Ilang pag-uusisa sa relasyon sa lente ng pelikula

Rebyu ng mga pelikulang Changing Partners, Mr & Mrs. Cruz at Ang Dalawang Mrs. Reyes

0
1317
[ultimate_spacer height=”50″]
Tatlong pelikula hinggil sa relasyon ng mga pares na may sapat na gulang ang palabas sa sinehan ngayon. Ang mga pelikulang Changing Partners, Mr. & Mrs. Cruz at Ang Dalawang Mrs. Reyes ay pawang nakakuha ng markang R-13 mula sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil sa mature na tema o eksena sa pelikula.
[ultimate_spacer height=”30″]

 

changing-partners-poster

Pinakita ng pelikula ang huling bahagi ng apat na relasyon sa pagitan ng walong magkakaibang tauhan na ginampanan ng apat na aktor. Ang tauhang may pangalang Cris ay isang 29 anyos na ‘di nakatapos ng kolehiyo mula sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Ang tauhang may ngalang Alex naman ang 45-anyos na top executive sa isang malaking kumpanya at nakapagpundar na ng masasabing sariling matatag na buhay. Ang nakababatang si Cris ay ginampanan ni Anna Luna bilang babae at lesbyana/bisexual sa dalawang relasyon at ni Sandino Martin bilang lalaki at bakla sa relasyon. Ang nakakatandang si Alex naman ay ginampanan ni Agot Isidro bilang babae at lesbyana sa dalawang relasyon at ni Jojit Lorenzo bilang lalaki at bakla sa dalawang relasyon. Walang putol at mahusay ang pagsasama-sama ng kuwento ng apat na relasyon na may walong tauhan, kung saan apat na mukha lang naman ang makikita ng mga manonood—isang laro sa titulo nitong Changing Partners. Ngunit nagpapatungkol din ito sa pangunahing dahilan ng kahihinatnan ng mga relasyong sinubaybayan sa pelikula. Mahuhusay ang nagsiganap sa pelikula at ang maraming elemento sa produksyon gaya ng musika, tunog, camera, direksyon, at iba pa.

Mula sa ilang masasayang eksena sa simula, agad na ring ipinakita ng mga ‘di mapagkakasundong pagkakaiba sa magkakarelasyon—bukod sa given na 15-year old age gap. Mabilis na gumuho ang relasyon matapos ang pakikipagtagpo ng mga batang karelasyon sa dating kaibigang si Angel (komun na pangalan ng kaibigan sa apat na relasyon). Mula roon ay daluhong na ng mga kumprontasyon, away at hugot na walang binigay na kaluwagan o ginhawa o pagsisiyasat sa sarili ng mga tauhan. Bagamat nagtagal na ang mga ipinakitang relasyon ng anim na taon at ilang taong live-in ay tila elementaryo ang kanilang mga pagtatalo at ‘di pagkakaunawaan. Hindi rin madaling makisimpatiya sa nakababatang karelasyon na isang bum na naglalaro lang ng games sa cellphone o nanonood ng anime sa araw-araw. Dahil hindi naman pinagtibay sa manonood kung bakit mahalaga ang relasyon o kung ano ang nakataya, mabigat ang mga pagtatalo at ang magiging clincher ay labas pa nga sa kontrol ng isa sa dalawang magkarelasyon o nagsimula bago pa ang relasyon—tila madaling daan palabas kaysa sa maraming bagay na nakasalang.

Pakiwaring sinasabi rin ng pelikula na age gap ang puno’t dulo ng hindi pagkakaintindihan ng mga relasyon, anuman ang piniling kasarian ng mga nagrerelasyon. Dahil age gap na nga ang tuntungan ng kwento ay parang hindi umusad ang istorya. Nagsasalit-salit ang mga tauhan at eksena sa isang matatas na daloy ng dayalogo—pero iisa nga ba o unibersal ang mga salita ng pagwawatak ng mga damdamin ng mga relasyong may iba-iba pa rin namang sirkumstansya bagamat nasiksik na ang mga pagkakahalintulad? Tila biglaan ding magtatapos ang pelikula at ang apat na istorya na tila walang closure sa mga tauhan o iiwang aral sa manonood para sa kagayang malalaking emosyunal na pagbabago sa buhay. Para itong nagkukuwentong naputol sa gitna ang sinasabi. Sa pinakamahusay nitong aspeto ng paglalahad, nilagay nito sa mikroskopyo ang mga huling sandali ng relasyon.

Ang pelikulang Changing Partners ay isang musical na dinirehe ni Dan Villegas at sinulat ni Lilit Reyes and Vincent De Jesus; si Vincent De Jesus din ang lumikha ng musika. Opisyal na kalahok ang pelikula sa 2017 Cinema One Originals Film Festival kung saan nanalo ito ng walong gantimpala kasama na ang Audience Award, Best Director, Best Actress para kay Agot Isidro at Best Actor para kay Jojit Lorenzo.

