UPDATE (11:15 AM, Marso 29, 2021)

“Masahol” kung ituring ng iba’t ibang progresibong grupo ang pag-usbong ng mga kontra-insurhensiyang taktika sa bisperas mismo ng panunumbalik ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR+ bubble.

Anila, inaasahan na ang ganitong mga uri ng “black propaganda” maging ang lantarang panunupil sa implementasyon ng strikto at militaristikong lockdown.

Matatandaang pinatay si Randall Echanis, isang pesanteng aktibista at peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), noong ika-10 ng Agosto sa kabila ng pagkakaroon ng lockdown bunsod ng pandemya.

Isang taon nakalipas ay nananatili ang ganitong mga atake laban sa mga progresibo, aktibista, at kritiko ng administrasyon.

Saad ng mga grupo ang naratibo ng kamatayan sa Pilipinas:

“Sa sitwasyong umiiral sa bansa, namamatay ang sambayanan gawa ng pandemya. Kung hindi sa pandemya ay sa gutom. At kung hindi sa gutom ay sa pagpapatuloy ng mga kontra-insurhensiyang programa sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabwat ang hanay ng kapulisan, militar, at ang National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kikitil hindi lamang sa mga progresibo maging ang mga kritikal na ordinaryong mamamayan.”

Patayan sa Timog Katagalugan, nagpapatuloy

Walong tama ng bala ang ikinamatay ng PAMANTIK-KMU vice chairperson na si Dandy Miguel ng mga hindi pa nakikilalang salarin bandang 8:45 ng gabi sa kalsada ng Asia 1, Canlubang sa Calamba, Laguna.

Halos tatlong linggo pa lamang ang nakalilipas matapos ang kalunos-lunos na sinapit ng hanay ng mga aktibista at unyonista sa taguring “Bloody Sunday” ay nagpapatuloy ang karahasan sa Timog Katagalugan (TK).

Ayon sa PAMANTIK-KMU, si Miguel ay kilalang lider-unyonista ng mga manggagawa at kasalukuyang tagapangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric-OLALIA-KMU. Siya rin ay miyembro ng pambansang konseho ng Kilusang Mayo Uno.

Sa ulat ng Rappler, kanila pang nakapanayam si Miguel noong ika-9 ng Marso dalawang matapos ang insidente ng Bloody Sunday kung saan niya ibinahagi ang kaliwa’t kanang pangre-redtag sa hanay nilang mga aktibista at unyonista.

Dagdag pa rito ay kanyang pangangamba sa kanyang seguridad gawa ng patayan sa Timog Katagalugan.

“Ang nangyaring crackdown ay manipestasyon lamang na ang kasalukuyang rehimen ay patuloy na pinapalawig ang pasismo sa rehiyon upang mapatahimik ang boses ng mga mamamayan,” ani Karapatan TK.

Higit 30 na ang napapatay na aktibista sa rehiyon ng TK sumula Hulyo 2016 hanggang Marso 2021 ayon sa Karapatan National.

Basura sa Kalsada, Komunidad

Ngayong araw rin ang selebrasyon ng Araw ng Palaspas o Linggo ng Pagkabuhay, kabalintunaan sa inilagak na kabaong mistulang paglalamayan kalakip ang tarpaulin naglalaman ng pangalan ng “mga estudyanteng namatay dahil sa panlilinlang ng teroristang CPP-NPA-NDF”.

Dalawa ang natagpuang kabaong. Isa sa Boy Scout Circle sa Quezon City at ikalawa sa Guadalupe, Makati City.

“Imbes na dapat mas agarang inuna ang pagkakaroon ng mass testing, ayuda para sa lahat, ay mas inatupag pa ng gobyerno ang pangreredtag sa kabataan at mamamayan. Malinaw na ang sa ganitong taktika ay hindi sinosolusyonan ng rehimen ang ugat mismo ng krisis na kinakaharap ng sambayanan,” mariing pagkundena ng Kabataan Partylist Metro Manila.

Sa oras ng curfew at lockdown, tanging kapulisan lamang ang magkakalat ng basurang mga kabaong na iyon, sabad naman ng Anakbayan Metro Manila.

“Tila’y nag-upgrade sila mula sa tarpaulins na nakakalat sa mga overpass sa EDSA,” dagdag ng komprehensibong grupo.

Inungkat ng grupo ang pagpapalaganap ng eksaherada, nakasusuklam, at hindi kanais-nais na mga tarpaulin naglalayong man-redtag ng indibidwal sa pedestrian at mga overpass sa kahabaan ng EDSA. Kabilang dito si Judge Monique Quisumbing-Ignacio ng Mandaluyong, ang husgado na nagpabasura sa korte ng mga kasong isinampa laban sa editor ng Manila Today na si Lady Ann Salem at asawa nitong SMQC lider-unyonista na si Rodrigo Esparago.

Isang manipestasyon ng pagkakaroon ng malaking badyet ang itinatala sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa ganitong uri ng mga “basura sa kalsada”, saad pa ng grupo.

