Lagnat Laki ni Jun Cruz Reyes

(Editor’s note: This short story first saw print in the late 80’s, published in an anthology called ‘New Voices of the Philippines’ from Ateneo De Manila University.  This is the first time the story is published online.)

Maagang dumating ang taglamig. Ibang klase ng simo’y ng hangin na naghahatid ng maraming alaalang pilitin mang kalimuta’y parang isang tape recorder na nagpa-flash back sa loob ng aking utak. Bigla, naramdaman ko ang lamig. Iba ring klase ng lamig. Magpapasko na pala. Magtatatlong taon na pala. Ganito rin ang klima noon. Noong akala ko’y hindi ako marunong masaktan.

Araw ng Linggo, mag-aalas diyes. Mestisong almusal at pananghalian  ang kaharap ko. Kasabay ng higop ng kape ang pagbabasa ng dyaryo. Kaharap ko rin si Tatay, Kahit hindi ko siya tingnan, alam kong pahithit-hithit ito sa kanyang pipa. Ganoon siya kapag hindi nag-sasalita, dinadaan sa pagsusunog ng baga ang oras.

“Kumusta ka raw.”

“Nino ho?” tanong ko na hindi inihihiwalay ang mata sa dyaryo.

Saka niya sinabi ang pangalan. Akala ko’y nabulunan ako ng kape sa lalamunan. Kunwari’y wala akong narinig. Kunwari’y walang  ano man. Ngumiti ako, hindi para sa kanya kung hindi sa binabasa ko. Tungkol sa pahayag ng mga sundalo sa Agrava Board. Kung paano sa kanilang pagbabantay kay Aquino ay may nakatingin sa langit, nakayuko, o kaya’y biglang nabulag. Hindi ba nakakatawa yon?

Ang byenan ko raw na hilaw ay nagpapaabot ng pangungumusta (na naman). Iyon lang. Gusto ko sanang sabihin kay Itay na sabihin nitong huwag mag-alala at hindi naman tumutulo ang laway ko at masikip pa rin ang turnilyo sa utak ko. Pero pag sinabi ko yon, daig ko pa ang nagpa-press release. Hindi na lang ako kumibo. Hindi ko na rin maintindihan ang binabasa ko. Pero nakayuko pa rin ako.  A siya, kung kahit kapirasong pang-unawa ay nagpamana sa anak, wala talagang dahilang lumuwag ang mga turnilyo sa utak ko.

Nakatatawang relasyon. Siya raw ang pinakamagandang dalaga sa aming lugar (sabi ng mga amuyong). Sila ay may kaya, ako naman ay mabait. Marami pa siyang katangian. Tiyak ko ang sa kanya, ewan ko ang sa akin, basta ang biro sa akin ng barkada’y para raw akong bulalo. Ibig sabihi’y butong may utak lang, walang taba o laman. Pero hindi bale na raw (ang pagiging hindi ko pogi), sabi ng mga kapitbahay, ang talino raw ay puwedeng gamitin sa pagpapayaman. Hindi ko pa naisip yon. Wala ako kahit isang tricycle bilang sasakyan. Easy rider, meron ako noon. Kaya ang dagdag sa kuwentuhan, ang talino kapag hindi ginamit ay nauuwi sa kahibangan. Bahala sila sa isip nila.

Magandang kumbinasyon. Sabi nga ng aking byenang hilaw, napaka suwerte raw niya sa magiging apo. Tiyak daw na maganda na ito at matalino pa. Na ibubulong ko naman nang palihim sa anak niya na depende kung kanino ito magmamana. Pwede ring napakamalas na bata nito kapag nagkabalibaligtad ang namana. Magandang kumbinasyong nauwi sa wala. Solong anak na babae siya kaya spoiled brat. Ako nama’y emotionally retarded (sabi ulit ng barkada). Kaya ang aming eksena ay malimit na ganito, ipinagpipilitan niya ang kanya, gagawin ko naman ang gusto ko. Cold war na nauwi sa gera. O parang chess na parehong itim ang pyesa, walang gustong mauna ng tira.

