“Mag-asawa ka nalang ng tomboy tapos anakan mo para maging P80,000 ang financial assistance sa’yo.”


Ito ang lantad na sinabi ng barangay chairman kay Anora Madrid, 21 taong gulang na miyembro ng LGBTQIA+ community na mula pa pagkabata ay naninirahan na sa Upper Smokey Mountain sa Brgy. 128, Tondo, Manila.
Si Madrid ay bunso sa kanilang pamilya at kasama na tumutulong sa kanyang 61-anyos na ama na patuloy pa ring nagsasaka sa Upper Smokey Mountain.
Hindi na siya nakapagpatuloy sa pag-aaral at sa halip ay tumutulong na lamang sa pagtatanim ng talbos ng kamote, talong, at alugbati sa dating bundok ng basura. Tuwing anihan, sila mismo ang nagkakakariton at naglalako sa karatig-komunidad. Kapag hindi anihan, nagraraket siya sa cafeteria o ukay-ukay upang makaambag sa kanilang pang-araw-araw.




“Umaga palang po, bandang 5:00AM ay ipa-plastic ko na. Bawat eskinita sa karatig-bayan papasukin namin. Kasama rin po namin yung pamangkin ko na pinapauwi agad para bumili ng bigas kapag kumita na. Para kapag uuwi kami ng 11AM, may kakainin na,” ani Madrid.
Ugnayan ni Reghis Romero, R-II Builders sa Smokey Mountain
Nakaamba ang demolisyon sa Smokey Mountain bilang bahagi ng planong Waste-to-Energy (WtE) project ng Manila Integrated Environment Corp. (MIEC). Isang kumpanyang pag-aari ni business tycoon Reghis Romero sa pamamagitan ng Phil. Ecology Systems Corp. (PhilEco).
Higit 23,000 residente ang Smokey Mountain ang nangangamba bunsod ng nakaambang demolisyon sa kanilang mga tirahan.
Si Romero at ang R-II Builders ay matagal nang nakaugnay sa Smokey Mountain. Noong 1993, nakipag-joint venture ang NHA sa R-II Builders para sa Smokey Mountain Development and Reclamation Project (SMDRP). Ngunit matapos ang mga serye ng kaso ay pinaboran ng Korte Suprema ang R-II Builders para mabawi ang higit P4 bilyong assets mula sa National Housing Authority at Home Guaranty Corporation noong 2018. Mula rito, itinalaga ang isang court receiver upang pamahalaan ang mga ari-arian at usapin sa Smokey Mountain.
Samantala, marami nang naitalang rekord ng R-II Builders hinggil sa usapin ng pangangamkam ng lupa sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila.
Matatandaan noong Nobyembre 2024 ay nagkaroon ng sunog sa Marala St. sa bahagi rin ng Smokey Mountain kung saan naapektuhan ang higit 100 pamilya. Ayon sa mga residente, ilang opisyal mula sa kanilang barangay, National Housing Authority, at mga guwardiya ng R-II Builders ang nagpunta sa kanilang komunidad upang ipaalam na ang lupang kanilang tinitirhan ay pagmamay-ari ng R-II Builders.
Kasabay banta ng demolisyon ay ilang ulit ding nagkaroon ng serye ng pang-eenganyo sa kanila sa pamamgitan ng pag-aalok na tanggapin na lamang ang kompensasyon para mag-self demolish. Ngunit sa bahagi ni Anora, hindi ito makatwiran.
“Tuwing magfofollow-up ako sa court receiver. Laging tatak sa akin na di pa raw napapasa yung batas kaya wala raw po akong boses, wala raw po akong magagawa. Kasi ang nakasaad daw po sa NHA ay pamilyado,” ani Madrid.
‘Mag-asawa ka nalang ng tomboy’
Ibinahagi ni Madrid ang isinagawang pulong konsultasyon na dinaluhan ng mga residente ng Upper Smokey Mountain sa court ng Barangay 128 noong Hulyo 18. Dinaluhan ito ng iba’t ibang opisyales ng nasabing barangay na nakasasaklaw sa Smokey Mountain. Bago rin magsimula ang nasabing aktibidad, ipinagbawal sa kanila na kumuha ng litrato o video sa magaganap na konsultasyon.
