Batid na sa bawat paglulunsad ng kilusang welga ang direktang epekto nito sa produksyon dahil sa layuning itigil ang paggawa bilang anyo ng protesta. Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami ang iba’t ibang anyo ng welgang ikinakasa ng mga mamamayan, partikular sa hanay ng mga manggagawa sa pabrika, paaralan, at maging sa sektor ng transportasyon.
Noong Marso 20, inanunsyo ng grupong Manibela ang kanilang tatlong araw na tigil-pasada kaugnay sa nagpapatuloy na laban kontra sa depektibo at palpak na implementasyon ng Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala bilang PUVMP.
Hanggang ngayon kasi ay tila mas inuuna pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapakita ng dami umano ng mga tsuper na sumasailalim sa konsolidasyon kaysa sa pagbibigay ng malinaw na datos tungkol sa route rationalization plan, lalo na sa National Capital Region. Mas binibigyang-diin ang mala-PR stint na pagpapalabas na epektibo ang franchise consolidation sa ilalim ng PTMP habang wala pa ring konkretong impormasyon kung paano aayusin ang mga ruta. Kung tutuusin, ito ang mas kailangang ipaliwanag at pagtuunan ng pansin ng LTFRB, labas pa nga ito ang itinutulak nilang modernisasyon ng jeep na nagkakahalagang P2.8 hanggang P3 milyon.
Sa kabila ng mga panawagang ito, makikita rin kung paano ito tinutugunan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga paaralan. Muli na naman kasing naging tugon ng ilang paaralan ang pagkansela ng klase na para bang akmang solusyon sa pangunahing problema ng mga tsuper at ng transportasyon sa pangkalahatan.
Hindi rin maitatanggi na maraming estudyante ang mas gustong kanselahin ang pasok para sa kanilang kaginhawaan. Bagamat kinikilala natin ang epekto ng tigil-pasada sa transportasyon, kailangang suriin nang mas malalim kung saan nakabatay ang ganitong panawagan. Matagal na ring ipinaglaban ng mga estudyante ang kanilang pagbabalik sa face-to-face classes matapos ang mahabang panahon ng distance learning noong kasagsagan ng pandemya na nagdulot ng mas mababang kalidad ng edukasyon, mas lumalawak na learning gap, at paglala ng educational inequality, lalo na sa hanay ng mga maralita. Kung ganito ang konteksto, bakit sa mga ganitong pagkakataon ay agad na nananawagan ng kanselasyon ng klase sa halip na pagtuunan ng pansin ang ugat ng isyu—ang kapalpakan ng transport modernization program at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga tsuper?
Hindi kailanman layunin ng tigil-pasada na maging hadlang sa edukasyon ng mga estudyante. Ang pagkansela ng klase ay hindi isang kinakailangang epekto ng welga kundi isang hindi sapat na tugon mula sa mga paaralan at pamahalaan sa harap ng mas malalim na krisis sa transportasyon. Ito mismo ang gusto ng mga kapitalista at ng gobyernong walang pananagutan: ang ipitin ang mga maralitang sektor at pagbanggain ang mga ito dahil sa hindi nila inaaksyunan ang tunay na ugat ng suliranin na pumipinsala sa kabuhayan ng mga tsuper at operator. At para sa mga estudyante, bakit nila gugustuhing magkansela ng pasok gayong karapatan ng mga kabataan ang kanilang edukasyon?
Sa halip na hayaang manatiling hiwalay ang interes ng mga estudyante at mga manggagawa sa transportasyon, dapat mas palawakin pa ng mga paaralan, maging ng mga representante ng mga estudyante, ang pagbibigay ng konteksto sa mga usaping panlipunan. Hindi dapat magtapos ang diskurso sa pagitan lang ng kanselasyon o hindi ng klase kundi sa mas malalim na pagsusuri kung paano makakalahok ang mga estudyante sa pagtugon sa krisis sa transportasyon.
Dapat ding maging mas maalam ang mga paaralan sa tunay na sitwasyon ng kanilang mga estudyante. Mayroon ba silang datos tungkol sa socio-economic class ng kanilang mga mag-aaral? Alam ba nila kung aling mga ruta ang pinakamatinding maaapektuhan ng transport strike? Ito ang mahahalagang impormasyong dapat malaman maging ng mga estudyante sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon, tulad ng konseho at mga publikasyon, upang makabuo ng mas siyentipikong pagsusuri at resolusyon.
Sa halip na paulit-ulit na tugon ang pagkansela ng klase tuwing may tigil-pasada, dapat maglatag ng mas kongkretong solusyon ang mga paaralan at lokal na pamahalaan para tiyakin ang ligtas at maayos na transportasyon ng mga estudyante, habang kinikilala ang makatarungang laban ng transport sector. Hindi dapat ibagsak ang buong pasanin sa pagitan lamang ng tsuper at pasahero dahil isang malawakang pambansang usapin ang krisis sa pampublikong transportasyon.
Sa huli, hindi simpleng tanong kung dapat bang magkansela ng pasok. Mas wastong pagkunutan ng noo at suriin kung bakit nga ba nangyayari ang mga ito. Totoo na layunin ng mga welga ang pagtigil ng produksyon bilang tugon sa pagsasamantala sa interes ng mga tsuper, pero hindi nito intensyon ang paghadlang sa karapatan sa edukasyon ng mga estudyante. Ang mas mahalagang usapin pa ay paano natin maipapakita ang ating pakikiisa sa laban ng tsuper upang tiyakin ang mas makatarungan at abot-kayang pampublikong transportasyon sa bansa. Kung kaya, marapat lamang na magsuri nang mas malalim sa paglalatag ng wasto, makatarungan, at makabuluhang tugon sa ganitong mga usapin.