Dating musikero ang asawa niya (ng aking byenang-hilaw). Nang lumagay sa tahimik, hindi na muling kinalampag ang pyano. Pamilya ang inasikaso.“Kaya ako, nakakaintindi ng sumpong ng artista,” malimit sabihin sa akin ng byenan ko na sisigundahan agad ng anak nang “Ako rin.”Iyon ang panahon ng maraming panaginip. Hindi lalayo ang solong anak sa pamilya, nakakahiya kasi. Hindi ito marunong magluto, huwag na ang paglalaba dahil may washing machine sila. Ipagmamalaki pa iyon ng aking mahal, status symbol nga naman sa lipunan na pyano at hula ang pinagkakaabalahan noong siya’y paslit pa. Pwede rin daw namang matuto ng trabahong bahay kung naroroon na, iyon ang mga panaginip ng mga asawang gustong magpa-martir, kahit pwede namang hindi solusyon sa inaakalang problema, magpapatayo na lamang sila ng bahay-library-studio sa compound. Doon sa itaas ng garahe. Wala akong balak sumali sa panaginip nila. Kahit kama lamang na nilagyan ng bubong at dingding ay pwede na sa akin. Pero tiyak na hindi sila papayag na ganoon ang titirahan ng anak nila, kahit sabihin kong kama yon at hindi papag kaya iniisip ko na rin ang isang matino-tinong bahay. Kung paano ko iyon ipapagawa, iyon ang hindi ko pa tiyak. Marami pang ibang pangarap si Mahal. Mag-aabugado siya pagkatapos ng kinukuhang kurso. Sabi ko’y saka na iyon isipin, kung kaya ko nang kitain ang kanyang pang-matrikula. Saka kami magtatalo. Hindi ko sasabihing sa eded bentidos, dapat may M.A na siya. Hindi ko rin sasabihing manong ipirmi ang isip at nang hindi bawat taon ay iba ang kursong kuhanin. Basta magtatalo kami tungkol sa mga panaginip. Pero walang hindi pagkakaintindihan. Lahat ay nakukuha sa magandang paliwanag. Konting amuan at kung minsa’y konting kakornihan sa mga dramang nauuwi sa tawanan. Lahat ay may nakalaang paliwanag para sa pangarap na magandang bukas.

[quote_left]Sino bang matinong babae ang magtitiyagang magbasa ng love letter na ang laman ay “Mahal kita…tulad ng pagmamahal ko sa ating bayan, sa aking panulat at sa aking pagpipinta at sa aking kritisismo”?[/quote_left]Ako naman kasi, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Gusto ko nang magsulat ay gusto ko pa ring magpinta, at kung minsa’y gusto ko pa ring pumapel na isang makabayang kritiko. Ganoon siguro kapag struggling artist, maraming gustong patunayan, marami kasing inseguridad. Sino bang matinong babae ang magtitiyagang magbasa ng love letter na ang laman ay “Mahal kita…tulad ng pagmamahal ko sa ating bayan, sa aking panulat at sa aking pagpipinta at sa aking kritisismo”? Kahit paano, maganda na rin iyong pakinggan kaysa walang masabi. Pag-umiibig  mas korny mas o.k. pero pagnapa-intelektuwal, nagging na ang tawag doon. “Yun ngang Daddy ko, naiintindihan ko ang sumpong kahit ‘sang buwan kaming hindi mag-usap.” Kumikibot, may pag-asa pa rin ang binansagang perpektong relasyon. Madali niyang intindihin ang arte at panulat. Pero yung bayan? Yung walang katapusang mga martsa at piket? Yung pakikipagpatintero sa metrocom kung panahon ng rali? Yung pagpapangkat-pangkat? Pwede rin kaya niya itong intindihin?

Nakakatuwa si Mahal noong una. Namili ng mga librong inakalang binabasa ko. Kung minsa’y  nakakantiyawan ko siya, baluktot naman ‘ka ko ang utak ng awtor na binabasa niya. Kung minsa’y humahanga ako (pero palihim) sa tiyaga niya. Minsa’y tinanong niya ako kung ano ang kahulugan ng pasismo. Seryoso siya, nagkataon namang tinutoyo ako. Ipinakita ko ang kapirasong peklat na natatakpan ng mahabang buhok. “Courtesy ng military, nakuha ko sa barikada noong ako’y nag-aaral pa.” Bola lang yon. Ewan kung saan ako nauntog nung ako ay paslit pa at tinubuan ako ng peklat sa ulo. “Wag ka na lang sasama sa martsa,” pag-aalala nito. Sarap. Na sasagutin ko pa rin ng pabiro, “Hindi na talaga, mamumundok na lang ako.”

