Anong problema sa kampanyang #100HappyDays?

ni Andang Juan

0
1064

Tila nang-aasar ang dilaw na hex code na ginamit sa kanilang website. Ang kulay na ito at ang tanong na “Can you be happy for 100 days in a row?” ang babati sa pagod mong pandama. Simple ang hamon: ang makakita/makadama ng kasiyahan (happiness/satisfaction) sa kabila ng kawalang-panahon sa loob ng 100 araw, kunan ito ng retrato, at pagkatapos ay ianunsyo ang kasiyahang ito sa pamamagitan ng social media. May mga kabutihan daw itong idudulot–isa sa mga ito ang realisasyong “napakaswerte” mo pala. At ang kakayahang bigyan ng pagpapahalaga ang anumang bagay na nasa iyong paligid ay makatutulong daw para magkaroon ng pangmatagalang kasiyahan.

 

Pagka-login sa iyong Facebook o Twitter, mga pare-parehong mukha ng kasiyahan ang sasalubong sa iyo, parang tubig-baha itong raragasa para lunurin ang iyong paningin–mga dihital na impresyon ng kinain at kinainan ng mga kaibigan mo, mga kilalang lugar na kanilang binisita, mga larawan nagpapakita ng kanilang #OOTD (outfit of the day), mga bagong biling gaheto, at ang kanilang mga #selfie, sangkatutak na #selfie. Paano tutugon sa mga ito? Paano ba binibigyang-saysay ang mga ito? Masaya ba akong makita ang mga bagay na ikinasisiya ng mga kaibigan sa social media? Masaya ba akong makitang tila nakabatay ang kanilang kasiyahan sa (1) personal/indibidwal na materyal na kondisyon at (2) sa materyal na kondisyon ng nakararami? Hindi ba karahasang maituturing ang makunteto sa, at higit sa lahat, ipangalandakan ang nakaririwasang personal/indibidwal na kalagayang materyal habang ang karamihan ay dahop at walang hanapbuhay? (Dalangin-Fernandez, 2014) Sino ba ang higit at tunay na nakikinabang sa ganitong tipo ng kasiyahan?
Ang kampanyang #100happydays ay malakas na hanging pumapaypay sa burgis/makaburgis na kamalayan ng mga mamamayan at ang paglahok dito ay pagsusog ng indibidwal sa dekadenteng pamumuhay na siyang pinakikinabangan nang malaki ng naghaharing monopolyo-kapitalista. Mayroong (1) materyal at (2) kultural na kapakinabangang nakukuha ang maka-monopolyo-kapitalistang kaayusan rito.
[quote_center]Habang nananalig ang indibidwal sa kanyang panggitnang-uring pantasya, patuloy ang ganansyang tubong inaani ng kapitalista[/quote_center]

Dahil rekisito ang pagkuha ng retrato at pagpaskil nito sa social media, tinutulak ng kampanyang #100happydays ang indibidwal na maghanap o tumukoy ng anumang kongkretong bagay (maliit man o malaki; maaaring mura o mahal) na “nakapagdudulot” ng kaligayahan sa kanya–maaaring ito ay ‘yung binili mong pananghalian mula sa paboritong fastfood restaurant, o kaya ay ‘yung bugkos ng bulaklak na iniregalo sa iyo ng kasintahan. Maaari ding kunan ng retrato ang anumang bahagi ng iyong bahay at ito na lamang ang ipaskil. Pwede ring kunan ng screencap ang pelikulang pinanood o ang musikang pinakinggan. Mapapansing gaano man “kaliit,” tila karaniwan sa mga bagay na “nakapagpapaligaya” sa mga lumahok na indibidwal ay mayroong katumbas na materyal na halaga. Kapag pinagsama-sama, ang mga larawang ito ay bubuo sa panggitnang-uring pamumuhay na pinapantasya ng mga nasa aktwal na gitnang-uri at mababang gitnang-uri. Ang pantasyang ito naman ang pangunahing motibasyon at pamantayan ng indibidwal sa tila walang katapusang siklo ng paggastos at pagtangkilik sa kapital. Habang nananalig ang indibidwal sa kanyang panggitnang-uring pantasya, patuloy ang ganansyang tubong inaani ng kapitalista. Samakatuwid, ang kampanyang #100happydays ay tapat na larawan ng popular na kulturang hinulma’t pinabulok ng kapital. Sabi nga ni Roland Tolentino (2010), “ang ginagawa ng kulturang popular ay pinaaasa tayo na maaasam natin ang gitnang uring pagkatao kahit matumal naman kaysa regular na mangyayari ito.”

1724143_256076461235378_1533893885_n
 'Wag nang magreklamo? #100happydays (Source)

 

At dahil tapat na larawan ng popular na kultura ang kampanyang #100happydays, lantaran ngunit sa “mabuting” paraan ay kinukunsinte nito ang paniniwalang makalalasap ng “tunay” na ligaya ang indibidwal kung ipagpapasalamat na lamang niya kung anumang mayroon siya kaysa ireklamo ang kung anumang wala o kulang. Kahawig na kahawig ito ng kaisipang lumutang noong mga unang linggo matapos maminsala ang super-bagyong Yolanda:

 

 Yolanda-tumulong ka na lang
 'Wag nang magreklamo? Tumulong na lang? (Source)

 

Puna ni Teo Marasigan (2013): “Ang katahimikang ipinapataw nito [ng imahen sa itaas] sa mga tumutuligsa ay karugtong ng katahimikan ng sementeryong ipinapataw nito sa mga biktima ng disaster. Nagsisilbi ito sa mga nasa gobyerno at sa elite ng bansa, at maipagpapalagay na mulat nilang pinapalaganap.” Ganito rin ang pakiwari ko sa kampanyang #100happydays at sa paniniwalang dapat makuntento na lamang at makadama ng hungkag na kaligayahan sa mga “maliliit” na bagay na mayroon ka. Paborable nga naman ito sa naghaharing uring patuloy at tahimik na nakapagpapasasa sa mga likas na yaman ng bansa habang ang karamihan sa atin ay pantasya na lamang nakatitikim ng ginhawa.

 

May karahasang dulot ang kampanyang #100happydays pagkat pinopompyang nito ang mamamayan sa dalawang bagay nang sabay: una, sa artipisyal at commodified na konsepto ng kaligayahan/kasiyahan, at ikalawa, sa suicide na paniniwalang magdudulot ng kaligayahan ang pananahimik at pag-iwas sa pang-araw-araw na kahirapang nararanasan ng karaniwang mamamayan. Doble-pompyang itong sasampal sa mamamayan pagkat iniiiwas nito mismo ang Estado mula sa mga batayang obligasyon nitong tunay na makapagpapaligaya sa tao.

Mga sanggunian:

Dalangin-Fernandez, Lira. 2014. “Kontra SONA: Jobless growth, poverty haunting Filipinos – House minority.” Naakses sa http://www.interaksyon.com/article/92597/kontra-sona–jobless-growth-poverty-haunting-filipinos—house-minority noong 17 Agosto 2014.

 

Marasigan, Teo. 2013. “Shhh…Tumulong ka na lang.” Kapirasong Kritika. Naakses sa http://kapirasongkritika.wordpress.com/2013/11/15/shhh-tumulong-ka-na-lang/ noong 17 Agosto 2014.

 

Tolentino, Roland. 2010. “Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang-Uri.” Gitnang Uring Fantasya at Material na Kahirapan sa Neoliberalismo: Politikal na Kritisismo ng Kulturang Popular. Maynila: Unibersidad ng Sto.Tomas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here