Sa mga pamantasang dapat sana’y pugad ng mapagpalayang kamalayan, lalong sinisiil ang mga kabataang estudyante sa kasalukuyang kalagayan ng pagkakait sa sa edukasyon bilang batayang karapatan at sa halip ay garapalang inilalako bilang kalakal.

Sa kaibuturan, iisa ang bumubuhay sa krisis na ito: ang marahas na komersyalisasyon at neoliberal na reistruktura ng edukasyon. Sa walang-patumanggang pagyakap sa mga Kanluraning modelo, ganap na isinubasta ang silid-aralan sa interes ng pandaigdigang merkado. 

Nababawasan ang diin sa paghubog sa mag-aaral bilang kritikal na tagasuri ng lipunan. Sa halip, unti-unti silang itinutulak upang umakma sa merkado bilang tagakonsumo at nakareserbang lakas-paggawa para sa umiiral na sistema. Ramdam ito sa patung-patong na bayarin, kakapusan sa mga pasilidad, at sa unti-unting pagliit ng mga demokratikong espasyo sa loob ng mga kampus.

Misprayoridad ng administrasyong Marcos Jr.

Ayon sa Artikulo 14, Seksyon 5 ng ating Saligang Batas, malinaw na dapat itakda ang “pinakamataas na prayoridad sa badyet” para sa edukasyon. Ngunit sa kabila nito, patuloy namang kinakaltasan ang pondo para sa mga pampublikong pamantasan, partikular sa mga State Universities and Colleges (SUCs).

Sa panukalang ₱7.2 trilyong 2027 National Expenditure Program (NEP), naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱141.09 bilyong alokasyon para sa mga SUCs sa buong bansa.

Gayunpaman, hindi ramdam ng mayorya ang sinasabing dagdag-pondo. Ayon sa 2027 NEP, 43.46% o 49 sa 113 SUCs ang nakatakdang makatanggap ng mas mababang budget.

Sa Kamaynilaan, nangunguna sa listahan ng may pinakamalaking panukalang budget cut ang University of the Philippines (UP) System na umabot sa ₱2.95 bilyon. Kabilang din sa may malaking bawas ang Philippine Normal University (PNU) na nasa ₱394.9 milyon at ₱291.8 milyon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Sa UP Manila, classroom shortage ang pangunahing problema ng mga estudyante. 

“Danas na danas naming mga estudyante ang kakulangan sa espasyo kung saan may mga ilang klase, online na lang dahil walang classroom. Sa course namin ay apat na baitang ang naghahati-hati sa iisang classroom. Bukod dito, nahihirapan rin kami mag-organize ng event na magpapaigting sana sa aming mga kampanya hindi lamang dahil sa burukrasya bagkus pati na rin wala talagang espasyo para pagganapan nito, sabi ni Patricia Jutie, Chairperson ng College of Public Health Student council.

Bukod sa kakulangan sa espasyo, tampok din sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ang usapin ng malawakang korupsyon at maanomalyang paggastos ng pamahalaan hinggil sa flood control at iba pang infrastructure projects.Isa rito ang renovation ng Rizal Hall ng College of Arts and Sciences sa UP Manila, na ipinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa St. Timothy Construction Corporation, isang kumpanyang konektado sa mag-asawang Discaya. Hindi natapos ng contractor ang naturang proyekto.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., nananatiling malaking bahagi ng pambansang paggasta ang inilaan sa imprastraktura. Para sa 2027, itinutulak naman ng administrasyon ang ₱643.95 bilyon para sa DPWH, ₱113.05 bilyon o 21.29% na mas mataas kaysa sa 2026 GAA.

“Kung titingnan natin ang UP Manila, kasama rin sa budget nito ang Philippine General Hospital (PGH). Hindi lang siya isyu ng mga estudyante; issue siya ng mamamayan. Sino ba ang mga nakikinabang sa ating hospital? Mga mamamayan natin na nangangailangan ng mapagkalingang health care system sa bansa,” saad naman ni Kabataan Partylist UPM chairperson Querobin Acsibar.

Espasyo rin ang usapin sa Philippine Normal University (PNU) at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

“Sa loob ng pamantasan, maraming isyung kinakaharap ang mga estudyante. Isa lang po dito ang kakulangan sa espasyo, hindi matapos-tapos na imprastraktura, at lahat ng ito ay lumulundo sa kakulangan sa budget sa edukasyon,” ani Adleann Biol, Vice Chairperson ng PNU USC-Central Student Council.

