Umiiyak ako nung huli tayong magkita.
Isang araw na ‘di ko na maalala ang taon at petsa. Paakyat ako sa Vinzons Hall noon, tapos na ang aking mga klase sa araw na iyon. Ilang minuto na lang ay dadalo ako sa isang pulong ukol sa pinakahuling kampanyang ilulunsad laban sa budget cut. Tulad ng lagi’t lagi sa akin ay lumulutang sa isip ko ang mga tinatanaw kong matupad sa isa na namang araw ng mga pampulitikang gawain. Sa aking sarili, tiyak ako sa aking mga gagawin bawat araw.
Tinawag mo ako. May galak sa boses mo, kung kaya’t inahon ko ang aking diwa tungo sa noo’y kasalukuyan. Nung nakita kita, doon ko lang natanto ang pinanggalingan ng boses na tumawag sa pangalan ko. Nung natanto ko na ikaw iyon, sumabog ‘yung luha ko. Hanggang ngayon ‘di ko pa rin mapaliwanag pero sumabog ‘yung luha ko at hindi na ako nakaisip at nakasalita ng maayos matapos no’n. Hindi lang siguro iisang tao ang makakapagsabing mas madalas akong artikulado kaysa hindi. Liban nga lang din sa mga sandaling iyon.
Pero masaya ka pa rin. Parang paglipas ng bawat segundong magkaharap tayo ay mas lumalapad ang ngiti mo. Tuwang-tuwa ka lang sigurong makita ako kasi hindi mo agad pinansin ang mga luha ko. Hinihintay mo akong magsalita pero inuutal ako ng mga luha ko. Hanggang sa tinanong mo, “bakit ka ba umiiyak?” Parang nakagaan sa akin ang tanong na ito sapagkat sa wakas nakasagot ako. Ang tanging naisagot ko, “kasi nandun ka na, tapos nandito pa rin ako.”
Hindi man lang tayo nagsimula sa karaniwang yakap at kumusta.
Siguro hindi naman kasi karaniwan ang pinagsimulan at pinagsaluhan natin para magsimula pa sa karaniwang panimula sa muling pagkikita. Malayong karaniwan, sapagka’t sa murang edad natin ay inunawa at niyakap natin ang higit sa akala nating kaya nating unawain at yakapin. Mula sa isang gabi sa ilalim ng bituin na nakaupo sa dalisdis ng isang papalubog na hardin, noong ibinukas sa ating ipaglaban ang karapatan, lupa, edukasyon, trahaho at sahod ng mga kabataan. Taong 1999 iyon. Iyong unang rally na pinuntahan natin para sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa siyento-beinte-singko across-the-board nationwide na nakauniporme tayo kasi maaga tayong umalis ng paaralan. Iyon pala yung rally na inilunsad ang kampanyang iyon na tumagal ng halos isang dekada at naging panandang bato ng aking pagkamulat. Sa pag-aaral ng Maikling Kurso ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa isang piketlayn sa Maynila. Sa pag-aaral ng Araling Aktibista sa isang komunidad sa tabi ng riles ng tren, kung saan ako unang beses nakasakay ng trolley. Iyong nag-cutting class tayo para mag-aral ng hakbang hakbang na pag-oorganisa. Iyong selebrasyon ng unang anibersaryo ng pangmasang organisasyon natin na naging unang pagkakataong umuwi ako ng halos hatinggabi na. Nagsimula tayo sa isang chapter ng pangmasang organisasyon hanggang sa sumunod na school year ay nakapagtayo na tayo ng chapter sa kada seksyon sa ating year level. Ibig sabihin, may 11 miyembro sa loob na hindi lalampas sa 30 estudyante kada seksyon. Ikaw yung Chair ng chapter natin, ako naman ang pumangalawa sa iyo. Iyong unang beses tayong nagsalita sa rally, isang Pebrero 14 na budget cut rally, na naghati tayo kasi hindi kaya ng loob kong magsalita mag-isa at napanood tayo sa TV Patrol. Nag-organisa rin tayo ng mga kabataan sa komunidad, tinulungan natin sila sa kanilang pagrerebyu at bumuo rin tayo ng pangkulturang organisasyon. Hanggang sa paglulunsad ng maraming kampanya sa loob ng paaralan at ang malakihang pagpapakilos sa pagpapatalsik ng isang tiwaling pangulo. Sa pag-walkout sa paaralan para makadalo sa isang protesta sa State of the Nation Address ni Erap hanggang sa ipatawag ang mga magulang ng mga “pinaghihinalaang miyembro” ng organisasyon natin, pinakausap sa guidance counselor, pinulong ng principal, pinagbantaan na mawawalan tayo ng Certificate of Good Conduct at hindi makaka-apply sa kolehiyo, pinagbantaan na masususpindi at hindi makakapagtapos with honors kahit pa sumampa ang mga grado natin sa kinakailangan para makamit iyong karangalan. Hindi tayo nakaranas ng JS Prom—kasi hindi inaprubahan ng admin ang plano ng student council sa prom kesyo may krisis daw at aktibista naman tayo, bakit pa tayo magpo-prom. Hindi na natin iyon ininda. Dahil ilang linggo lang matapos nating malamang walang prom, dumagsa na ang mamamayan sa EDSA noong Enero 2001. Ilang araw tayong naglakad at nanghikayat ng mga sasama mula sa paaralan hanggang sa dambanang iyon. Hindi na tayo pinigilan noon ng admin o pinagbantaan, hinayaan nila tayong lumiban ng mga klase, bagamat sila ay nasa paaralan lang. Nasa Legarda tayo noong napababa si Erap at na-snatch ang una kong cellphone, isang Nokia 5110. Ang bilis natin nasaksihan kung paanong masa nga ang lumilikha ng kasaysayan. Kaya hindi na rin malayo’t inasam nating maging mga Pulang Mandirigma, sa gitna ng ating pagdadalaga (puberty). Kasaysayan at kalakaran lang ang itinuturo sa atin sa Araling Panlipunan sa loob ng silid-paaralan, pero pagbabago ng mundo ang ginagagap at isinasapraktika natin sa paaralan ng masa at lipunan. Sabay lang tayo nagsimula, pero sa pagkakataong iyon na muli tayong nagkita ay tiyak akong mas marami ka nang natutunan sa akin. Kasi nandun ka na, tapos nandito pa rin ako.
