Inilathala noong Abril 28 ng Kapatid, grupo ng mga kaanak ng bilanggong pulitikal ang sulat ng ina ni Reina Mae “Ina” Nasino, anim na buwang bilanggo at anim na buwang buntis na nakapiit sa Manila City Jail Female Dormitory.

Hinuli sa isang raid sa opisina ng Bagong Alyansang Makabayan Manila si Ina at dalawa pa niyang kasama noong Nobyembre 5, 2019. Kinasuhan sila sa natagpuan umanong baril at bala sa opisina. Makailang-ulit nang ipinanawagan ang pagpapalaya kay Ina sa makataong batayan sa gitna ng lumalalang pagkalat ng COVID-19 lalupa’t siksikan ang mga kulungan.

 

===

Hon. Diosdado M. Peralta
Chief Justice
Supreme Court
Magandang araw po,

Ako po si Marites Lora Asis, ina ni Reina Mae Asis Nasino na kasalukuyang nakapiit sa Manila City Jail Female Dormitory.Sumusulat po kami sa inyo upang idulog ang paglaya ng aming mahal sa buhay na si Reina Mae (Ina) na nakakulong sa Manila City Jail Female Dormitory. Labis ang aming pag-aalala para sa kanyang kalusugan, sa kaligtasan ng kanyang buhay sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ang aking anak ay 22 taong gulang, siya ay kasalukuyang 6 na buwan ng nakakulong at 6 na buwang pagdadalang tao. Nangangamba po ang aming pamilya na maaring makaapekto ito sa kaniyang magiging anak.

Ayon sa aking anak, higit 100 at siksikan sila sa bawat dorm. Imposible pong magawa ang “Social distancing” sa loob ng kulungan. Bukod po roon ay hindi din nabibigyan ng tuloy-tuloy na supply ng tubig sila para sa kanilang kalinisan. At hindi po kami nakakasigurado na masustansya ang kaniyang kinakain lalo na’t siya ay buntis. Anim na buwan na siyang nagdadalang tao, maselan po siya dahil ayon sa kaniyang check-up sa Ospital ng Sampaloc ay mababa ang kaniyang matres.

Nabalitaan naming marami nang bansa tulad ng Indonesia, India, Iran at maging ilang estado sa Estados Unidos ang nagpalaya na ng libo-libong preso, bilang bahagi ng kanilang hakbang sa pagharap sa krisis ng COVID-19. Sana ay sundan din ng Pilipinas ang ganitong halimbawa.

Hinihiling po namin ang kagyat na paglaya ni Reina Mae Nasino. Dudulog pa rin po sya sa mga court hearings kung sakaling maaprubahan po ang aking anak.

Umaasa kami sa inyong agarang aksyon para mapalaya na ang aming mga kaanak at mahal sa buhay, na sila ay hindi na lang basta mahawa’t mamamatay nang walang kalaban-laban. Hangad naming ang inyong pag-unawa at pagkahabag.

Sumasainyo,


(Sgd.)
Marites Asis
Orihinal na nailathala ang sulat ng ito ng Kapatid – Families and Friends of Political Prisoners

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here