Isang makasaysayang tagumpay ang ginuhit ng mga manggagawa sa Nexperia. Nangyari ito sa mismong Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihang Manggagawa. Ngunit sa likod ng mga parangal ay nakabakas ang laban na tinatahak ng mga kababaihan—hindi lamang sa sistema, kundi sa kasaysayan at sa mga limitasyong ipinataw sa kanila ng mundong ito. 

Hindi ko inakala na sa Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihang Manggagawa ay makakarinig ako ng hiyawan ng tagumpay. Ang akala ko sa laban ng mga manggagawa ng Nexperia ay mas tatagal pa, mas haharapin ang mas matinding pasakit—gutom, karahasan, kawalan ng kuryente, at kahit na ang kanilang kalusugan dahil ipinagbabawal papasukin ang gamot dahil sa blockade na pinataw ng management. Ngunit nang dumating ako, nakataas na ang kanilang kamao, dalawang lider-unyon ay muling nakabalik, at yung kadena na ginamit upang patigilin ang produksyon ay nasa kamay na ng manggagawa. Nanalo na sila.

Ayon sa mga manggagawa, ang paglunsad ng tigil produksyon o welga ay isang mataas na porma ng sama-samang paglaban. Habang ang kumpanya ay kumikita ng 420 milyong piso kada araw, 15 pesos naman ang kita ng mga manggagawa kada oras. Ang hiling nila ay 50 pesos na katumbas lamang ng isang dolyar. Ngunit sa halip na maramdaman nila ang pag-unawa, nakatanggap sila ng represyon mula sa estado.

Sa Nexperia, hindi lamang sila naging ordinaryong manggagawa. Pinanghawakan nila ang kanilang uri bilang hukbong mapagpalaya kung saan ang kanilang galit ay nagbigay direksyon sa kanilang laban. Sila mismo ang nagtakda ng panahon na itigil ang produksyon. Ang welgang bayan nga ang pinakamatalim na sandata ng mga manggagawa, kasama ang kababaihan at kabataan, upang makamit ang katarungan sa isang sistemang matagal nang binabalewala ang kanilang karapatan.

Napakamakapangyarihan ang mensahe na binitiw ng mga manggagawa lalo na ang mga kababaihan. Ang kanilang napagtagumpayang laban ay hindi lamang naka lente sa pabrika ng Nexperia. Tuloy-tuloy pa rin ang laban ng mga manggagawa, kababaihan, at kabataan para sa kanilang karapatan sa trabaho—makatarungang sahod, ligtas na kondisyon, at ang kanilang karapatan na mag welga.

Matagal nang sinisigaw ng mga kababaihan ang pantay-pantay na trato at karapatan sa kanilang trabaho. Kaya ang araw ng kababaihang manggagawa ay higit pa sa simpleng karangalan. Hindi naging madali ang landas ng pakikibaka. Sa Nexperia, nasaksihan ko ang tapang at militansya ng isang babae na magsalita at lumaban. Nakita ko rin paano pinamunuan ng mga manggagawa ang tagumpay. Nakita ko ang malawak na hanay ng mga kabataan na pinapaglaban ang kanilang kinabukasan.

Dito ko naramdaman ang yanig ng lansangan noong nagkaisa ang mga manggagawa, kabataan, at kababaihan.

Hindi ako makapaniwala na firsthand akong makakakita ng isang historikal na pangyayari. Tuloy-tuloy pa rin ang paglaban para makamit ang hustisya para sa dalawa pang lider-unyon na pinatanggal. Kung ang sabi nila saakin na wala daw nagagawa ang welga, hindi ko maiwasang itanong: Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi sa ating mga hakbang, sino ang magtutulak para sa pagbabago? At higit sa lahat, paano natin haharapin ang mga hamon ng kinabukasan?

Ang sagot ay nasa ating mga kamay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here