Matapos kang umalis nang hindi ko na nalaman kung kailan pa tayo magkikita o kung magkikita pa ba tayo, noong unang beses kang umalis, ang huling alaala ko pa sa’yo ay ang pamamaalam mo at pagsakay mo sa isang traysikel pauwi sa inyo, suot ang uniporme natin noong hayskul na kamukha ng uniporme ng mga saleslady ng SM na minsa’y sinamahan natin sa kanilang welga. Hindi iyon ‘yung huling araw mo rito pero hindi ka na rin dumalo ng ating graduation sa hayskul. Hindi mo na nasaksihan iyong lighting rally na dinaos namin sa ating pagtatapos ng hayskul, kung saan nagbitbit sa entablado ng isang malaking banner na “Paglingkuran ang Sambayanan.” Matapos kang umalis, ang kaya ko na lang asamin ay ang mabuting lagay mo bagamat bibihira kung makakabalita.
Ang pinag-aalala ko lang talaga lagi noon ay kung paano ka makakamuplahe sa pinuntahan mo. Madaling magkakaroon ng palatandaan sa iyo ang kaaway, mabilis kang magiging target. Kunsabagay, hindi lamang sa militar ang gawain ng hukbo, sabi mo nga, kundi pati pag-oorganisa, produksyon, at iba pa. Kasi ang puti-puti mo, walang mag-iisip na tagaroon ka. Kahit nga rito, namumukod ka sa marami. Pero hindi ka lang naman namumukod dahil sobrang puti mo, pero dahil sa husay, sinseridad at sa bitbit mong galak sa pagrerebolusyon. Parang nakakadagdag pa nga iyon ng liwanag sa kaputian mo.
Pangalawang bisita mo pa lang iyon nung nagkita tayo sa Vinzons Hall, sa pagkakaalam ko. Iyong unang beses kang bumaba ay pinabalik ka dahil hindi ka pa 18 taong gulang at bawal iyon at mahigpit na ipinatutupad ang pagbabawal na iyon. Sukat mang isang buwan na lang yata’t ‘di ka na menor de edad ay pinababa ka pa rin. Pinatapos mo lang ang kaarawan mo tapos bumalik ka na agad doon. Kung ako lang ang magpapalagay, ang imaheng nabuo ko sa isip ko sa inaasam mong pagbalik sa kanayunan ay matagal ka nang nakaimpake at umalis ka pagkapatak na pagkapatak ng kaarawan mo. Kasi ganun ka kapursigido. Ganoon ka kasigurado.
Tanggap ko naman ang bagay na tanggap mo na bago ka pa umalis. At ang bagay na tanggap na ng marami sa atin nang lumaon tayo sa pagtahak ng landas na pinili natin. Tanggap na naming mga naiwan dito na isang araw makakatanggap kami ng balita, sulat o text na nagsasabing wala ka na. Pero nung hinagilap na ako nung isa pa nating malapit na kaibigan para ibalita ang pagpanaw mo, ang hirap lang din talagang tanggapin.
Hindi ko na kasi nabago ‘yung huli kong nasabi sa’yo, para wala nang nandoon na at nandito pa, para magkakatulad na tayo ng kinikilusan gaya noong simula. Pero nakakapagpalubag na sa loob ko ngayon ang sinagot mo noong sinabi kong “kasi nandun ka na, tapos nandito pa rin ako.” Sabi mo, “balita ko nagpatuloy ka, sabi nila mahusay ang trabaho mo rito, kaya hindi ka dapat umiyak.”
Natapos lang ang tagpong iyon sa pagitan natin kasi mahuhuli na ako sa pulong. Gusto sana nating magkita pa, pero hindi mo tiyak kung hanggang kailan ka pa nandito. Bukas, sa makalawa o sa katapusan ng linggo ay babalik ka na doon. Tanggap na natin sa hinagap na maaaring magkikita pa tayo sa dalaw mong ito o sa susunod na dalaw na ilang taon muli ang lilipas o baka hindi na.
Dahil sa kapasyahan mo, tiyak ako sa aking mga gagawin bawat araw. Dahil sa kasikhayan mo, naging mahirap para sa akin ang maging pangkaraniwan o gumawa ng katamtaman. Dahil sa pag-aalay mo, mas pasakit sa aking isipin ang mabuhay sa “normal” na paraan kaysa sa buhay na puno man ng sakripisyo ay puno rin ng taus-pusong paglilingkod sa bayan. Dahil sa pagmamartir mo, naaalala ko sa bawat pinagdadaanang tunggalian, sakripisyo at hirap na hindi ko nanaisin kailanman na magkaroon ng pagitan sa aking pagsisilbi sa bayan at sa aking paglisan sa mundong ito.
Iiyak pa rin ako tuwing may isa pang tulad mong magmamartir at maaalala ko ang katulad na pag-aalay na ginawa mo. Titigil din ako sa pag-iyak sapagkat kailangan nang magpatuloy at magpakahusay.
Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

