 

Sa pagitan ng saya ay problema. Dapat kasi’y madaldal akong palagi para siya masaya. Natural akong Kengkoy, dalawa lang kasi ang mood ko. Kung hindi nangungulit ay nananahimik. Yung tinatawag na restraint, hindi ko pa yata yon natutuhan o napa-practice. Sa panahong ayaw kong magsalita, iyon ang malamang na umpisa ng problema. Kapag panahong nakababad ako sa makinilya o sa kanbas, napapanisan ako ng laway. Iyon ang panahon na tinutubuan ako ng balbas at halos di makuhang maligo. Natatapos ang ginagawa ko’y natatapos din ang aking sumpong. At kapag hindi siya makaintindi, nagagamot iyon ng konting titigan na may halong papungayan, konting lambutsingan na nauuwi sa “ikaw kasi.” Na sinasagot ng “Hindi na uulitin, peks man.” Syempre, mauulit iyon at mas madalas. Walang matuto, kaya hindi mauubos ang mga reklamo.

Sasagad-sagarin niya ang pag-aaral, hindi sa mga leksyon sa eskuwelahan kung hindi sa mga bagay na inaakalang kinagigiliwan ko. Aktibo na siya sa kampus. Ngayo’y alaskado na rin siya sa mga kaeskuwelang kung mag-usap ay  “You make tusok-tusok the fish ball na kadiri to the bone.” At pag nagkukwento siya sa kanilang ginagawa bibiruin ko nang “Talaga, you make basa-basa already the works of Mao?” Tawanan kami siyempre. Mangyari kasi, marami sa barkada niya’y mga usong damit at kung ano pa sa Amerika at Europa ang paboritong pag-usapan bukod sa mga parti at crushes nila.

Lalo na yung bestfriend niya na lalaki lang ang alam na kahulugan ng buhay, na walang ginawa kung hindi mangarap o maghimutok sa boyfriend niyang naalala lang siya kapag wala na itong pera. (Kawawang nilalang, kawawang boyfriend.) Iba syempre si Mahal. Kahit sosyal ito’y makabayan naman. Alam na niya ang kahulugan ng pagpuna sa kasama at pag-puna sa sarili. Naroon pa nga lang siya sa antas ng una. Kaya marami siyang mali na nakikita sa akin. O.K. lang yon, pag grade two na siya sa pinag-aralan, magkakaintindihan din kami. Talaga namang ang lahat ng tao ay may kani-kanyang kakulitan, kuwestiyon lamang iyon ng magandang pagdadala. Iyon ang pagmamahal, ang kahandaang umunawa sa kapuwa.

 

“Kumusta ka raw.” Ulit ni Tatay. Wala na talagang lasa sa akin ang pagkain. Binago ko ang paksa ng usapan. Pero mabagal humalata si Tanda. Inulit na naman. Ewan ko ba kung talagang gusto lamang niyang makita kung paano ako mapikon. Siguro’y matagal-tagal na rin naman niyang nami-miss na ako’y sermunan. Iyon ang kanyang libangan sa buhay. Pero dahil magkaiba kami ng schedule, gigising ako kapag paalis na siya sa umaga at darating ako ng bahay kapag paakyat na siya, o kaya nama’y hindi ako matutulog sa gabi at sa araw naman ako matutulog, kaya kahit magkasama sa bahay ay halos hindi kami nagkikita. Siguro nga’y nami-miss niya ako. “Si Aquino na lang ho at si Galman ang pag-uusapan natin.” Alam ko kasing iyon ang paborito niyang paksa hanggang sa ngayon. Pero  bigla, mukhang hindi siya interesado. Dahil yung ayaw kong pag-usapan ang gusto niyang ikwento ko, na wala naman akong balak mangumpisal sa nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon, tumayo na lang ako at nagtuloy sa aking istudyo.

Bigla, hindi ako mapakali. Kangina lamang ay halos hindi ko ito matayuan, iyon ang pinagpuyatan ko. Pilit kong hinahalihaw ng pintura ang kanbas. Mabubuo na ito. Isang manggagawa ng burnai (banga) sa Ilokos. Kulay luwad ang tao, at ang kanyang ginagawa ang siyang kulay tao. Duguan ang kanyang kamay. Ganoon ang nangyayari sa manggagawa, ibinibigay ang sariling dugo at pawis sa paglikha, hanggang ang sarili’y mawalan ng kulay.  Inaasikaso ko ang mga detalye. Liwanag na nanggagaling sa isang malayong tunnel. Guhong altar sa aking Diyos ng paggawa. Hindi ako kuntento. Tinigilan ko iyon. Bigla, walang kahulugang lumabas sa aking mga kulay. Saka ko iyon tinitigan nang matagal pero hindi ito ang pumapasok sa aking isipan. Tuluyan na akong nawalan ng ganang magpinta.