“Ang sabi po sa amin, itong Upper Smokey Mountain daw po ay isang kahihiyan daw po ng Metro Manila. Kasi bundok daw po ng basura. Tapos pinagpipilitan nilang nag-aapoy raw po rito. Ang sabi ko, may nagsusunog kasi ng tanso. Pero pinagtawanan ako. Eh yun naman ang totoo kasi iyon ang nakikita namin. Dati nag-aapoy kasi sa methane,” paliwanag ni Madrid.
Marami sa mga residente ang nagbahagi ng kanilang kalagayan, kabilang na rin si Madid.
Una niyang ipinakiusap na pagbigyan sila para sa isang anihan. Sinalubong naman siya ng kapitan sa kanyang pakiusap.
Ayon kay Madrid, ang kanyang ama ang kauna-unahang pumasok sa Upper Smokey Mountain hindi para magskwater kundi magtanim. Ngunit sa paglaon ng mga taon, dumami na rin ang mga nanirahan bunsod ng kahirapan sa buhay.
Matapos ang kanyang apela para sa pantay na financial assistance, nakatanggap siya ng nakasisirang pahayag mula sa SK chairwoman at barangay chairman.
“Sumingit yung SK chairwoman at sinabi sa akin, “pasensya na beh, wala sa batas na ang LGBTQIA+ na nag-aaggree sa demolisyon na ipapantay sa financial assistance,” tapos biglang sumingit din si chairman na “mag-asawa ka nalang ng tomboy tapos anakan mo para maging P80,000 sayo,” emosyonal na paglalahad ni Madrid.
Ayon sa Urban Development and Housing Act (UDHA) of 1992 at lokal na ordinansa, karaniwang nakabase ang financial assistance sa mag-asawa o magulang na may anak. Dahil dito, naiwan ang mga single individuals, LGBTQIA+ persons, at live-in partners sa mas maliit o walang assistance. Sa maraming karanasan, mas maliit ang nakukuha nilang assistance kumpara sa mga itinuturing na “buong pamilya.” Halimbawa, maaaring P30,000 lamang ang ibigay sa isang single occupant, habang P80,000 pataas naman kung magulang na may anak. Sa kaso ni Madrid, una siyang inalukan ng P15000 lamang, bago naging P30000 noong nakausap na niya ang kapitan ng barangay. Samantala, ang malinaw rito ay berbal lamang ang mga nasabing kasunduan.
Ang ganitong polisiya, ayon sa Manila Urban Poor Network (MUPN), ay hindi makatarungan dahil hindi isinasaalang-alang ang pantay na karapatan sa paninirahan at seguridad ng bawat tao anuman ang kanilang sexual orientation, gender identity, at family setup.
“Nakamicrophone iyon at nasa 1000 families mahigit ang dumalo. Sampal talaga sa akin yung mga sinabi na mag-asawa nalang ng tomboy at anakan. Ang sakit po para sa akin na sinabi sa akin at nandoon yung mga tao na pinagtawanan ako,” ani Madrid.
Matapos ang insidente ay ilang araw rin nakatatanggap si Madrid ng pangungutya at pangiinsulto. Ngunit hindi niya ito inalintana.
Hindi naiiba ang sinapit ni Madrid sa iba pang naitalang kaso ng diskriminasyon laban sa LGBTQIA+ sa usapin ng ayuda at pabahay. Halimbawa, sa karanasan sa Tacloban matapos ang bagyong Yolanda, ilang miyembro ng LGBTQIA+ community ang naiwang hindi nakatanggap ng livelihood at housing assistance dahil hindi sila kinilalang bahagi ng “pamilya” sa pamantayan ng gobyerno.
Mayroon ding ulat mula sa GALANG Philippines na isinama sa Universal Periodic Review (UPR) submission ng ASEAN SOGIE Caucus hinggil sa kalagayan ng mga lesbian-headed households na sistematikong hindi binibigyan ng priyoridad sa resettlement dahil hindi kinikilala ang kanilang family arrangement.
