Labingdalawang taon na ang nakalipas mula nang pinaulanan ng bala ang mga nagwewelgang magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita.

Jesus Laza, one of the victims of the Hacienda Luisita massacre. Screenshot from Tudla Productions documentary Sa Ngalan ng Tubo.
Jesus Laza, one of the victims of the Hacienda Luisita massacre. Screenshot from Tudla Productions documentary Sa Ngalan ng Tubo.

Ilang araw matapos ibaba sa welga sa hacienda ang Assumption of Jurisdiction ng noo’y Kalihim ng Department of Labor and Employment na si Patricia Sto. Tomas, nagdatingan ang trak-trak na mga armadong militar sa Hacienda Luisita. Ilang beses nilang tinangkang i-disperse ang mga welgista. Hindi sila nagtagumpay. Hanggang noong Nobyembre 16, 2004 ay umulan ng bala mula sa loob ng bakod ng hacienda. Pito agad ang namatay. Nadagdagan pa ang pito sa nagpatuloy na karahasan sa hacienda.

Sa panunungkulan ni Benigno “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang pangulo, nagdesisyon ang Korte Suprema na sa magsasaka ang lupa ng hacienda. Si Noynoy ang congressman saklaw ang hacienda sa panahong nangyari ang malagim na masaker. Pero hanggang ngayon, nagtutuos pa rin sa lupa ang mga Cojuangco at ang mga magsasaka.

Labingdalawang taon mula ng masaker. Higit tatlong dekada mula nang dapat napasamagsasaka na ang libong ektaryang lupa. Walang lupa. Walang hustisya.

Pero tuloy ang laban. 

Patuloy na pagkilos para sa lupa at hustisya

“Mahalaga ito dahil patuloy tayong naniningil na magkaroon ng hustisya sa lahat ng mga biktima, mga martir, sa lahat ng napaslang na lider-magsasaka at lider-magbubukid sa Pilipinas. Na ito ay nagpapakita sa kahalagahan na ang pakikibaka hindi natatapos kundi makamit ang pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo,” pagtutukoy ni Antonio Flores, Pangkalahatang Kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa isinagawang caravan patungong Hacienda Luisita.

Lumahok sa tatlong-araw na caravan ang mga estudyante, manggagawang pangkultura, manggagawang pangkalusugan, taong simbahan, at iba pa. Nagtipon sila sa harap ng Department of Agrarian Reform sa lungsod Quezon umaga ng Nobyembre 14 bago sabay-sabay na bumiyahe patungong Tarlac.

Mula sa lungsod Quezon, huminto sila sa Balagtas, Bulacan kung saan sinalubong sila ng iba’t ibang organisasyong sumusuporta sa laban ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Muli silang huminto sa Malolos, Bulacan. Mula Malolos Crossing ay nagmartsa ang mga kalahok ng caravan patungo sa Malolos Sports and Convention Center, kung saan sinalubong ni Vice-Mayor Gilbert Gatchalian.

Matapos mananghalian ay tumungo naman ang caravan sa Angeles, Pampanga at doon muling sinalubong ng mga mamamayang nakikiisa sa kanila.

nolcom march
Martsa patungong Northern Luzon Command noong Nobyembre 14, 2016. (Mula sa bidyo ng Tudla Productions)

Pangatlong hinto ng kanilang biyahe ang headquarters ng Northern Luzon Command ng militar, isa sa mga itinuturong responsable sa madugong masaker sa hacienda.

Huling tagpo sa unang gabi ng caravan ang idinaos na konsiyertong bayan sa Maria Cristina Park kalapit ng kapitolyo ng Tarlac.

Bukod sa mga martsa protesta, magdaraos ng dula na reenactment ng masaker sa bakod ng Hacienda Luisita sa Nobyembre 16, araw ng masaker.

Pangwawasak ng pananim at tirahan

“Hangga’t may paa akong tumutungtong sa lupang aking sinasakahan, patuloy kong bubungkalin kahit harasin pa nila ako ng harasin. Tinutukan na nila ako ng baril. Nahimatay na ko, pagkagising ko lumaban pa rin po ako.  Ilang beses po akong tinutukan ng baril. Hindi po ako natinag, dahil karapatan ko ang lupang binubungkal ko,” lahad ni Dina Bais sa harap ng mga sumama sa caravan para as paggunita ng masaker sa Hacienda Luisita.

Isa si Dina sa mga nakaligtas noong malagim na masaker.

“Sa kasalukuyan po, kami ay dumaranas ng pandarahas sa kapulisan at kasundaluhan. Lahat po ng aming pananim, sinisira nila. Yun lang po ang aming pinagkakabuhayan. Pati po ang aming bahay, wala po silang tinira. Wala po kaming tinutulugan. Ganoon po kaganid ang pamilya Cojuangco na hindi naman sa kanila ang pag-aari ng lupa, pilit nilang inaangkin,” ani Bais.

Hacienda Luisita struggle supporters till the land at a 'bungkalan' activity on November 15, 2016.
Hacienda Luisita struggle supporters till the land at a ‘bungkalan’ activity on November 15, 2016.

Sa paglabas ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, naglunsad ng bungkalan ang mga magsasaka upang makapagtanim ng pagkaing makakain nila. Sa mahabang pag-iral ng dominasyong panginoong maylupa ng mga Cojuangco, tubo lang ang tinatanim sa buong kalupaan ng hacienda. At matapos silang gawing stockholder ng Hacienda Luisita, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng dating pangulong Corazon Cojuangco Aquino, dumalang ang kanilang trabaho sa hacienda at tumanggap ng lamang ng may siyam na piso (PhP 9) kada isang araw ng pagtatrabaho. Sa mahabang panahon, hindi naging produktibo para sa mga magsasaka ang lupa. Nagsisimula pa lang ang mga magsasaka sa pagpapayaman sa lupa ngunit makailang-ulit nang winawasak ang kanilang mga pananim.

“Kami ang nagsasaka sa lupang yon. Walang karapatan ang pamilya Cojuangco dun. Kaya’t hanggang buhay ako, tuloy ang laban ng Hacienda Luisita,” tindig ni Bais.

Mula sa ulat ni Jade dela Cuadra