Sawa na ako sa kaiisip. Bakit parating ganoon? Ayaw ko nang masaktan. Hindi ako sentimental, gusto ko yong paniwalaan. Marunong akong lumimot. O mas dapat sabihing, kailangan ko iyong matutuhan.

Saka ako nagbihis. Naghanap ng pinakamalapit na tambayan ng mga barkada. Nagyayang uminom. Nakipagkuwentuhan.

“Akala nami’y maysakit ka pa,” tanong pambabati nila.

“Wala yon, lagnat laki lang ‘to,” sabi ko na parang gusto ko nang mangumpisal. Manghingi ng awa. Maghanap ng kakampi. At magdrama sa kanto, bugbugin ang unang makasalubong o hamunin ang mga hindi lalaban.

Mangyari kasi, sa pag-iwas kong lumabas ng bahay, sa halip na pumuti ay namutla ako. Isa pa’y nakakalumpo ang magdamagang pag-upo. Kulang na ako sa init ng araw ay kulang pa rin sa ehersisyo. Kung sa bagay, sabi nga nila’y may pagka ermitanyo ako na bigla na lang nawawala.

“Bihira ka na naming mapagkita, ano bang ginagawa mo ngayon?”

“Wala. Busy lang sa eskuwela.” Ayaw ko pa ring magsabi ng totoo.

“Nag-aaral ka na naman?”

“Oo. Bakit?”

“Baka maloko ka na.”

“Matagal na,” biro ko.

Saka nila ikinuwento ang pinakahuli nilang martsa. Yung ginawa ng JAJA dito. Kung paano sila nakunsumi ng mga taong mahilig pumapel. Halimbawa, yung pari na mahilig sa publicity. Bigla raw ayaw magbigay ng permit na magamit ang patio ng simabahan nang malamang hindi pala tiyak na may darating sa pamilya Aquino. Maano ba kung magrebolusyon mamaya o bukas, maano bang magkamatay ang mga tao, basta hindi siya magmimisa kung walang litratistang kukuha sa tinatawag na historic event. Kailangang itala sa kasaysayan na ang tao’y nag-aalsa, papayag siyang makasama sa talaan, basta may litratistang magpapatibay nito. Ayaw rin daw pumirma sa sulat ng mga lumang lider politiko sa hinihinging permit ng munisipyo. Baka raw sila mahuli. Ang gusto lang ay payagan silang magsalita sa programa dahil cash naman ang inabuloy nila. Ayaw ring magbigay ng permit ng munisipyo. Hindi pwede sa ground nito dahil mamamatay ang damo, nakatulong iyon para masabing ang munisipyo namin ang pinakamaganda sa buong Metro Manila. Hindi rin pwede sa kalsada, dahil magkakatrapik. Hindi rin pwedeng gabihin dahil wala iyon sa guide-line. Para naring sinabing hindi naman namin kayo pinagbabawalan, intindihin naman ninyo kami. Kung pwede sa inyu-inyong bahay na lang kayo mag-rali. Hindi kayo huhulihin basta huwag lang lalabas ng bahay at huwag lang mag-iingay. Sinagot na lang daw ng barkada na sila na ang bahalang mamili kung alin sa mga bawal ang gusto nilang labagin nila. Sa madaling salita, tagumpay naman ang rali kahit napasok sila ng mga buwisit ng lipunan.

Hindi ko inaasahan na ang mga bantay-kanto, na ang dating ambisyon ay mag-seaman o maging laborer sa Saudi ay pamartsa-martsa na rin ngayon. Nakapangangaiba pero nakakatuwa. Sinasabi na nga bang ang lahat ay nagbabago. Mahirap maiwang nagmumukmok sa kuwarto. Ang tubuan ng amag sa isang sulok, ang pagpapabaya, ito ang tinatawag na bagahe. Nakaiinggit sila, kahit dilaw pa lamang ang alam na kulay. Kahit na paano’y mainam na ang dilawan kaysa putlain.