“Sa kasalukuyan, mahigit 100,000 na iskolar ng bayan ang hindi nakapasok sa PUP dahil sa kabaratan ng budget sa pamantasan. Dagdag dito, ang North Wing na mahigit apat na taon ng tinatry na i-build, yung aming main academic building kung saan nakakaranas ang mga estudyante ng kakulangan sa student spaces at academic organization spaces na labis na pinapanawagan ng mga kabataan noon pa man hanggang ngayon,” ani Michael Dave Bolima, Secretary General ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral.

Maskara ng estado

Bukod sa budget cut, pinangangambahan ng mga kabataang estudyante sa PNU at PUP ang pagsusulong ng mga panukalang magbibigay sa kanila ng “national university status”: ang National University for Teacher Education (NUTE) Bill sa PNU at ang National Polytechnic University (NPU) Bill sa PUP. 

Bagaman inilalako ang mga panukalang ito bilang modernisasyon at pagpapalawak ng mandato, kapwa ito tinitingnan ng mga lider-estudyante at iba pang mga sektor bilang manipestasyon ng komersyalisasyon sa edukasyon kung saan pinupwersa ang mga pampublikong unibersidad na pumasok sa mga joint venture, income-generating project (IGP), at Public-Private Partnership (PPP) upang pondohan ang sarili. 

Hindi na bago ang ganitong huwaran. Sa UP Diliman, binigyang-daan ng UP Charter of 2008 (RA 9500) ang pagpasok ng mga commercial establishments sa loob ng pamantasan tulad ng DiliMall. Sa halip na matugunan ang kakulangan sa pondo, nagresulta lamang ito sa pagkawala ng mga demokratikong espasyo para sa mga estudyante at pagtataboy sa mga maliliit na manininda. At sa kabila ng national university status, patuloy ang budget cut sa UP taon-taon.

Sa PNU, itinutulak naman ang NUTE Bill sa layuning maging pangunahing research think tank at policy adviser ng gobyerno sa education sector ang pamantasan, kasabay ng pag-atas dito na magsarili sa pamamagitan ng paglalaan ng institutional lands at facilities sa mga proyektong pangkita.

“Kapag ito ay naging isang NUTE, gagawing komersyalisado ang aming pamantasan, lahat ng mga lupa na pagmamay-ari ng PNU ay gagawing income generating project. Dahil sa NUTE bill, ipinapahiwatig nito [na] magsarili na ‘yong pamantasan para kumuha ng pondo sa halip na manggaling mismo sa gobyerno.” ani Franchette mula sa Gabriela Youth-PNU.

Sa PUP, ilang ulit nang ipinasa ang iba’t ibang bersyon ng NPU Bill sa Kongreso at parehong na-veto ng dating administrasyong Duterte noong 2019 at Marcos Jr. noong nakaraang taon. Sa isang townhall consultation noong Hunyo, inamin mismo ng VP for Finance Alberto Guillo na walang kasiguruhan ang dagdag-badyet sa pagsasabatas ng bagong charter. Sa ilalim ng mga probisyon para sa joint ventures at corporate powers, binubuksan ng panukala ang kampus sa pagpasok ng mga pribadong kompanya. 

“Ang NPU Bill ay hindi makatitiyak ng mas malaking pondo na ilalaan para sa ating unibersidad, ang mangyayari lang [ay] inaasahan ng gobyerno na kapag napasok na ng mga pribadong kompanya ang pamantasan, doon kikita at magkakaroon ng pribadong kapital na tiyak na makakaapekto ‘di lamang sa mga estudyante bagkus sa mga manggagawa, guro at mga nagtitinda sa lagoon.” ani Romher Dizon, Secretary-General ng PUP Institute of Technology Student Council.

Labas ang katayuang panlipunan sa kalidad na edukasyon

Sa tuwing magkakaroon ng  bagong academic year sa mga pribadong unibersidad, hindi lamang mga pangalan ng guro at listahan ng mga asignatura ang bumubungad sa kanila, kundi pati na rin ang listahan ng kanilang babayarang tuition fee sa semestre o taong iyon. 

Ayon sa National Union of Students of the Philippines – National Capital Region (NUSP-NCR), humigit-kumulang 88% ng mga pribadong institusyon at unibersidad sa Metro Manila ang humaharap sa paulit-ulit na usapin ng napipintong pagtaas ng matrikula bawat taon.

Kalakip sa listahang ito ang mga bayarin na parte ng kabuuang matrikula katulad na lamang ng laboratory fee, utility fee, technological fee, at marami pang iba. Bukod pa rito ang mga miscellaneous fee na kailangan nilang bayaran ngunit hindi malinaw na nakalista kung ano-ano ang mga ito. Hiwalay pa rito ang gastusin para sa school uniform at mga librong kakailanganin nila na hindi pa kasama sa tuition at miscellaneous fee. 

