwelta pa ng gobyerno sa mga kritiko na gawaing racist ang panukalang pagbabawal sa mga dayuhang Tsino.

Social distancing din ang naging relasyon ng pamahalaan sa serbisyong medikal ng bansa. Sa halip na tugunan ang pangangailangan at suportahan ang inobasyon ng mga nasa larangan ng medisina upang masugpo ang virus, pinakawalan ng pamahalaan ang pulisya at militar bilang isang hakbang ng pagsugpo sa sakit. Malinaw na sumandig ang Pangulo sa lakas-militar at pulisya at dumistansya sa ahensya at ekspertong may kakayanan sa paglaban sa krisis pangkalusugan.

Habang abala ang lahat, dahil nasa gitna pa lamang ng laban kontra COVID-19 ang bansa, naging patuloy ang paggalugad ng mga dayuhang Tsino sa likas na yaman ng bansa, may mga balitang ipinagpapatuloy nila ang pagmimina, pagtatayo ng mga bagong isla, pirmahan sa pagpapautang para sa bagong proyekto at marami pang bantay-salakay na gawain. Naging tikom ang bibig at dumistansya ang pamahalaan na sagutin at ipaglaban ang lugmok na bansa mula sa pang-aabuso ng bansang Tsina.

Wala ring pinipiling panahon sa pagdistansya ang gobyerno sa isyu ng POGO. Sa kabila ng pandemya at maraming isyung naikabit sa POGO tulad ng prostitusyon, iligal na droga, kidnapping, human trafficking at korupsyon, mas binibigyang pabor pa na unahing buksan ang negosyong ito sa halip na bigyang suporta, prayoridad at buhayin ang negosyong lokal. Malinaw na mas binibigyang halaga ng pamahalaan kung paano mabibigyang ayuda ang negosyong pinapaandar ng mga Tsino.

Marami rin tayong kababayang pinagdadampot na nakatira sa maralitang komunidad dahil sa ipinapatupad na social distancing. Paano nga ba makalilikha ng distansya sa isang maliit na tahanan? Paano nga ba pananatiliin ang espasyong kokontrol sana sa paglaganap ng virus? Tunay ngang mahirap maging mahirap sa panahon ng pandemya. Ang mga kababayang walang-wala ay sila pang madalas na nahuhuli at pinagmumulta. Tanging mga maralitang taga-lungsod ang kayang pakitaan ng lakas at pang-aabuso ng pamahalaang ito. Sa halip na serbisyo o ayuda, pandarahas at bala ang madalas na ipinagkakaloob sa kanila.

Tila kalbaryo rin para sa mga frontliners ang naging kawalang transportasyon at ang madalas na panghuhuli sa kanila dahil sa hindi pagsunod sa social distancing habang nakasakay sa motor o tricycle. Mahirap isipin na kung sino pa ang nagmamalasakit sa kapakanan ng bayan sa gitna ng krisis, ang siya pang madalas na ginigipit ng mga polisiyang hindi isinaalang-alang ang kanilang kapakanan. Bukod sa mababang sweldo at benepisyong kanilang natatanggap, dagdag dagok din ang pagharap nila sa diskriminasyon ng lipunan dahil sa kanilang mga sinumpaang tungkulin. Gumagawa tayo ng mapanghusgang distansya sa mga front liners na pangunahing kakampi natin sa laban na ito.

Sa patuloy na pagkalat ng virus, mahalagang isaalang-alang ang social distancing upang mabawasan ang paglaganap nito, ngunit mahalaga ring maitanim sa ating isipan na ang pagdistansya ay hindi nangangahulugang diskoneksyon sa ating kapwa upang muling kilalanin, makasama at matulungan.

Madaling maipatupad ang social distancing kung may tiwala ang gobyerno sa kanyang mamamayan at kung nagtitiwala rin ang mamamayan sa kanyang gobyernong tutugon sa kanilang pangangailangan sa panahon ng lockdown. Kundi naman matamang masolusyunan ang problemang ito at matugunan ang lumalala nang gutom at hirap ng mamamayan, lalo lang humahaba at lumalawak ang distansya sa pagitan ng may makakain at wala, maging sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan na maaaring sa mga susunod ay ‘di na maitutulay ng pag-aayuda lang.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here