Minsan noong matindi ang pagkaburyong ko, sinubok kong makipag-kuwentuhan sa isang kaibigang manunulat. Hindi naman para turuan niya ako sa dapat gawin. Gusto ko lang mag-unwind. Gusto ko lang ihinga ang sama-ng-aking-loob. Pero nang tinutulungan na niya ako, hindi matanggap ng ego ko, hindi ko rin masabing wala na akong magagawa, huli na, dapat noong araw pa ako kumilos. “Kailangan pare, basagin mo ang ego mo. Huwag kang pa-heroic… Bagahe yang ginagawa mo. Makita mo mababaog ka sa kilusan. Patulong ka sa collective mo…” Ewan ko ba, kung bakit kapag personal na ang isang bagay ay nahihirapan akong ikuwento, parang iniiisip ko agad na hindi naman iyon interesante para sa nakikinig. Saka ayaw kong maging public consumption. Karamihan sa kaibigan ko’y taga-dyaryo. Hindi man nila i-press release ay tiyak na ibubulong sa iba ang sumpong mo. Ayaw ko ng ganoon, kahit sa mga interview, yung tatanungin lahat, kulang na lang ay tingnan pati kulay ng brief mo, o itanong kung marunong ka ring umutot at kung gumagamit ka rin ba ng deodorant para hindi amoy pawis, at kung anu-ano pa. Pero mahirap huwag magsalita, lalu na kung nakasanayan ka ng tao na palabati at palangiti. Lalu namang ayaw kong kinakaawaan ako. Payat lang ako at hindi lumpo. Heto, ang hindi ko masabi ay iniisip ko. Ang kinakausap ko ay sarili, kaya ang sumasagot ay sarili rin. Di nagkabuhol-buhol ang laman ng utak ko. Saka ako lalong natataranta. Tama na ang pa-intelektuwal o pa-mature. Na ako parati ang dapat marunong umintindi, na ako ang dapat magbigay, na kahit sa isang simpleng pagtatalo, hindi dapat nagtataas ng boses ang nakakaunawa. Wala bang magtatanong kung bakit ako nagwawala? Kung sino ang nag-umpisa ng aking mga himutok? Kung sino ang dapat na sisihin?

Para ako magbukas ng damdamin, ikinuwento niya sa pagitan ng lagok sa bote ng beer ang kanyang buhay. Kung bakit sila nagkahiwalay na mag-asawa. Kung bakit isang dalagita ang kanyang kinakasama ngayon. Kung paano sa pagiging insecure ng kanyang personal na buhay at problema rin sa kabuhayan ay lalu siyang tumatatag. Hindi ka nag-iisang namumroblema. Saka niya sinabing hindi puso lamang ang marunong masaktan. Bituka o paano pa mabuhay ang dinaramdam ng nakararami, ako raw ay nagpapasentimental lamang. Siguro’y totoo ang kanyang sinasabi, pero hindi ko na iyon naiintindihan. Hindi na ako nakikinig. Tinitigan ko ang bulang unti-unting natutunaw na nagpapalinaw sa ilalim ng baso. May mga espirito itong gusting kumawala, pero hindi makaalsa sa ibabaw ng baso, hindi makalipad, tulad ng gusto kong gawin. At ako’y parang bulang nalulusaw.

Commitment, hindi ko na yata alam ang kahulugan nito. Mass line muna bago ang personal na damdamin? May sakit nga ako. Namamanhid ang aking isipan, hindi ako makaintindi, may mali, maraming mali, dati maliwanag ang utak kong kay daling mabigay ng paliwanag, pero ngayon, parang ang lahat ng ginagawa ko’y walang katuturan, parang maling lahat, parang isang  malaking bula. Gusto kong malusaw. Gusto kong mawala, maglahong parang isang bula.

Dati masipag ako, kahit parating ginagahol sa deadline. Ngayon, mula nang itago ko ang aking makinilya at brush ng pintura ang ipinalit pakiramdam ko’y baril akong kinakalawang, tulad ng mga letra sa aking makinilya. Kinakalawang ang aking panulat. At pakiramdam ko’y nabubulok na rin ang aking isipan, tulad ng nabulok na tira ng beer na di naubos, uuurin din siguro ang aking utak.

Ano nga ba ang kahulugan ng sigla? Ng tuwa?Ng tawa? At higit sa lahat ng tiwala sa kapwa at sa sarili? Sana’y paslit akong naiiyak at natutuwa dahil lamang sa isang kendi. Noon huling taon ng aming masasayang araw lahat ng tampuhan ay nalulutas. Noong inaayos  ko ang aking unang libro para mailimbag, nagalit siya. “Bakit inuuna mo pa ang libro mo kaysa akin?” Na sinagot ko naman ng “Ganito yon e, hindi naman lahat ng manunulat ay binibigyan nang pakakataong makapaglibro. Konting kulitan lang yon. Sa launching, masigla siyang tumulong sa kinakailangang paghahanda. At lahat naman ng palakpak na iniukol sa akin ay lihim kong inialay sa kanya. TIngin ko’y maligaya siya noong hapong iyon. Maligaya rin ako noon. Iyon pala ang alaala, kay sarap isipin dahil wala na.