Ipinagtataka ni Grace Chiu, isang mag-aaral mula sa National Teacher’s College (NTC)  ang pagtaas ng binabayaran nilang miscellaneous fee taon-taon kahit na walang sinasabing ganap na dahilan sa kabila ng pagtaas nito. 

“Sa pamantasan namin, pangunahing usapin sa amin ang kawalan ng transparency ng administration sa miscellaneous fees. Wala itong breakdown at taun-taon ay tumataas, kahit dini-deny ito ng administration, habang hindi naman nakikita sa mga serbisyong natatanggap at facilities. Dahil dito, mataas ang rate ng drop-out halos bawat semester,” an Chiu.

Naniniwala rin si Chiu na ang patuloy na pagtaas ng tuition fee ay ang dahilan kung bakit mataas ang dropout rate sa kolehiyo sa ating bansa. “Maging ako, naging dropout din ako for the same reasons”,  dagdag pa niya.

Ayon sa Year Two Report ng Second Congressional Commission o EDCOM2, 39% o apat (4) sa sampung (10) mga estudyante ay tumitigil ng kolehiyo kahit na mayroong Free Higher Education Law. Kaya naman ang solusyon dito ng EDCOM2 na ang mga Tertiary Education Subsidy (TES) subsidy amount ay masiguradong nakaayon sa pang araw-araw na gastos ng mga estudyante at sa kanilang binabayarang tuition fee. 

Kinahaharap din ng mga kabataang estudyante ang pagpili sa pagitan ng pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan, sa kabila ng pangakong kaakibat ng pagpapatupad ng K-12 curriculum na magiging mas handa sa trabaho ang mga nagtapos ng Senior High School (SHS).

Sa Arellano University (AU), malaking dagok din para sa mga estudyante ang pagkakaroon ng “penalty fee” sa tuwing ang isang estudyante ay hindi nakapagbayad ng tuition fee sa itinakdang bayaran. 

“Hindi maka-estudyante kasi isa naman sa mga rason kung bakit nale-late ng bayad ang isang estudyante ay walang pambayad, kulang sa oras, ‘yung iba may trabaho”, ani Jay Adriano mula Kabataan Partylist AU.

Parehas lamang ang panawagan nina Chiu at Adriano, ang transparency ng mga miscellaneous fees. Dapat alam ng mga estudyante kung saan napupunta ang halagang nailalabas nila sa kanilang mga bulsa. 

Kung nagbabayad ng utility fee, dapat ay hindi sira-sira ang mga upuan at hindi mainit sa bawat silid-aralan. Kung may technological o internet fee, dapat malakas ang internet. Kung may laboratory fee, dapat nagagamit ang mga laboratory. 

Para sa mga kabataang estudyante, ang kanilang karapatan para sa dekalidad na edukasyon ay hindi lamang usapin ng pagpasok sa paaralan kundi ng kakayahang manatili rito hanggang sa pagtatapos. 

Espasyo ng paghubog sa kamalayan

Sa kabi-kabilang hinaing ng mga estudyante hinggil sa matrikula, kalidad ng edukasyon at kanilang kalagayan, hindi na lamang sa loob ng mga silid-aralan naipapahayag ang kanilang pagtutol. Sa lansangan, ipinapahayag nila ang mga suliraning nakikita nilang direktang nakaaapekto sa kanilang buhay at sa mga karapatang dapat nilang tinatamasa.

Ngunit kasabay ng paglabas ng mga estudyante sa lansangan ang mga banta sa kanilang kalayaang magpahayag, mag-organisa at magtanong, kabilang ang mga kaso ng militarisasyon at pagpasok ng mga kapulisan, militar at iba pang pwersa sa mga espasyong pang-akademiko.

Noong Setyembre 18, nagsampa ng reklamo ang Philippine Air Force (PAF) sa University of Santo Tomas (UST) laban sa apat na student-activist na sina Raven Racelis, Ralph Manuel, Dex Frogoso, at Sean Capalar. Nakaugat ang kinakaharap nila ngayong disciplinary offense matapos silang magprotesta at magtanong sa isinagawang eksibit ng PAF na nakatuon sa kanilang “capabilities and modernization programs” noong April 21, kasabay ng ika-415 anibersaryo ng UST.

Kabilang sa mga sinasabing paglabag ay ang mga probisyon ng 2026 Student Handbook hinggil sa courtesy at peace and order, gayundin ang alegasyon ng disrespect dulot ng ‘confrontational’ na tono sa pagharap nila sa mga tauhan ng PAF.

