Ang dinaraing ko’y para sa’yo
Na unti-unting matutunan ko
Paano mahalin
Paano mahalin ang katulad mo
— sipi sa kantang “Paano Mahalin ang Katulad Mo” mula sa Lean, A Filipino Musical
Mahirap magmahal ng aktibista. Sa mundo ng mga pinangarap ng mga magulang mo, pwede ka naman sana magmahal ng isang “normal” na asawa na magtatrabaho at magtataguyod ng pamilya; ng jowa na idedate ka at kakain kayo sa pinakabagong restaurant sa Metro Manila; ng partner na kasama mo magtatravel para magbakasyon. Sa dami ng pwedeng mahalin, bakit ba kasi siya ang napili mo?
Napakadali kasing mahalin ang isang aktibista. Ang pinakamahuhusay na aktibista ay iyong mga magaling makisama sa kapwa. Malamang sa mga nakasama at nakadaupang palad ni Dennise ay nakasama niyo na siya mag-kape, kumain sa karinderya o sa bahay. Malamang naikwento mo na sa kaniya ang ilang kabanata ng iyong buhay o kaya naman bagay na bumabagabag sa iyo. Madali mo siyang makagaanan ng loob.
Noong bago pa lang kaming magkakilala ni Dennise, medyo suplada ako sa kaniya. Kasi naman, una kaming nagkakilala, late siya at pinaglakad niya ako mula McDo Quezon Ave-EDSA hanggang sa Tropical Hut Scout Borromeo. Sa ikalawa naming pagkikita, ang bati niya sa akin ay “Kamusta? Parang tumataba ka”. Nakasama ko siya sa iba pang panahon sa mga gawain at aktibidad ng mga kabataan. Mahilig siya makipag-kwentuhan tungkol sa mga buhay-buhay ng mga tao. Naikwento niya sa akin ang buhay niya noong lumalaki siya sa Valenzuela, parktikular ang pagbebenta niya ng balut at pag-part-time pahinante. Tumaas nang husto ang paghanga ko sa kaniya dahil sa mga kwento niya. Magkaibang-magkaiba kasi kami ng kinalakhang buhay. Masasabi ko na nakuha niya ang aking loob sa pagtitimpla niya ng kape. Noong kami ay nanirahan sa isang collective house, pinagtitimpla niya ako ng kape at makikipagkwentuhan matapos ang buong araw ng gawain. Lumipas ang 15 taon hanggang nang ikinulong siya, mahilig pa rin kami magkape at magkwentuhan.
Mahinahon at mapagkumbabang makikinig at makikipag-usap ang mga mahuhusay na aktibista, magkapareho man o magkatunggali ang inyong mga pananaw. Sa lahat ng mga meeting o gawain na nakasama ko si Dennise, hindi ko pa siya kahit kailan naringgan na magtaas ng boses o maging bastos na kausap. Lagi’t lagi ko hahangaan ang nakita ko sa kaniyang prinsipyadong pakikipagtunggali. Titiyagain niyang makipag-usap kahit sa kaniyang mga katunggali sa pormal o impormal na paraan sa diwa ng pagbubuo ng pagkakaisa batay sa matalas na linya.
Sa aming personal na relasyon, lagi’t lagi siya ang mas mahinahon kapag kami ay nagtatalo. Laging siya ang nauunang nagpapakumbaba at nagso-sorry. Lagi niyang pinapaalala na kinakailangan tapusin namin ang pag-aaway at ang pagtatalo ay dapat tumungo sa pagpapalakas ng relasyon at hindi pagkasira nito.
Higit sa lahat, ang mga aktibista ay hindi madamot. Sila ay mapagbigay—sobrang mapagbigay inaalay nila ang kanilang buong panahon para sa iba nang walang kapalit para sa kapakanan ng nakararami.
Kahit kailan hindi kami nag-away ni Dennise dahil sa pagseselos sa partikular na indibidwal. Ang kaagaw ko lang talaga ng oras ay ang mga pulong masa, meeting, mga organisasyon. Ilang beses na ako nagrereklamo na wala ang atensyon nya sa akin kahit nasa bahay. Madami siya katext habang sana ay tinutulungan ako sa gawaing-bahay o kaya naman kami ay nagde-date. May mga panahon na pinag-iisip niya pa ako ng mga campaign slogan o pangalan ng mga organisasyon habang nag-go-grocery! Minsan o madalas, naiirita ako. Pero iniisip ko na hindi talaga mapapasaakin ang buong atensyon ng asawa ko. Kahati ko talaga sa kaniyang puso at isipan ang sambayanan.
Sa gitna ng agam-agam
Sa piling ng pangangamba
Kakambal ng kasaysayan
Itong ating pagsinta
Ang pagsubok at panganib
Sa panahon ng ligalig
Ang siyang magpapanday sa ating
Panata’t pag-ibig
–sipi sa kantang “Panata’t Pag-ibig” mula sa Lean, A Filipino Musical
Totoo, radikal ang magmahal. Ngayong nakakulong ang aming mga aktibistang mahal sa buhay, kami ngayon ang nasa inyong harapan. Kaming pamilya ang tumatangan ng kanilang laban. Naniniwala ako na ikulong man nila ang aming mga mahal na aktibista, hindi nakukulong ang diwa ng kanilang pinaglalaban. Naniniwala ako na ang mapagpalayang pag-ibig natin sa ating asawa, sa pamilya, sa komunidad, at sa ating bansa ang magbibigay ng daan para makawala tayo sa kasalukuyang kadiliman na bumabalot sa bansa: kasinungalingan, kawalang hustisya, at karahasan. Ang aming panata sa aming pag-ibig ay patuloy na ipaglaban ang katotohanan, ang karapatang pantao, at kapayapaan. Magmahal ng radikal, magmahal nang radikal. <3
DMZ
Liham ni Diane Zapata para sa kanyang ang asawa na si Dennise Velasco, isang bilanggong pulitikal sa ilalim ng rehimeng Duterte.