“Bigla akong lumakas noong nadinig ko iyong desisyon ng Supreme Court. Nakahiga ako, napabangon ako,” salaysay ni Bernardo “Kadyo” Villalon, isang aktibista at manggagawang pangkultura mula pa bago magdeklara si Ferdinand Marcos, Sr. ng Batas Militar o Martial Law.

Narinig ni Kadyo sa radyo ang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-saysay sa petisyon ng mga biktima ng Martial Law na pigilan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ang lumabas sa botohan ay siyam (9) sa pagbabasura, limang (5) pabor at isang (1) abstain. (Basahin ang No moving on as SC decides in favor of Marcos burial in Libingan ng mga Bayani)

Bahagi si Kadyo ng mga nagkaso laban kay Marcos sa mga paglabag nito sa karapatang pantao at bahagi ng dapat na makatanggap ng kumpensasyon. Tandang-tanda niya ang bilang niya sa listahan ng mga biktima, pang-2003 siya sa higit 9,000 nagkaso at nanalo. May mga nakatanggap na ng kumpensasyon, maraming hindi pa, ang wari niya. Hanggang ngayon, wala pang natatanggap na kumpensasyon si Kadyo.

“Sabi nila may gumamit ng papel ko. Sabi nila iba na raw may hawak ng pondo. Sabi nila nagamit na raw ni Bongbong sa kampanya,” banggit niya na mga dahilang ipinapaabot sa kanya kung bakit wala pa rin siyang kumpensasyon na natatanggap.

Sumampa na sa 77 taong gulang si Kadyo ngayong taon. Siya ay 35 taong gulang noong naging biktima ng tortyur sa Batas Militar. Lumipas na ang higit 40 taon, ngunit walang hustisya kahit sa hinagap ang mga biktimang tulad niya.

At inabutan pa niya ang panibagong pasakit at kawalan ng hustisya.

Walang (paki)alam sa karanasan ng mga biktima at sa kasalanan ni Marcos

“Malabo ang kaisipan ng mga nasa Supreme Court. Dapat pinag-aralan nila nang malalim kung sino si Marcos,” iling ni Kadyo.

Nilimi ni Kadyo ang pagboto ng siyam na mahistrado sa pagbasura sa petisyon ng mga biktima ng Batas Militar.

Aniya, “ang tiyak na lulutang sa mga katanungang gusto nilang malaman ay iyong malupit, diktador, pagmakasarili, naghari sya sa Pilipinas mula 1972 hanggang 1986. Maraming inaresto, tinortyur, kinulong nawala, mga babaeng ni-rape. Iyon, hindi nakikita ng humatol na siyam. Ang nakikita lang nila, naging sundalo, naging presidente, naging congressman, lahat. At wala raw kaso na nakulong siya. Wala ngang kaso na nakulong, kasi pinatalsik siya.”

“Sa siyam na mahistrado ng Supreme Court, hindi sila nag-aral sa kalikasan at karanasan ng mga tao. Ililibing siya sa Libingan ng mga Bayani, iyong mga nawala, walang bangkay, hindi nailibing, hindi na nakita. Iyong mga pinatay, iyong mga ni-rape. Anong sasabihin nila sa mga pamilya niyan? Ang dami niyan. Alam ba noong siyam na bumoto pabor kung ano iyong mga kasalanan ni Marcos?,” dagdag niya.

Sinagot din ni Kadyo ang mga idinadahilang positibong nagawa ng nakatatandang Marcos.

“Sa kanyang paghahari, totoong ang dami niyang nagawa, tulay, ospital. Pinangutang niya iyan sa bansang Amerika. Pagawa siya ng pagawa. Bawat pagawa niya, kikita siya. Sinasabing nawawala ang pera, pero natuklasan din nasaan. Lumaki ang yaman niya.”

Kaya giit niya, “hindi dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos.”

[ultimate_spacer height=”50″]
[ultimate_spacer height=”250″]

Salaysay ng karanasan sa Batas Militar

[ultimate_spacer height=”250″]
[ultimate_spacer height=”50″]

Noong panahon ng Martial Law, organizer ako sa komunidad.

Setyembre 13, 1974, mag-dadalawang taon ang Martial Law. Mahigpit talaga ‘pag sumasapit ang buwan ng Setyembre, anibersaryo ng Martial Law. Nasa Sampaloc kami, nag-raid ang mga militar. Noong mag-raid, nagtago kami sa ilalim ng jeep.

Sumisigaw ang mga militar, sinisirenahan yung lugar, sinisigaw nila, “sa lugar na ito, may mga komunistang nagtatago.” Tinatakot nila iyong mga tao.

Walang nahuli noon iyong mga militar. Tinawag kami ng drayber, inalis kami, dinala kami sa bahay nila. Tapos bumiyahe na kami palayo.

September 14 ng madaling-araw, ni-raid kami sa Tondo. Nahuli kami, apat na lalaki, isang babae.