Hindi hinugot kung saan lang ng mga kabataang aktibista ang dahilan kung bakit labis ang pagkundena nila sa presensya ng mga militar sa loob ng unibersidad. 

Ayon sa Karapatan, aabot sa 10.8 milyong kataong nakaranas ng threats, harassment, at intimidation sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, at marami sa kanila ay biktima ng red-o-terror-tagging mula sa NTF-ELCAC. 

Bukod at bago pa ang pagpasok ng PAF, naging sentro na ng red-tagging at online harassment si Racelis matapos ang forum na “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience” na idinaos sa UST Department of Political Science noong Nobyembre 6, 2025. 

Isang buwan matapos ang forum, nagsampa siya ng human rights violation complaint laban sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Hands Off Our Children sa Commission on Human Rights.

Hinarap ni Racelis ang mga paratang ng ‘terror grooming’ at ‘online defamation’ na itinanggi niyang nagtulak sa kaniya upang maging aktibista.

Ayon sa KARAPATAN, ginagamit ng NTF-ELCAC ang mga ‘information drive’ upang iugnay ang aktibismo sa komunismo. Lalo na sa panahong mas maraming kabataan ang tumitindig laban sa katiwalian at pang-aabuso ng gobyerno. Nagbabala rin ang grupo na maaaring magdulot ng takot at “chilling effect” ang presensya ng militar dahil sa layuning pigilan ang sama-samang pagkilos.

Matatandaan na itinatag ang NTF-ELCAC sa implementasyon ng Executive Order No. 70 ng dating administrasyon ni Duterte noong 2018. Tunguhin ng puwersa na ipatupad ang whole-of-nation-approach laban sa insurhensiya sa bansa. Ngunit lantarang ipinapahayag ng naturang task force ang kaliwa’t kanang atake sa porma ng red-tagging at terror-tagging.

Sa PUP, nagpasa naman ng ‘demand letter’ ang Office of the Student Regent sa pamumuno ni JP Azusano noong September 15 upang humingi ng paliwanag mula kay President Manuel Muhi kaugnay sa inilabas na journal na ‘Target to Threat: The Psychology and Prevention of Terror Grooming’, sa ilalim ng pangangasiwa ni National Security Adviser Eduardo M. Año at Vice-Chairperson ng NTF-ELCAC na nagbigay-pagkilala sa PUP President dahil sa ‘dedication to academic excellence’ at pagsuporta sa proyekto.

Inilarawan sa unang isyu ng journal na hindi na lang nakakulong ang banta ng terorismo sa digmaan. Nakaugat na rin umano ito sa puso at isipan ng mga indibidwal, lalo na sa mga kabataan dahil sa “manipulasyon, disimpormasyon, at baluktot na ideolohiya.”

Ayon kay Azusano, mga salita itong halos sumasalamin sa bokabularyong madalas ginagamit ng NTF-ELCAC para ipamukha na ang ginagawang aktibismo ng mga estudyante, kampus-mamamahayag, at pagtutol sa isyung-panlipunan ay itinuturing bilang pagrekrut para sa subersiyon.

Hindi nakakubli sa isang direksyon ang kagustuhan ng kabataan na matuto at magtanong. Sa loob man ng pamantasan o sa lansangan, ang mga hinaing ng kabataang estudyante ay nakaugat sa mga kondisyong kinakaharap nila ngayon at sa kinabukasang naghihintay sa kanila bilang mga manggagawa at mamamayan.

Sa harap ng tumataas na gastusin sa edukasyon, kawalan ng katiyakan sa trabaho, militarisasyon, red-tagging at iba pang anyo ng panggigipit, nagpapatuloy ang pagkilos ng kabataan. Sapagkat hindi magkakahiwalay ang krisis na kinakaharap sa loob ng pamantasan at ang mga suliraning naghihintay sa labas nito. Ang pagkakaroon ng dekalidad at aksesibleng edukasyon, kalagayan ng paggawa, sahod, karapatan at iba pang panlipunang usapin ay magkakaugnay at kapwa humuhubog sa buhay ng kabataan.

Tunay lamang na ang laban para sa edukasyon ay hindi nagtatapos sa loob ng silid-aralan. Nagpapatuloy ito sa mga pamantasan, sa mga pabrika at lugar-paggawa, hanggang sa lansangan. Sa mga espasyong ito, nananatiling mahalaga ang karapatan ng kabataan na matuto, magtanong at makilahok sa paghubog ng lipunang kanilang kinabibilangan.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here