Probinsyudad ng Taguig ang Maysapang, saad ng mga residente na higit tatlong dekada na ang kalakhan sa naninirahan dito. Subalit 2015 lamang nang angkinin ang lupaing ito ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) hanggang mapunta sa R-II Builders at MGS Consortium.

Alas kwatro ng hapon ngayong araw nang magpaskil ng mga karatula ang ilang pwersa ng Jericko Security Agency ng R-II Builders at MGS consortium sa kahabaan ng Levi Mariano Ave sa Maysapang, Brgy. Ususan, Taguig City. Nakasaad sa mga karatula ang pag-aalok ng salapi o ‘bonus’ para sa mga ‘Early bird na mga residenteng papaloob sa sapilitang pagdemolis ng kanilang kabahayan.

“Iyon ang isang pamamaraan nila para makapag-enganyo muli ng magpapabayad kasi syempre, sa hirap nga naman ng buhay. Pero sa katunayan, wala na talagang may gusto nito, ayaw na ng mga tao dahil bukod doon sa kapalit na bahay nila na relocation kasama itong early bird bonus ay walang silbi ang mga ito kapag inilapat na sa mga gastusin,” saad ni Girlie Caduco, tagapangulo ng NRMHOAI.

Ani Caduco, hindi na bago ang ganitong taktika ng R-II Builders at MGS consortium.

Taong 2021, sa halagang P30,000 rin ang naging alok kapalit ang sapilitang pagdedemolis ng tirahan ng ilang mga residente ng Maysapag. Dagdag ni Caduco, napipilitan ang ibang mga residente bukod sa takot at pangamba ay unti-unti pa lamang ding umaahon ang mga residente buhat ng krisis ng pandemya.

Sa kabila ng mga ito, ipinagmamalaki ng NRMHOAI ang mga tagumpay na aktibidad ng mga residente tulad ng outreach program, pagkakaroon ng community library at ang urban farming o gardening.

“Sa bahagi ko kasi, ang aking adbokasiya ay magtanim hindi para pagkakitaan. Maghahanap ako ng mga punla para itanim diyan o ibigay sa mga bahay-bahay at ‘yong mga nanay ay i-encourage na makapagtanim-tanim din,” ani Caduco.

“Kumbaga kahit sa simpleng pamamaraan, nadadagdagan din ‘yong kanilang kagustuhan na makapagtanim dahil alam nila na mahalaga ‘yon sa kanila,” dagdag niya.

Bago ang pagpaskil, inilunsad ang ikatlong konsultasyon ng Local Interagency Committee (LIAC) kasama ang R-II Builders, MGS consortium, at BCDA maging ang ilang elemento ng Jericko security agency, mga kapulisan at SWAT officer sa Elephant St. sa Maysapang, Brgy. Ususan sa Taguig. Hindi ito sinipot ng mga residente.

Pag-aalma ng mga Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association (NRMHOAI), presentasyon lamang ang ginagawa ng LIAC sa bawat konsultasyon para talakayin ang relocation housing units sa Pandi, Bulacan at iba pang mga probinsya para sa mga residente.  

Dagdag pa ng NRMHOAI, giagawa lamang ang mga konsultasyon para bigyang daan ang pagkuha ng LIAC ng certificate of compliance mula sa local government ng Taguig at ituloy na ang nakaambang demolisyon sa Maysapang.

Matapos ang konsultasyon, nagprotesta ang mga kananayan sa bungad ng Elephant St. sa Levi Mariano Ave. para irehistro ang kanilang mariing panawagan para sa karapatan sa paninirahan at kabuhayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here