Sumunod ay ang hamong gumawa ako ng pelikulang dokumentaryo. Kahiyaan. Kung ang kritiko’y hindi magagawa ang sinasabi sour grapes lang ito. Kredito ang kataya.Kailangang harapin. Ilang gabing pagpupuyat sa pagri-research at paghahanda sa inaakalang tamang balangkas ng iskrip. Ilang araw na location hunting. Ilang linggong shooting. “Bakit ba may araw ka pa sa pelikula mo kaysa akin?” Para hindi siya magalit, di ibigay ang hinihinging araw. Lakad kaliwa’t kanan, kahit sa matataong lugar na hindi ko nakagawiang pasyalan. At kung may pera kahit saang sulok ng Pilipinas na pwedeng marating at makauwi bago gumabi. Pero may natitira pang trabaho. Kailangang mag-dubbing, mag-edit, mag-sound mix, At naghanapan na naman kami ng nawawalang oras at araw. Saka wala akong balak magpa-Andres sa kanya.

A, ang biyenan kong hilaw, para siyang si Ate Helen na mahilig magbigay ng payo. Kahit na paano’y lumiliit ang pinalalaking problema. Pero magkaiba rin kami ng kuwento, magkaiba rin ng papel sa buhay, kaya magkaiba rin kami ng reaksyon. At dumating ang dapat asahan, ang huling yugto ng problema (wala pa itong foot note). Gusto ko nang upuan ang draft ng binabalak kong nobela. Tungkol iyon sa pagkamulat ng isang tao. Kung paano ang kanyang mundo ay lumiit ng lumiit. Una’y kailangan  niyang tumigil sa pag-aaral. Sumunod ay nagkahiwalay sila ng kanyang mahal. Naglayas pa rin ito. Nagtago. Tapos nang patayin ng mga militar ang tanging natitirang kaibigan, napilitan mamundok. Hindi iyon ang kuwento ng buhay kong (walang kuwento). Iyon ay mga pinagsama-samang  obserbasyon sa buhay ng mga kakilala o halaw kaya sa mga narinig kong kuwento. Ganoon naman talaga ang isang manunulat, kailangang damahin pati buhay-nang-may-buhay para lamang makabuo ng isang piksyon. Nang pumapasok na sa katauhan ko ang kaluluwa ng aking pangunahing tauhan, parang nagkatotoo ang kuwento. Lumiliit din ang aking mundo. Umalis ako ng trabaho para makasulat. Nawala rin pati si Mahal sa buhay ko. Sa  kuwento’y hindi ko pinayagang magkahiwalay ang mga bida. Sa sariling buhay, sabi ko’y saka na. Hindi ko muna iintindihin ang kanyang sumpong. Ganoon naman siya talaga, sanay na ako, minsan isang buwan, bago matapos ang buwan, may sumpong siya. Nagagalit nang hindi mo maintindihan kung anong ikinagagalit. Dalawang araw lang yon, nakangiti na naman siya.

Nagdaan ang dalawang araw. Iba na. Ayaw na niya akong kausapin kahit sa telepono.

“Magpalamig muna tayo. Isa pa’y gusto ko talagang mag-abugada.” Heto na naman kami. Lumang kuwento, bagong pagtatalo.

“Limang taon yon,” sagot ko.

“Alam ko. Saka wala ka namang oras sa akin.”

“Magsama na tayo, akong magpapaaral sa ‘yo.”

“Hindi mo pa kaya, tatlong libo ang matrikula ko.”

“Di wag ka munang mag-aral, basta magsama na tayo.”

“Wala yon, nagmi-mens lang yun, sabi ko sa sarili. Hinayaan ko ang maktol  niya. Ganoon naman kami talaga, parang sirang plaka na paulit-ulit lang. Ba’t ba ko kakabahan? Hindi ako si Andres. Balik ako sa makinilya. Noong araw siya pa ang naghahamon na kung sakali, pagkatapos niya, siya ang matatrabaho para maisulat ko ang lahat ng gusto kong isulat. Noon, ika nga’y No Problem, parang copy ng commercial.