 

mrmrscruz-posterPagkakasang-ayon ng mga pangyayari (coincidence) at pag-uusap ng mga pangunahing tauhan ang pangunahing sangkap ng pelikulang Mr. and Mrs. Cruz. Nagkataong si Raffy Cruz at si Gela Cruz (kasal pa sa dating katipan kaya Mrs. Cruz) ay nagkasabay sa iisang tour provider sa Palawan, parehong binabalikan ang pangyayari ng mahalagang alaala sa kani-kaniyang buhay para makalimot o makaalala, pero sa wakas para maghilom.

Maraming cliché ang pelikula—dalawang estranghero o isang babae at lalaki na walang karelasyon pero may mabigat na background story sa relasyon, bumiyahe tungo sa isang magandang lugar para mag-soul searching (“kasi uso ‘yon”, sabi nga ni Raffy, isa lang sa maraming tila meta-jokes sa loob ng pelikula) na magkakalapit at maaaring magkagustuhan. Buhat ito ng maraming mga sirkumstansyang nailatag na sa pelikula para marating nito ang dulo—kung paano mahuhulog o magkakalapit ang dalawang taong sentro ng kwento. At posibleng posible ito lalo kung ang tagpo ay nasa isang vacuum, o dahil na rin sa maraming sirkumstansyang sa totoo lang ay pwede naman iwasan (kung may agency ang tauhan), mas posibleng ‘di mangyari at bihira ring mangyari sa totoong buhay.

Ang tagpo ng pelikula ay sa Puerto Princesa at El Nido sa Palawan, ilan sa pinakamagagandang lugar sa bansa. Gaya ng ibang pelikulang nagtampok ng mga tourist spot, tila hindi naman mahalaga kung doon ito nangyari at hindi rin naman makikita ang mga pinakamagagandang makikita sa mga lugar na ito—backdrop lang ang magandang lugar. Pwede rin itong nangyari sa ibang isla na may beach, bar at hotel na tampok na mga tagpuan sa pelikula.

Dahil pangunahing pamamaraan sa pag-usad ng kwento ang mga pag-uusap ng dalawang tauhan (na sa maagang bahagi ay nagtalo sa pananaw sa kasal), minsan tila masyadong mahaba na sa isang maliit na paksa o ‘di na importante ang mga detalyeng pinag-uusapan, tila overscripted sa pagsisikap marahil buuin ang chemistry sa dalawang tauhan sa mabilis at maikling panahon kasi iyon ang time frame ng pelikula. Isa pa rin ito sa mga lokal na pelikulang lumabas kamakailan na kumuha ng inspirasyon sa Before Sunrise ni Richard Linklater na lumabas noong 1995, pero lubhang mahirap lampasan ang orihinal lalo pa’t ang tuntungan pa rin ay mga estrangherong nagtagpo at nahulog sa isa’t isa sa kurso ng pag-uusap. Marahil, ang hinahanap na katuparan sa ganitong porma ng paglalahad ay ang dalisay na pagkawili sa kausap o pinag-uusapan hanggang parang wala nang effort ito gawin, hanggang sa maaaring putol-putol na ang mga pangungusap pero hindi ang diwa o mabilis na natatangay mula sa isang paksa tungo sa isa pa at hindi puro spoonfeeding; dahil ang magiging subtext noon ay totoong mas nakilala na ng dalawang tauhan ang isa’t isa lampas sa kanilang mga sinasalita. (O marahil hindi lang naman sa mahabang pag-uusap sa maikling panahon maaaring mabilis na mahulog sa isa’t isa ang dalawang estranghero.)

Mahusay ang pagganap ng mga aktor sa pelikula at kaiga-igaya silang panoorin. Lagi ring may paraan ang direktor, gaya sa naunang box-office hit niya na ‘Kita Kita’, na ipakita at iparamdam sa mga manonood ang mapupungay na damdamin sa mga napaparam na sandali at maaaring kahit sino pang matigas ang loob ay maaantig o kikiligin din.

May hypostasis sa dulong bahagi (na aakalain mong katapusan na ng pelikula) sa eksenang nakalublob na sila sa dagat sa ‘twin beach’ sa El Nido na tila ba nagpapahiwatig na walang pagpapanggap ang pelikula sa kanyang laman o genre at sa ganoong paraan ay mas naging kawili-wili ito.

Ang pelikulang Mr. and Mrs. Cruz ay sinulat at dinirehe ni Sigrid Andrea Bernardo.