Hanggang ngayon, wala pa ring pambansang batas laban sa diskriminasyon batay sa SOGIE, bagamat mayroong Gender-Fair Ordinance ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad sa Maynila na dapat pumapantay ng trato at nagbabawal ng diskriminasyon, mismong sa mga konsultasyong pinangungunahan ng opisyal ng barangay lumalabas ang mga pahayag na diskriminatoryo sa LGBTQIA+ sa usapin ng relokasyon at financial assistance.
“Lagi ko pong pinagpipilitan ang pagkakapantay-pantay. Kasi may sariling kaldero naman ako, may sariling bahay naman ako. Nagbigay lang naman po ako ng opinyon tungkol sa kalagayan ko na masasama sa demolisyon at hindi pantay ron sa sinasabing financial assistance na inooffer sa amin. Pero hindi naman ito ang habol ko, ang ipinaglalaban namin ay pabahay,” dagdag pa ni Madrid.
Hinggil sa P26 bilyong waste-to-energy plant sa Smokey Mountain
Bahagi rin ng diskusyon sa konsultasyon ang Smokey Mountain Waste-to-Energy (WtE) project, isang proyektong isinusulong ng Manila Integrated Environment Corp. (MIEC), na pinangangasiwaan ng Phil. Ecology Systems Corp. (PhilEco) at pagmamay-ari rin ni Romero.
“Ilang buwan na mula nang magsimulang i-demolish ang paninirahan sa paligid ng Smokey Mountain upang bigyang-daan ang nakaambang Waste-to-Energy Facility na itatayo sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Ang proyektong ito ay nakabalangkas sa malawakang Port Modernization sa kahabaan ng port area ng Maynila,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan – Manila.
Aabot sa P26.648 bilyon ang tinatayang halaga ng nasabing proyekto, kabilang ang engineering studies, permits, site development, installation ng WtE facilities, procurement ng equipment, air pollution control, at environmental monitoring activities.
Matatandaan noong Hunyo 20 ay nakipagpulong si President Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal ng Kanadevia Corporation at PhilEco sa Osaka, Japan, hinggil sa kanilang investment plan para sa proyekto.
Ang Smokey Mountain WtE project ay may target na 3,000 tons per day ng residual municipal solid waste, o mga basurang hindi compostable at hindi recyclable. Idinisenyo itong makalikha ng 99.37 MW ng kuryente, kung saan 12.42 MW ang gagamitin para patakbuhin ang planta at 86.95 MW naman ang ibebenta sa grid sa ilalim ng Green Energy Auction Program.
Magsisimula ang konstruksyon sa unang kwarto ng 2026, target ang commissioning sa ikatlong quarter ng 2028, at commercial operation nito sa ikaapat na kwarto ng parehong taon.
Protesta at panawagan
Noong Agosto 18 ay nagtungo si Madrid kasama ang iba’t ibang residente ng Smokey Mountain sa Manila City Hall para hamunin si Manila mayor Francisco ‘Isko’ Moreno na makipagdayalogo hinggil sa nakaambang demolisyon.
Sa pangunguna ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Upper Smokey Mountain – Kadamay (SMUSM-Kadamay), hindi lamang usapin ng lupa at basura ang nakataya kundi ang mismong karapatan nila sa paninirahan at pantay na pagtrato.
Ayon naman kay Mark Cabangon ng MUPN, hindi hiwalay ang kaso ni Madrid sa mas malawak na diskriminasyon na dinaranas ng mga mahihirap na komunidad.
“Kung mismong sa Maynila na may gender-fair ordinance ay nakakaranas pa rin ng lantad na panlalait at pagkakait ng tulong ang mga miyembro ng LGBTQIA+, lalong nakikita kung bakit kailangang itulak ang SOGIE Equality Bill para sa pambansang antas,” aniya.
Ayon sa mga kinatawan ng Manila City Hall, bukas umano ang alkalde na makipagpulong sa mga residente sa darating na Miyerkules. Ngunit malaking pangamba sa mga residente ang aktibong banta ng demolisyon sa kanilang komunidad.
“Ang hinihingi po namin ay hindi lang pera. Ang gusto po namin ay makataong solusyon, pabahay na ligtas, maayos, at para sa lahat,” pagtatapos ni Madrid.

























