Ngayong Oktubre 5, sabay-sabay na ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro na may temang “Teachers: Leading in Crisis, Reimagining the Future”.

Kasabay din ito ng unang araw ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at hayskul, maging sa ilang kolehiyo, matapos ang lampas kalahating taong suspensyon ng klase dahil sa pandemya at lockdown.

Guro sa Gitna ng Krisis Pang-edukasyon:

Para sa ibang guro, may bigat at pag-aalala ang paglipat sa online platforms para maipagpatuloy ang pagkatuto. May mga paaralang nagsara dahil sa maliit na bilang ng enrollment, kaya’t maraming guro ang nawalan ng trabaho sa gitna ng krisis. May mga ilang guro rin ang nawalan ng benepisyo dahil sa set-up na work from home, kahit sa katunayan mas tumaas ang gastusin sa kuryente at dagdag pa ang pagpasan sa ilang gadget na kakailanganin sa pagtuturo. Sa paglipat ng mga guro sa kani-kanilang tahanan bilang lunan ng kaalaman, hindi maiaalis ang problemang kinakaharap sa pagganap bilang isang guro at taong bahay.

Pinalala ng krisis pangkalusugan ang kalagayan ng sektor ng edukasyon. Sinubok nito ang matagal nang problemang hindi nabibigyang pansin, kabilang na rito ang pagpapataas sa kalidad ng pasilidad, pondo sa pagsasanay sa guro, pagpapatayo ng maraming silid, makataong benepisyo para sa guro at marami pang iba. Nilalabanan din ng mga guro ang kani-kanilang krisis sa buhay mula sa personal hanggang sosyo-ekonomikong kalagayan sa buhay nang buong tapang habang nananatili sa kanyang sinumpaang tungkulin.

Nagbago man ang espasyo sa pagtuturo, hindi man chalk at marker ang hawak namin ngayon, hindi man aktwal na mukha ang aming nakikita at mag-iba man ang pamamaraan sa pagtuturo. Hindi magbabago ang panata ng bawat guro, na huwag sukuan ang pag-asa ng bayan sa kabila nang kawalang malasakit ng gobyerno sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Guro Bilang Frontliner sa Pandemya:

Walang iwanan, walang batang Pilipino ang dapat maiwan. Sa pasya ng pamahalaang ipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, maraming mag-aaral at pamilya nito ang pinuno ng kaba at pag-aalala para maitawid ang new normal sa pag-aaral. Ngunit hingit ang pag-iisip, pagmamalasakit at pag-aalala ng mga guro, sinuong ng karamihan ang pagsusulat ng module, pagharap at paghahanap ng mga libreng online training para sa pagbubuo ng materyales pangturo, pangangalap ng mga papel para sa printing hanggang sa paghahatid ng mga printed modules sa mga mag-aaral. Ilan lamang ito sa mga sakripisyo ng mga guro na bihirang naitatala at kinikilala.

Sa kabila ng panatang walang iwanan, tila isang frontliner na inabandona ng pamahalaan sa kaniyang pangangailangan ang mga guro. Limitado at minsan pa ay walang akses sa personal protective gear ang mga gurong inutusang magbalik-eskwela. Wala ring maayos na health benefits sa pagkakataong magkaroon ng sakit na COVID-19 habang gumaganap ng kanyang tungkulin.

Guro Bilang Ordinaryo at Hindi Extra-Ordinaryo:

Palaging inaasahan na maging matatag at walang pagod ang mga guro bilang pangalawang magulang. Sa katotohanan nakararamdam ng pagod at depresyon din ang mga guro. May kani-kanilang karanasan at pinagdaraanan ang bawat guro na kailangang pakinggan at masolusyunan. Sa panahong lahat ay nangangailangang mapakinggan, nawa’y hindi makalimutan ang propesyong madalas nakikinig sa mga hinaing ng mag-aaral at magulang. Ordinaryong tao rin ang guro na gumagawa ng extra-ordinaryong gawain sa panahong ito. Bilang ordinaryo, hindi dapat ihiwalay ang danas ng mga guro sa danas ng mamamayan at lipunan. Bilang ordinaryo nawa’y kinikilala rin ang kahinaan at limitasyon ng isang guro.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here