Pero diba kahit sa gera may mga alituntunin at batas na sinusunod ang mga nagtutunggaling pwersa, at mas lalu pa sa proteksyon ng mga non-combatants at/o sibilyan. Dapat alam, at dapat sinusunod ito ng isang propesyunal na sundalo. Krimen na ba ang paniniwala na hindi ayon sa Malacanang, krimen ba ang hindi pagpabor at hindi pag-ayon sa dikta ng estado ng US? Marahil para sa mga tulad ng dating heneral ang sagot ay isang naghuhumiyaw na oo.

Ang pamahalaan ay walang layon na ugatin ang dahilan ng digmaan. Sabi nga ni Dante Vizmanos, isang retiradong Kapitan ng Philippine Navy, “ang kontra insurhensya ay pinababaw sa simpleng mekanikal na proseso ng pag-ubos sa mga rebelde.” Aminin man o hindi ng pamahalaan at ng AFP- malinaw na ang kalabisan na pagdamay sa mga walang muwang, walang labang mga sibilyan ay isang salik ng kontra insurhensyang taktikang isinusulong nito. Ano ba ang tawag sa demokrasyang may katapat na yunit ng sundalo ang bawat kritiko ng estado? Sino ang paranoid at insecure, ang masa at mga aktibista ba o ang gubyerno at AFP?

Biglang may pop-up sa PC. Macheck nga muna ito.

MANILA TODAY BREAKING NEWS: Isang estudyante ng PUP at myembro ng Anakbayan ang dinampot ng mga pulis sa Sta. Mesa Manila. Dalawang araw makalipas ang pangyayari, hindi parin nakikita ang biktima. Ayon sa ate ng biktima…

Hindi ko alam kung nagandahan lang ako sa picture sa article, kapatid daw na babae ng biktima o may iba pang rason kaya tinignan ko uli ng mabuti ang pic.

“Shit! Eto yung magandang kasabay ko sa dyip.”

Hindi ako makapaniwala, hindi lang pala ako ang naghahanap nang mga panahong yun. Tinapos ko na ang sinusulat ko.

Ang pagpalag sa pang-aabuso, paghahanap sa mga kapamilya, kaibigan at kasamang naging biktima ng forced disappearance ay isang larangan ng paglaban. At ang paghahanap ng hustisya at paghahangad ng pagbabago ay natural na bunga ng kahirapan at kaapihan. Sa isang bulok na lipunan hindi masamang maghangad ng ganun.

 

=====================================

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here