Bago tamaan ng kidlat. Mula sa pelikulang Kidlat (1989) ni Joey Agbayani.

Palagi’t palagi, pagbangga.

Hangganan at kumbensyon ang tinitingnan sa pelikula upang ilapat ito sa kategoryang kabibilangan tulad ng dokumentaryo o naratibo, at ang lahat sa labas ng mga kahong ito ay experimental.

Sa naganap na UPFI Expe Film Fest nitong Oktubre 7-12, muling inugat ang kasaysayan ng pelikulang experimental sa Pilipinas at kung paano itong namunga sa nagdaang mga taon hanggang sa kasalukuyan. Napanood din sa festival ang ilang tampok na mga obra mula sa higit tatlumpung taon ng paggawa nito na nagsimula sa noon ay UP Film Center at ngayon ay UP Film Institute (UPFI).

Liban sa pormang kumakawala sa estilo at estetikang nakasanayan sa pelikulang industriyal o mainstream, noon pa man ay naging lunan na ng mga temang mapag-aklas ang mga pelikulang experimental sa bansa. Ilan sa mga napanood sa UPFI Expe Film Fest na tulad nito ang The Great Smoke (1985) ni Roxlee, Botika-bituka (1987) ni Cesar Hernando, Kidlat (1989) ni Joey Agbayani, at isa sa mga relatibong kamakailan lang, ang Red Saga (2004) ni Kiri Dalena.

Kabilang sa mga nilikha sa panahong ligalig ang naunang tatlong pelikulang nabanggit. Panahong bagamat inialis na ng dating diktador na si Ferdinand Marcos ang batas militar, nagpatuloy naman ang kanyang pamumuno, at hanggang sa yugto matapos ang pagpapatalsik sa diktador kung saan muling sinubukan ng bansa ang pagtatatag ng demokrasya. May dahas at talim ang nasabing mga pelikula—giyerang nukleyar sa pelikulang animation ni Roxlee; tongue-twister naman hanggang sa mga bituka ng pinaslang sa pelikula ni Hernando, at pamamahayag at katotohanan sa pelikula ni Agbayani.

Proseso at tensyon sa paglikha. Nakipagtalakayan ang ilan sa mga natatanging experimental filmmaker at edukador sa bansa kaugnay sa kanilang pamemelikula at pananaw sa pag-eexperimento.

Materyalidad ng panahon ang isa sa mga kinilalang humubog sa kilusang pampelikulang ito. Sa pananalita ni Eli Guieb III, isa sa mga experimental filmmaker na naging bahagi ng mga unang workshop sa bansa at propesor sa UP Department of Broadcast Communication, may panahong inabandona maging ang usapin ng kategorya sa pelikula. Ibinahagi niya sa naging forum na Hybrid Forms: Experimental Cinema and Other Cinematic/Artistic Forms noong Oktubre 9:

 “There was a time we abandoned categories. Experimental filmmakers were not against straight documentarists like Jo Cuaresma, like Joey Clemente. We may not be expressing the same  language of film, but we were expressing the same sentiments for our country, for our nation. It was an abandonment of categories because we were pursuing social justice.”

Nananatili ang diwa ng ganitong pamemelikula sa Red Saga ni Kiri Dalena kung saan tampok ang nagpapatuloy na digmang bayan sa bansa. Dynamic ang mga kuha at dialectical ang ugnayan ng mga imahe na mahigpit na umuugnay sa lebel na ideolohikal ng kilusang naglalayon ng kalayaan sa kasalukuyang panahon. Madalas, sa mga dokumentaryo natatalakay itong tema ng isang nagpapatuloy na rebolusyon pero sa tulad nitong pelikulang experimental, naihahawan ang kategorya ng pelikulang nagsusulong ng hustisyang panlipunan anuman ang direksyong pampelikula.

Sa pangunguna ni Prop. Nick Deocampo bilang Festival Director ng UPFI Expe Film Fest, itinanghal ang kalipunan ng piling experimental films mula sa higit tatlumpung taon ng paggawa nito sa bansa. Bahagi din si Deocampo ng paglulunsad ng mga naunang workshop ng pelikulang experimental sa bansa at film festivals na unang nagtanghal nito sa Pilipinas, ang Independent Film & Video Festival.

Sa parehong forum, kinilala naman ni Patrick Campos, propesor at direktor ng UPFI, na sa pelikulang experimental nakikita ang posibilidad ng pamemelikula, at kung ano pa ang kasunod. Sinusugan naman ito ng pahayag ni Sari Dalena, propesor sa UPFI at filmmaker kung saan nakikita niyang susi sa pag-unlad ng pelikula ang pag-eeksperimento:

Tensions in all forms are creative, is always good. Otherwise the art dies.

Higit sa hamon ng panibagong anyo sa pelikulang experimental, ay ang hamon ng pagiging matalas at kabahagi ng kasaysayan. Kadalasang nililikha sa paaralan at sa nagsasariling moda ng produksyon, may laya itong maging tunay na alternatibong sine. Sa muling pagtanaw sa higit sa tatlumpung taon nito, ipinaglaban ng programa na may kasaysayan ang sine na higit sa kasaysayan ng komersyal at industriyal na nangingibabaw sa naratibo ng pamemelikula sa bansa.

Panahon ng rebolusyon. Pambungad na mensahe ni Prop. Nick Deocampo sa magazine na inilathala para sa Independent Film & Video Festival.

Liban sa pagtuklas, maligalig na panonood sa panahon ng ligalig—sa pagbalikwas sa kumbensyon, hinihingi ng ganitong sine ang aktibong pag-unawa o pakikisangkot sa mga imahe, tunog, at paggalaw nito. Tulad ng pag-aaklas, ito ay hindi pahinga.

Palaging nagtatanong ang pelikulang eksperimental mula sa kung nasaan ito ngayon sa kung saan ito papunta. Marahil sa ganitong panahon, higit na kailangan ang pagpapatuloy nito para itanghal sa atin ang mga posibilidad na higit sa kasalukuyan, sa pelikula at sa lipunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here