Mag iika-anim na nang umaga, wala paring nagdo-doorbell o kumakatok man lang. Wala namang kapeng nainom si Aling Lolita,  pero magdamag  siyang gising. Bawat tangkang matulog ay kinauuwian ng mas matinding pagkabalisang di malaman kung saan nagmumula. Bakit nga ba niya naisipang hintayin ang panganay, eh ilang pasko na nga itong hindi umuuwi. Nanaginip siguro siya na isang araw ay may kumatok at ito ay ang panganay na anak; pero wala siyang maalalang ganito. Ang totoo ay madalas siyang managinip ngunit madalas niya rin makalimutan matapos magmadaling bumangon sa kama para mag-init ng tubig para sa kape at pampaligo ng dalawa pang anak na estudyante sa High School.

Hindi na kasi sila nagkausap ng maayos ni Tin nang huli itong umuwi.

“Eh ano bang paglilingkod sa mahihirap ang sinasabi mo, yung sa simbahan natin ang daming outreach program para sa mahihirap, SK chairman ka pa dito sa atin.  Hindi mo na kailangang magpakalayu-layo, hindi mo kailangang sumama diyan.”

Sasagutin naman ito ng anak na hindi mababago ng simpleng kawang gawa ang sistemang inu-ugatan ng kahirapan, at ang gawain sa SK ay paghuhubog para maging tradisyunal na pulitiko”.

“Eh ano, mag-aaktibista ka lang habambuhay, baka magaya ka pa kay Lorena Barros, yung namatay noong martial law?” at biglang napahikbi ng iyak si Aling Lolita.

Agad lumapit ang anak at niyakap ito “Nanay naman, hindi naman ako pababayaan ng masang pinaglilingkuran ko.  Ang sigurado, anuman ang gawin ko eh para sa bayan-kasama kayo doon Nay.”

Ding-dong.

Pinaghalong kaba at tuwa ang nadama ni Aling Lolita nang marinig ang doorbell “sabi ko na nga ba may darating”.

Sino yan?”

Tatlong magkakasunod  na  pagdoorbell ang sumagot. Halos mapatid ang tsinelas ni Aling Lolita sa kakamadaling bumaba sa hagdan.

“Eto na…  sino ba yan?” ang lumakas na tinig nito habang papalapit sa gate. Naiisip na niya ang gagawin pagbukas sa gate, aakapin ng mahigpit ang panganay, yayayain mag-almusal ng pandesal, at magpapakwento ng buhay nito mula nang huling pagkikita. Mas namamayani na ang pagkasabik ng isang ina sa anak kaysa mga tsismis, batikos at paninira ng mga amiga nito kaugnay ng kinahinatnan ng anak. Pagbukas sa trangkahan, ni walang anino ng tao liban sa sobreng nakaipit sa bilog na hawakan ng gate.

To Miss Santos. From Homeowner’s association.

Simangot na pumasok sa bahay si Aling Lolita, humiga at sa wakas ay nakatulog.

Ilang taon na rin nawawala ang anak nitong si Tin. Matapos maging community organizer ng mga magsasaka sa Hilagang Luzon, isang gabi ay bigla na lang daw itong dinampot ng mga sundalo at isinakay sa isang van kasama ang ilan pang kasamahan nito. Mula nun ay hindi na natigil si Aling Lolita sa paghahanap, hindi na rin siya natigil sa pag-asa na balang araw kakatok na lang bigla ang anak sa gate at sasabayan siya mag almusal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here