Matapos mapanood ang pelikulang ‘American Made’ na dinirehe ni Doug Liman (Bourne Identity, Mr. and Mrs. Smith, Edge of Tomorrow) at sinulat ni Gary Spinelli, mapapaisip ka kung nanunuya ba ang pelikula sa papel ng Estados Unidos (US) sa mga kaguluhan sa mundo. Wala, kundi pambihira, ang pagkakataong may pelikulang nagpapakita man ng mga pangyayari sa kasaysayan na sa puno’t dulo o sa esensya ay buong-buong babatikos sa agenda ng US sa hegemonya sa mundo. Pero kung gayon na nga ang layon, wala nang mas akmang pamagat para sa pelikula kaysa sa “American Made.”

At wala na rin sigurong mas tatak US kaysa sa isang pelikulang bida si Tom Cruise. Ang pelikula ay tungkol sa buhay ng dating piloto ng Trans World Airlines na si Barry Seal na nagpapasok ng mga kontrabando galing Cuba nang siya ay nirekrut ng CIA para maniktik sa mga bansa sa kontinente ng Timog Amerika, ginawang kuryer ng CIA kay Heneral Noriega ng Panama, nirekrut ng Medellin Cartel para magdala ng iligal na droga sa US, nagdala ng mga armas ng Ruso galing sa US para sa Contras sa Nicaragua, ipinalit ang armas galing US para sa Contras sa droga galing sa Medellin, nagdala ng mga Contras sa US at nag-frame up sa mga Sandinista ng Nicaragua.

Kung maniniwala at maeengganyo sa isinalaysay ni Barry Seal, American-made hindi ang mga kontrabandong dala ni Seal, kundi ang mga krisis sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng lahat ng iligal at mapanlinlang na pamamaraan para makontrol ang ibang mga bansa sa pulitika, ekonomya at kultura. Ang US ay gumampan sa kapasidad o papel na utak, funder o kasapakat sa internasyunal na krimen sa iligal na droga, smuggling, money laundering, paniniktik, at pagbubuo ng mga armadong grupo laban sa mga lehitimong gobyerno na ‘di pumapabor sa US at tuluyang pagpapabagsak sa mga gobyernong ito. Malinaw ito at walang-pagtatanggi mula simula hanggang dulo ng pelikula, maging sa sinapit ng bidang karakter na ginampanan ni Tom Cruise at maging sa pagtatago ng katotohanan at pagrerebisa ng kasaysayan batay sa imahe nitong ‘mapagkawanggawa’ at ‘mapagmalasakit’.

Maraming magkukuro-kuro hinggil sa katumpakan sa kasaysayan ng mga detalye sa pelikula, pero mas mabilis mapawi ang duda ukol sa pangkalahatang idea ng mga pamamaraan ng US para mapanatili ang pangingibabaw sa buong mundo.

Hindi thriller ang pelikula, ito ay isang comedy. At dahil tungkol sa krimen, namuhunan ito sa entertainment value sa maraming eksena ng barilan, habulan at hulihan pero iniwasan ang mga madugo at sadistang tagpo na karaniwang bahagi ng mga kwento’t pelikula sa sindakato ng iligal na droga. Hindi rin nito ipinakita ang mga malagim na naging epekto sa mamamayan ng mundo sa mga pangyayaring kinomando ng US batay sa kuwento ng buhay ni Barry Seal.

Marami namang manonood at kritiko ng pelikula ang mas pumapansin sa karakter at pagganap ni Tom Cruise, na nagsasabing pumantay sa mga pelikulang nagpasikat sa kanya sa simula ng kanyang karera, gaya ng Risky Business o Top Gun.

Para sa isang mamamayang galing sa isang bansang semi-kolonya ng US hanggang sa kasalukuyan, mas kapansin-pansin at nakakalibang ang matalisik na paglalahad ng mga pangyayari sa katusuhan ng US at pakikisabwatan ni Barry Seal, isang bidang kontrabida. At sa ganitong paraan nagiging mabisa ang pelikula—ang mabigyang pagkakataong matutukoy natin na ang kuwento ng buhay ng isang piloto na ginawang isang action-comedy film ay kuwento ng modernong kasaysayan.

Sa panahon ng madugong gera kontra droga sa Pilipinas kung saan 13,000 na ang napatay sa mga operasyon ng pulis, labas pa sa milyong-milyong nasirang buhay ng iligal na droga, mas maliwanag pa sa pagngisi ni Tom Cruise ang bakas ng US sa maraming kaguluhang nangyari sa mundo, o kahit man lang sa mga pangyayari sa kuwento ni Barry Seal.

At kung ang isang pelikulang gawa sa Hollywood ay nag-aatubiling manuya sa US (sa paggamit ng mga tag line na “based on a true lie” at “one man played them all”) ay iiwan pa ring hinagap ng ‘American Made’: gaya ng hula ng marami, bukod sa sansinukob na likha ng Diyos (o mapapaliwanag ng syensya, mapagdedebatehan ito) at mula nang natamo ng US ang pusisyong nag-iisang superpower sa mundo matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig at ang Cold War, ang hilahil ng sangkatauhan—laluna sa mahihirap na bayan—ay US na ang nagpakana at nagpapanatili.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here