Ang nawala sa loob ko ay para nga palang bagyo ang mga babae, may karapatang magpabagubago ng direksyon ng isip kahit walang previous notice. E hindi naman ako si Amado Pineda na mahilig sumunod-sunod sa buntot ng bagyo. Saka paano nga ba nag-uusap ang isang spoiled brat at isang emotionally retarded? Saka siguro’y nauntog na rin siya, kaya natauhan. Hindi ko kasi naisipang regaluhan siya ng helmet kahit minsan. Saka saan ka nakakita ng isang artista na mahusay na breadwinner at mahusay pa rin sa kanyang arte? Nag-isip ako nang medyo matagal-tagal. A, wala talaga akong balak maging salesman. Wala pa rin sa bokabularyo ko ang magpayaman. Kung sabagay, sa palagay ko nama’y may tatanggap sa akin kahit researcher o copy writer o kahit speech writer ng mga bobong pulitiko na gustong magmukhang matalino kahit mali-mali ang basa sa tamang talumpati. Kung minsa’y ay gusto ko na ring iuntog ang ulo ko para matauhan, para maging normal sa tingin nila. Hindi ko nga lang maatim. Balik ako sa isinusulat kong nobela.

Mag-aasawa na siya sa iba. Akala ko’y biro lang yon. Sino naman kaya yon? Ang alam ko, meron itong titser na kalbo na masama ang tama sa kanya. Abugado si kalbo. Madalas namin itong lapastanganin, malaki kasi ang kakornihan nito sa katawan. Minsan kasi’y nagpadala ito ng rosas na kulay asul. Valentine’s day noon. Alam naming hindi asul talaga ang kulay noon. Tama naman ang suspetsa namin. Konting research lang ang kailangan ng mga negosyanteng pumapatol sa maarte. Tiyaga at food coloring lang ang kailangang ibomba sa kawawang puting rosas at tiyak na meron ka nang makabagbag damdaming bulaklak. Ipinamigay namin siyempre yung bulaklak sa boy nila na naghahanap din ng maloloko sa araw na iyon.

Noo’y nakakatawa, hindi na ngayon. Pero siguro nga’y may bisa ang mga bulaklak. Ako, painting lang ng isang halamang umuusbong ang naibigay ko. Hindi pa sa akin iyon, nagkataon lamang na nagustuhan ng aking biyenanang hilaw ang isa sa aking paborito sa aking koleksyon. Nang tumalab ang magic ng mahiwagang bulaklak, ako ang nanguluntoy. Sabi niya’y gusto niyang maging abugada. Naniwala naman ako. Yun pala ang talaganag gusto niya, ang magkaroon ng asawang abugado. Gago ako. Bakit ayaw kong pumayag na maging corny at dekorasyon? Tulad ng bulaklak, gusto niyang nakabuntot ako sa parti ng kanyang mga barkadang “kadiri” at “very baduy” ang lengguwahe.

Noon ako nagpu-putang ina. Noon ko naging barkdada si San Miguel. Noon ko lang naintindihan ang mga taong o.a. Yung dinadaan sa pag-inom ang problema. Kahit paano, alam kong mas mabuting inumin ang alak kaysa lason. Putang ina.

 

Sana’y natapos na doon ang kuwento, pero ang byenan ko, talaga yatang ayaw niya akong patawarin. Tulad ng dati, kapag-araw ng linggo, noong panahong namumroblema ako, sisimple ito. Alam niya kung anong oras sumisimba ang mga tao sa amin. Kunwari’y talagang sa simbahan siya pupunta, dahil kontodo gadget siya sa dala (pati abanikong panakip sa bibig kapag naghihikab?) pero kunwari’y nahuli siya, kaya sa amin na tumuloy. (May daan sa likod-bahay papuntang simbahan.) Mangungumusta. Makikipagkwentuhan. Magpapayo. Kung nagkakagalit ay pagbabatiin kami. Sana’y nagkapalit na lang ng ugali ang mag-ina, di sana’y wala akong problema. Noong mga unang pasyal nito, natatawa ako. Halibawa’y sinikreto ako nito noong malamang on na kami ng anak niya. Kung wala raw bang sira ang ulo sa lahi namin. Dahil ang akala yata niya, basta me pagka-artista, medyo may talangka sa ulo. Parang yung mga nakikita niyang mga artist na para magmukhang naiiba ay kung anu-anong burloloy ang sinasabit sa katawan. Gusto kong magtawa. Gusto kong sabihing kung magkakatuluyan ho kami, baka sakaling magkaroon ng hinahanap ninyo sa lahi namin.