Sa kabilang banda, nagkaroon din ng mga Operation Dikit Poster ang mga operatiba sa maralitang komunidad ng Pook Arboretum sa Quezon City at nagbigay akusasyong “NPA Salot sa Mamamayan”.

“Sumambulat sa mamamayan ng Pook Arboretum kaninang umaga ang mga posters na nakapaskil sa paligid nito patungkol sa mga NPA,” ulat ng QC Urban Poor Coordinating Council (QC-UPCC).

Gayundin ang naging sentimyento ng Samahan ng Mamamayan sa Pook Arboretum sa ilalim ng Alyansa ng Samahan sa Diliman (ALSA-Diliman).

“Habang abala ang samahan para makahanap ng solusyon sa gitna ng lockdown sa pandemya tulad ng serbisyong medikal, pangangalap ng ayuda, dagdag na kita, at malabanan ang pag-aalala o pagkakaroon ng anxiety sa araw-araw ay nadagdagan pa ito ng takot at pangamba sa maaaring isangkot ang samahan sa isinagawang operasyon,” banggit ng tagapangulo ng ALSA-Diliman na si Carmelita “Ka Mameng” Collado.

Dagdag pa ni Ka Mameng na ito ay desperadong aksyon para makaiwas ang mga operatiba sa kanilang pangunahing responsibilidad hinggil sa pangangailangan na makaigpaw sa kinakaharap na pandemya at makaahon kahit kaunti sa lugmok ng kahirapan ang mamamayan.

Kasalukuyang humaharap ang Pook Arboretum na kabilang sa 13 na pook sa loob ng UP campus ang apektado ng banta ng demolisyon bunsod ng tunog na itatayong Ospital na bahagi ng Master Development Program ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ganito rin ang kumakalat na karatulang pinararatangan ang mga manggagawa at lider-organisador ng iba’t ibang organisasyon bilang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa siyudad ng Valenzuela at Maynila.

Ipinaskil ang tarpaulin sa kubol sa labas ng SLORD Development Corporations.

Sa Valenzuela naman ay kabilang sina Leticia Castillo ng Gabriela Benito Cabasal ng Liga ng Manggagawa ng Valenzuela, Eugene Guicaen ng Kadamay, at Eliseo Taping na tagapangulo ng Alcophil Workers Union (AWU) sa mga ipinaskil na litrato na naglalayong mangred-tag.

Makikita rin sa ibinahaging CCTV footage ang dalawang lalaki na nagpaskil ng mga karatula.

“Simula nung maipasa itong Anti-Terror Law, nakakaranas na po kami ng redtagging,” malayang ibinahagi ni Taping sa isang panayam ng Tudla Productions.

“Ako ang target ng NTF-ELCAC CAMANAVA na nagpakilala sa amin dito sa loob ng pabrika. Sila ay nagbibigay ng mga seminar sa mga kasamahan ko rito sa pabrika tungkol sa Anti-Terror Law. Matinding pananakot at ikinakawing nila ang aming ligal na organisasyon ay isang front ng terorista at lahat ng gawain na may kaugnay sa gawain ng terorista,” dagdag ng pangulo ng unyon.

Hulyo 2020 pa nagsimula ang pinaigting na harassment sa mga progresibong manggagawa ng Alcophil hanggang sa dumating ang ika-18 ng Pebrero taong kasalukuyan nang tuluyan nang pinapasok ang mga manggagawa sa pabrika.

AMLC, kasangkapan sa kontra-insurhensiya

“Freeze order” ang ipinataw sa tatlong bank account ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran Center ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa bisa ng Resolution No. TF-36 na nilagdaan noong ika-12 ng Marso taong kasalukuyan bunsod ng paglabag umano ng simbahan sa Republic Act 10168 o ang “The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act”.

Ang UCCP Haran Center ay kilala bilang santwaryo ng higit 500 na indigenous peoples (IP) o katutubong lumad sa Mindanao. Isa rin ito ito sa mga lugar kung saan itinaguyod ang mga Lumad Bakwit Schools upang ipagpatuloy ang karapatan sa edukasyon ng mga estudyanteng lumad sa kabila ng pagsasara ng kanilang mga paaralan. Sa katunayan, higit 178 na ang ipinasarang Salugpongan Lumad Schools bunga ng mga atake, intimidasyon, pangangamkam sa lupa, at patuloy na red-tagging.

Matatandaan ding pinaligiran ng paramilitary group ng Alamara ang UCCP Haran noong ika-25 ng Enero 2020 sampung araw matapos ang inihaing resolusyon ng Regional Peace and Order Council na naglalayong ipasara ang church compound.

1994 pa nang tanggapin ng simbahan ang mga IPs na nakararanas ng militarisasyon, malawakang pangangamkam sa lupa, at pagsira sa kalikasan sa kabila ng nilagdaang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) ng logging concessionaire na Alcantara ang Sons, Inc. (Alsons) sa Talaingod, Davao del Norte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here