Pagpapaingay at pagtanggal ng mga tabing ng Kawasaki Motors, tangka para pigilan ang welga

0
594

Simula unang araw ng putok ng welga ng mga manggagawa ng Kawasaki Motors Philippines Corporation (KMPC), sinabayan ito ng pamunuan ng pagpapaingay rin mismo sa tarangkahan ng planta sa Muntinlupa City.

Ikatlong araw na ngayon ng welga ng mga manggagawa ng KMPC sa pangunguna ng Kawasaki United Labor Union (KULU). Ayon kay Richard Balberan, pangulo ng KULU, nakababastos ang ginagawa ng pamunuan at nagpapakita lamang na hindi ito sinsero para pakinggan ang hinaing ng mga manggagawa para sa dagdag sahod at benepisyo.

Agosto 2024 nang humantong sa deadlock ang collective baragaining agreement (CBA) negotiation ng KULU at ng pamunuan ng Kawasaki. Mula noon, nagkaroon pa ng serye ng mga pag-uusap ngunit hindi kinilala ng pamunuan ang datos na nakalap ng KULU partikular sa hustipikasyon ng pangangailangan ng umento sa sahod.

Ani Balberan, 0.86% o P37 milyon mula sa kita ng Kawasaki lamang ang hinihingi ng mga manggagawa para sa dagdag sahod. Aniya, maliit lamang itong bahagdan sa kinikita ng kumpanya mula rin sa lakas-paggawa na binibigay ng mga manggagawa at unyonista.

Bukod pa sa pagpapaingay gamit ang speaker, nagtabas din ang pamunuan ng ilang sanga ng mga puno sa labas ng planta kung saan nakapiket ang mga manggagawa. Ayon sa KULU, pagtatangka ito para buwagin ang kanilang mga isinabit na balatengga at gamit-panabing sa init ng panahon.

“Pagpapakita lamang ito kung gaano kawalang puso ang management sa empleyado nito,” pahayag ng KULU.

Gayumnapan, hindi ito balakid para sa mga manggagawang nakapiket sa kabila ng matinding init at usok na kanilang nararanasan. Anila, ito ay maliit lamang na sakripisyo lamang kung para sa ipagtatagumpay ng kanilang lehitimong panawagan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here