Itinaas iyong t-shirt ko, sabi “ito na nga.” Tapos isinubo sa akin iyong armalite.

Mental torture iyong ginawa sa amin, puro pananakot. Dinala kami sa isang lugar na maliwanag, walang radyo at TV. Puro interogasyon. Nagpa-presscon sila na may nahuli silang mga komunista. Kinasuhan kami ng anti-subversion law. Dinala kami sa Crame. A-kinse, dinala kami sa ISAFP, tapos torture ulit. Akala namin tapos na, kasi may kaso na kami. Pero nagsimula ulit yung interograsyon.

Sa tanong nila, ‘pag ‘di ka sumagot, may tama ka.

“Kilala mo ba si ganyan?”

“Hindi po.”

Pak, pak, pak.

“Anong hindi, eh kasama mo iyan.”

‘Pag ayaw nila ang sagot mo, tatlong pompyang ang inabot ko, kaya bingi ako.

“Member ka ba ng P?”

“Ano hong P, pinans?”

PAAAAAK!

“Hindi ko ho alam kung ano iyong P.”

“Hindi mo alam ha, ito alam mo na.”

PAAAAAK!

Tapos, ginamitan kami ng kuryente. Sa kili-kili saka sa bayag ilalagay. Tatanungin ka, tapos pipihitin. Mapapaiktad ka talaga. Hindi lang ako, lahat kami. Lahat ng suspect na subersibo, tinortyur.

Sinabi sa akin na kapag may sinasagot ka, hahaba pa. Matitiis mo naman ang sakit. Kaya wala na lang akong sinasabi. Matitiis mo naman iyong sakit. Bugbog-sarado na lang. Kulang-kulang isang buwan sa Crame, binyahe naman kami sa Ipil.

Iyong iba, nabalitaan namin, sinasaksakan ng droga. Kung papatayin ka, sasaksakan ka ng droga.

Noong pumutok ang balita na ang international human rights groups ay pupunta sa Pilipinas, nagsalita si Marcos na sa Pilipinas walang bilanggong pulitikal. November 1, madaling-araw. Napilitan siyang magsalita. Napilitan siyang magpalaya. April 25, lumaya na ako. Pero guwardiyado ka pa rin kasi weekly mag-rereport ka sa Crame, hindi ka pwede pumalya.

Tuloy ang laban

“Iyan si Marcos, hindi talaga dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani. Hindi siya bayani ng mga Pilipino. Bayani siya ng imperyalismo. Bayani siya ng mga naghaharing-uri noong panahon niya,” nasambit ni Kadyo matapos niyang ibahagi ang personal na karanasan sa Batas Militar.

Noong isang araw, nakatanggap siya ng text ng isang kapwa biktima ng Batas Militar na may pagkilos para kundenahin ang desisyon ng Korte Suprema.

“Sasama ako, kaya ko pa. Pinagpapatuloy mo iyong laban sa isang kalaban na nagpapanggap o pinapalitaw na bayani,” ang itinugon niya.

Naniniwala si Kadyo na kailangang ituro nang mahusay sa kabataan ang kasaysayan. Ipaalam sa kanila ang mga tunay na pangyayari at kung bakit nila kailangang magkaroon ng pakialam. Pawiin ang pagkakalimot.

Ilang dekada na ring nagsisilbing artistic director at mentor si Kadyo ng Kapisanan ng mga Mandudula sa Marikina (KMM), isang alyansa at grupong pangteatro ng mga kabataang Marikenyo. Marami na siyang naisulat na mga orihinal na skit, dulang ganap ang haba, monologo at mga kanta, na naging bahagi na ng repertoryo ng KMM. Ilan sa komun na tema ng mga likha ni Kadyo ang pagkilos para sa tunay na kalayaan ng bayan mula sa dayuhang mananakop gaya ng US, paninindigan at pagsisikap ng mamamayan na umahon mula sa kahirapan at pagbibigay-pugay sa mga bayaning Pilipino. Siya rin ang nagsisilbing direktor ng mga dulang ito kapag itinatanghal, gayundin bilang organisador ng mga kabataang ilang dekada na ang pagitan sa kanya pero patuloy niyang kinakikitaan at pinagkukunan ng pag-asa.

Kinuwento ni Kadyo na kamakailan lang ay nakapagturo at nakapag-direct pa siya ng tatlong dula sa hanay ng mga estudyante ng hayskul at kolehiyo sa kabila ng kanyang edad at kalusugan.

Kinuwento rin niyang paminsan-minsa’y may nangangamusta sa kanya.

“Kung pananaw, paniniwala at paninindigan, okay pa. Iyong kabuhayan at kalusugan ko, padausdos na. Hangga’t kaya ko, tuloy lang ako,” ang palaging tiyak niyang sagot.

Basahin ang iba pang kwentong Batas Militar dito.