 

220px-ang_dalawang_mrs-_reyes_posterNagkataong Reyes ang apelyido sa kasal ng dalawang babaeng sentro ng pelikula. Si Lianne (Judy Ann Santos) ay isang matagumpay na doktor na asawa ni Gary (Joross Gamboa) sa loob ng 15 taon at si Cindy na isang homemaker na asawa ni Felix (JC De Vera) sa loob ng limang taon. Iiwan si Lianne at Cindy nina Gary at Felix para magladlad ng relasyon ang dalawa. Si Gary ay kinikilalang babae ang sarili habang si Felix naman ay hetero-flexible at aabot na sa pitong taon ang itinatago nilang relasyon. Ang dalawang puso namang nasawi sa pag-ibig ay magtatagpo para hanapin ang kanilang nagtanang mga asawa at mula roon ay sisikapin nilang intindihin ang kanilang sinapit mula sa pinakabatayan o natural na unang reaksyong kagustuhang gumanti o maglabas ng galit. Lampas sa pagiging isang pelikula ukol sa pagtataksil, kuwento ito ng mga tauhang matutuklasan ang kaya nilang marating para sa pag-ibig.

Maraming pagkakataong mapapatawa ng malakas ang mga manonood sa pelikula. Hindi ito nakakatawa dahil sa mga hirit o slapstick humor, kundi dahil sa mga normal na sitwasyong naging katawa-tawa dahil sa unti-unting pagbubunyag ng mga detalye’t kwento ng pelikula, marka ng mahusay na komedya. Sa isang banda, marami ring itong sariwa at makirot na sandali—dahil nga rin sa ubod ng kwento ang pagkasawi sa pag-ibig ng mga bida—na matapat ang paglalahad, lohikal ang mga aksyon at reaskyon at hindi over the top ang pagganap kung kaya’t makakasabay ang mga manonoood sa pinagdadaanan ng mga tauhan at mawawari nilang kung sila ang nasa lugar ng mga tauhan ay baka ganoon din ang naisip, naramdaman o naggawa nila.

Nagsikap ding magpaunawa ang pelikula sa ilang teknikal na usapin o pagkakahulugan hinggil sa LGBTQQIP2AA (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, questioning, intersex, pansexual, 2 spirits, asexual, ally) na hindi naman nagmukhang primer o forum. Sa kalakhan nga ay kalakasan na ng binuong istorya ng pelikula—nakalugar sa isang mahirap na sitwasyon sa buhay ng tao (heartbreak o pakikipaghiwalay) anuman ang kanilang kasarian—ang pagsisikap unawain hindi lang ang pagrerelasyon ng mga LGBTQQIP2AA, kundi maging ng mga babae at lalaki. Maaari ring makabuo ng kasagutan sa palaisipang nakagawa ba ng kawalang katarungan ang isang miyembro ng LGBTQQIP2AA sa isang straight kung ang una ay nakipagrelasyon sa huli bagaman alam na niya ang kanyang preference.

May iba pang mga relasyon na bahagi ng kwento na nakatulong sa pagbibigay-liwanag sa nabuong relasyon nina Gary at Felix. Mayroon ding mga sitwasyon na bibigyan ng pagkakataon ang mga pangunahing tauhan na makita ang sarili mula sa labas, gaya ng pagtataksil ni Betsy, matalik na kaibigan ni Lianne. May mga isinama ring tauhan na labas sa nakasanayan o bumabasag sa mga stereotype (gaya ng anak ni Gary na nauunawaan siya o ng isang macho dancer na virgin na naniniwala sa dalisay na pagmamahal) na nakatulong din sa mga pangunahing tauhan at sa kabuuang layunin ng pelikulang unawain at maniwala sa pag-ibig nina Gary at Felix.

Ang pelikulang Ang Dalawang Mrs. Reyes ay sinulat ni Jun Lana at Elmer Gatchalian at dinirehe ni Jun Lana.

[ultimate_spacer height=”50″]
Sa tatlong pelikula, komun ang pagiging nakaririwasa sa buhay ng mga tauhan, mas mataas pa nga kaysa panggitnang uri, kung kaya’t posible sa mga tauhan ang mga eksenang biyahe, bakasyon, pagbili o may mga ari-arian, at iba pa. Nakakasabik isipin kung ang mga gumagawa ng pelikula ay maisipan namang ilugar ang mga kwento tulad ng tatlo sa itaas sa buhay ng mas nakararaming ordinaryong Pilipino o ang mga masa at kung paano rin lalabas ang kanilang pagkamalikhain. Baka mas marami ring makaramdam ng ugnayan sa mga pelikulang ito, na lagi’t lagi nama’y matuturing na benepisyo o bentahe ng isang pelikula.
[ultimate_spacer height=”30″]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here