Huli ko atang pasyal sa SM Centerpoint ay noong 2012 pa kasama ang balikbayan kong pinsan mula US na nagsabing ” its like there’s no poverty (in the Philippines) when your inside the mall.” Hindi pa niya nakikita ang Greenbelt at Rockwell.
Naging ulan ang ambon at agad binaba naming mga pasahero ang trapal sa gilid ng jeep. Pati si Ms. mala-Solenn Heusaff tumulong sa pagbaba ng trapal. Sa lakas ng ulan halos hindi ko na marinig ang sounds ng patok na jeep na kanina lang ay bumabayo sa lakas, dirty rap pa naman ang tugtog.
Bago ako bumaba ng jeep, tumila na ang ulan, naka-dalawang send rin ako kay Mario na “d2 nko san na u?”
Umaambon pa kaya nilabas ko sa bag ang kapote kong Nike, regalo pa ito ng kuya ko nang nakaraang pasko. Agad akong dumiretso sa basketball court. Maraming kalbo pero wala ang mukha ni Mario, ang pinaghalong mukha ni Vandolp at Babalu, sa mga nakaupo sa bleachers. Sumilip ako sa Chapel, gaya ng inaasahan ko wala siya roon. Nagtext uli ako, tapos nilabas ang natitirang Fortune red at nakisindi sa Takatak boy na may puntong Ilonggo. Sa gilid ng court may tambak ng basura; dito ko tinapon ang upos ng sigarilyo.
Pinasya kong umikot sa kagyat na vicinity ng lugar at baka naroon lang si Mario. Pinuntahan ko rin ang malaking simbahan na ilampung metro ang layo sa court. Inisa-isa ko ang nasa simbahan, pati mga rebulto minumukhaan ko, habang nakaluhod sa dulo sa may pinto ng simbahan. Mga manang na naka-suot ng belong puti sa ulo ang karamihan ng nasa loob, lahat nakayuko ang ulo, nakapikit pa siguro habang bumubulong sa hangin. Sa gilid ng kinauupuan ko may isang lalaki sa gilid na may hawak na mop sa sahig, abala sa pagla-lampaso ng sahig, hindi sya nagsasalita, at sa likuran ko naman ay may mamang naka-shades, kalbo din gaya ng hinahanap kong kaibigan. Naka polo na bulaklakin tulad ng kay ex Manila mayor Lito Atienza, nakaluhod itong tumatawa habang nagdadasal. Mag-iisang oras na pero hindi parin kami nagkikita, wala paring text si Mario. Kinakabahan na ako, lumabas na ako ng simbahan.
Sinubukan kong hulihin ang mata ng mga vendor mula simbahan hanggang court, baka sakaling may tumingin at magsabi na “may hinahanap ka ba?”
“Opo, kaibigan ko po, payat kalbo, mababa ng kaunti sa akin.”
“Parang meron kanina, pero sumakay na ng jeep pa-Quiapo.”
O kaya naman yung kinatatakutan kong bersyon.. “may hinahanap ka ba… kalbo?” ang sabi ng aleng nakadaster na green, payat, sunog sa araw ang balat, at wala na ang dalawang ngipin sa harapan.
“Opo!”
“May dinampot dito, siguro mga isang oras na mula nang.. pusher daw. Naka puting t-shirt, may bag na itim. Sinakay sa puting van ng tatlong lalaki- ang lalake ng katawan. Yung dinampot – kahawig mo, kapatid mo?”
“Hindi po!” ang mabilis kong tugon.
“Nagsisisigaw, si Mario daw sya at isa lang daw siyang aktibista.”
Wala namang ganoong pangyayari, puro pag-alok lang ng sari-saring paninda nila ang nangyari. Ang dami ko nang naisip at naiisip. Putang-inang imahinasyon ito! Sa lahat pa kasi ng meeting place, dito pa(dito pala) sa pinagtaguan ng berdugo ng mga aktibista.
Nag check uli ako ng cellphone, wala parin text. Ubos na load ko, wala parin si Mario. Nagcheck ako ng ATM sa kanto, P20 parin ang laman. Ilang araw ko na hinihintay ang pagpasok ng sweldong ilang araw nang delayed, gaya ng paghintay sa ulan sa panahon ng El Nino. Sa pagbalik ko ng court, natanaw ko ang lumang bahay. Gawa sa kahoy ang itaas na bahagi ng bahay. Pinakupas na ng di-mabilang na salitan ng tag-ulan at tag-araw ang berdeng pintura nito. Walang ilaw, sarado ang lahat ng bintanang gawa sa capiz, parang matagal nang panahong hindi tinitirahan. Kabaligtaran nito ang ibaba ng bahay, buhay na buhay sa ilaw at sa mga taong bumibili sa sari-sari store. Natakot ako, ito yung bahay na pinakita sa TV kung saan nadakip daw ang berdugo.



























