Kung sabihin ninyo na ako

Ang nagkulang

Eh sorry!

Ginawa ko ang lahat ko

Kung ang lahat ko ay kulang pa

Patawad po!

‘Yun lang talaga ang kaya ko.

Sorry—salitang madali at mahirap sabihin.

Tulad ng binaggit ng ating Pangulo noong Setyembre 8, 2021, sorry ang naging makapangyarihang sagot mula sa kanyang bibig sa gitna ng patuloy na paghihirap nating makaagapay sa pandemya at sa patong-patong na isyu ng kanyang pamamahala.

Ano nga ba ang kasalanan mo?

Ginagamit ang salitang sorry o paumanhin sa mga pagkakataong nakagawa ng hindi  kanais-nais sa isang indibidwal. Maaari itong porma ng respeto at pagkilala sa kamaliang nagawa. Sa kaso ng ating Pangulo at kanyang gabinete, hindi sapat ang sorry na walang pag-ako sa kasalanan at pananagutan para sa mga ito.

Kailangang may managot sa kapabayaan at iba pang pagkakasala sa bayan. Hindi uubra ang sorry sa mga kababayan nating binawian ng buhay dahil sa kawalang plano at malinaw na aksyon laban sa pandemya.

Malaking kasalanan din ng pamahalaan ang mga maanomalyang transakyon sa pagitan ng mga kumpanya at personalidad na malapit sa Pangulo. Hindi sapat ang sorry sa mga maanomalyang transaksyon sa mga kagamitan sa pandemya na maaaring naglagay sa kapahamakan o nagdulot ng kamatayan sa mga manggagawang pangkalusugan.

Kasumpa-sumpang kasalanan din ang mga matatabil na pahayag mula sa bibig ng Pangulo hanggang sa kanyang mga opisyales, patunay lamang ang kasabihang kung ano ang puno, siyang bunga. Hindi sapat ang sorry sa kabastusan ng mga salitang kanilang binibitawan. Hindi na halos maitala ang haba ng listahan sa mga namatay, pinapatay, at patuloy na nawawala sa administrasyong ito, bukod pa sa mga tanim-ebidensyang ipinapakalat sa mga diumano’y makakaliwang grupo.

Kung bilangan lang ng kasalanan, walang tatalo sa administrasyong ito. Sanay sila sa pagkakasala. Nasa sistema nila ang kasalanan. Kakambal nila ang pagkakamali at pagkakasala na taumbayan ang pumapasan at nagsasakripisyo.

Bakit kasi ‘yun lang ang kaya mo?

May higit na hakbang ang pwede mong gawin para sa bayan bukod sa paghingi ng sorry, ang bumaba sa pwesto sampu ng iyong gabinete. Sa talamak na anomalyang nagpapakita lamang ng paggamit sa pwesto para mapalusot ang mga ito, malinaw na walang ibang makapagpapanatag sa sambayanan kundi ang pag-alis sa posisyon ng mga nagkasala.

Uso sa ibang bansa na kapag hindi maayos ang kanilang naging palakad ay agad na bumababa sa pwesto ang mga opisyal. Bakit nga ba hindi uso rito at kapit-tuko ang mga pwesto? Kilala pa man ding kaugalian ng mga Pilipino ang delicadeza, pero paulit-ulit na pinapakita sa atin ng mga pulitiko sa bayan na ito ang kawalan nila nito.  

Hinihintay ng bayan ang asal-Pangulo at hindi asal kalsadang mga patakaran. Marami pang dapat gawin sa panahon ng krisis pangkalusugan, walang panahon ang dapat maaksaya dahil buhay at kabuhayan ng bawat Pilipino ang nakasalalay sa bawat kilos ng pamahalaan.

Marami pang dapat kayang gawin ang gobyernong ito. Kaya nilang dagdagan at agarang ipagkaloob ang naantalang benepisyo ng mga manggagawang medikal. Kaya nilang silipin at panagutin ang mga sangkot sa anumalya sa paggamit ng pondo ng bayan sa iba’t ibang ahensya. Kaya nilang bumili ng maraming bakuna at masiguro ang supply nito sa buong bansa. Kaya nilang alalayan ang mga nawalan ng trabaho na patuloy na nilalamon ng kahirapan bunsod ng pinakamahabang lockdown sa kasaysayan ng mga bansa.

Lahat ito ay kaya kung may maayos na pamamahala at tapat na lider ang bansa, sa kaso ng Pilipinas wala ang mga nabanggit.

Oks na ba sa atin ang sorry?

Walang puwang ang sorry sa panahong alanganin at nakataya ang buhay ng bawat isa.

Walang espasyo ang sorry sa bayang hikahos sa kahirapan, kawalang ayuda, bagsak na ekonomiya, malalang kaso ng hawaan sa virus, pagyurak sa karapatang pantao at iba pa.

Ang sorry ng Pangulo ay hindi katanggap-tanggap at hindi kailanman magiging sagot sa kasalanang kanyang patuloy at paulit-ulit na ginagawa. Magiging sapat ang sorry kung mapananagot ang mga may sala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here