Siya rin ang pampaalis ng kaba noong una kaming lumabas ng aking si Mahal. Minsa’y ginabi kami sa daan at nang ihatid ko ito’y nasa terrace ang kanyang Daddy, may hawak na eskupeta. Nakakakaba. Bago ako nataranta, agad nasapo ng Mommy niya ang usapan. Talaga lang daw libangan ng asawa niya ang mamaril ng daga sa kanilang solar. Kahit alam kong hindi ako mukhang daga, kinabahan pa rin ako.

Ang byenan ko rin ang nakikiusap na layuan ko na ang anak niya kung naglilibang lang ako. Dahil daw sa ginawa ng sinundan ko sa anak niya, maloka-loka ito. Ayaw kumain, ayaw matulog, ayaw magsalita. Tila raw yata may balak magpakamatay, pero ayaw namang uminom ng lason. Iyon ang tyempo ko sa anak niya. Nalulungkot ito at naiinip naman ako. Para siyang isang panaginip na nakalagay sa isang eskaparate at ako naman daw ay isang naglalakad na idolo. Ibig sabihin pala, sa simula pa lamang ng aming relasyon ay pabagsak na iyon. Pareho pala kaming hindi nakatuntong sa lupa. Noo’y hindi ko alam na ganon pala iyon. Nang hanapin ko at matutuhan ang mali sa aming dalawa, bumubulusok na ang aming relasyon. Iyon ang pagkatuto. Masakit.

 

“Bakit parating ako ang dapat mabigay?” gusto kong sabihin nang malakas sa aking byenan. “Bakit kahit kailangan, parating ako ang dapat umunawa?” Hindi ko masabi, may bumabara sa aking lalamunan. Iyon din ang simula ng pagkadiskubre ko sa bertud ng hindi pagsasalita. Magandang sandata yon.Hindi ako kikibo. Paninindigan ko ang pag-aartista. Ginusto ko to, pasensya ka. Ang lungkot ay dinaan ko sa paghahalo ng kulay, ngayo’y walang istorbo sa ginagawa ko. Akin ang lahat ng oras na hinahanap-hanap ko noon. Ngayo’y walang istorbo sa ginagawa ko. Akin ang lahat ng oras na hinahanap-hanap ko noon. Ngayo’y walang istorbo kahit sa telepono. Kaya lang, wala na rin akong pagsasabihan ng “Mahal kita tulad ng pagmamahal ko sa marami pang iba..”

Akala ko’y iyon ang masarap na buhay para sa isang artista, ang magkaroon ng kalayaan. Ang magawa ang gustong gawin. Tutal nama’y hindi ako naniniwala sa musa-musa. Ano bang inspirasyon-inspirasyon?Karanasan ng tao ang paborito kong paksa, hindi ang personal na buhay, at hindi rin tungkol sa pamumulaklak ng rosas o paglubog kaya ng araw. Hanggang dumating ang pagpapasiya.

Nang magpaalam ang aking byenan. Pinatugtog ko nang malakas ang stereo. Saka ko hinayaang pumatak ang luha sa aking mukha sa saliw ng naligaw na disco music. Corny. Pero sinong mangingibig ang hindi?

Noong nakaraang taon, matapos kong itago o sabihing ilibing ang aking makinilya, laman ako ng mga dyaryo at magasin. Pinakamagandang libro raw sa piksyon ang una kong antolohiya sang-ayon sa pasiya ng isang samahan ng mga kritiko. Binigyan ako ng tropeong gawa ni Castrillo. Sumunod, pinapurihan din ng mga pari ang aking ginawang pelikulang dokumentaryo. Isa pang tropeo  ito, na may kasamang pirma ni Cardinal Sin. Bago natapos ang taon ginantimpalaan ng isang kumpanya ng alak ang isang isinulat kong nobela. Hindi na ba ako struggling artist? Sa kabila ng mga palakpak, doon ko natutuhan ang kahulugan ng emptiness. Nag-iisa ako. Matatagalan pa siguro bago ko muling makagamay ng daliri ko ang tiklado ng makinilya. Gusto ko pa ring isiping hindi ako naniniwala sa inspirasyon. Siguro, bago tuluyang mamanhid ang kamay ko, kailangang lumabas na ako sa lungga. Naghihintay ang karanasan ng mga taong paborito kong paksain.

Totoong malamig ang alaala ng taglamig. Pagkatapos nito, alam kong darating ang buwan ng Marso at Abril, dapat ko ring harapin ang papalapit na tag-araw. Sa ngayon, alam ko na ang sagot sa problema ko. Wala to, lagnat laki lang to. Bukas magaling na ako.

 

-WAKAS

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here