Ngayong Pebrero 25, nagmartsa ang mga grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) papuntang EDSA Shrine para gunitain ang makasaysayang pag-aalsa ng mamamayan.

Ang EDSA Shrine ang naging pangunahing pinaglunsaran ng programa sa mga popular na pag-aalsa ng mamamayan para patalsikin ang mga Pangulong Ferdinand Marcos at Joseph Estrada sa tinaguriang People Power I at People Power II.

“Ang komemorasyon ngayon ay panandang bato una, para kilalanin ang kabayanihan ng taumbayan na nagkaisa noong 1986. Pangalawa, para igiit na kailangan ang ating pakikibaka ay magpatuloy,” ani Bonifacio Ilagan, isang beteranong aktibista at bahagi ng nagbuo ng Campaign Against the Return of the Marcoses in Malacañang (CARMMA).

Ayon pa kay Ilagan, totoo ngang napatalsik ang diktadurya sa pamamagitan ng pag-aalsa ng taumbayan ngunit bumalik lang umano sa dating kaayusan ang bansa.

“Ang EDSA 1986 ay nabigo sa pagbibigay ng tunay na pagbabago,” sabi ni Ilagan.

Nagpapatuloy na pasismo

Sa talumpati ni Raymond Palatino, Tagapangulo ng Bagong Alyansang Makbayan (BAYAN) Metro Manila, binaybay niya ang mga ‘pasistang’ palisiya ng mga nagdaang mga administrasyon mula nang mapatalsik si Marcos.

Ayon kay Palatino sa panahon ni Corazon Aquino ay ipinatupad niya ang palisiyang ‘Low Intensity Conflict’ at lumaganap ang mga paramilitar at armadong vigilante. Samantala, noong 1992 naman ay isa sa mga arkitekto umano ng Batas Militar na si Fidel Ramos ang naging pangulo. “Total War” na palisiya naman umano ang ipinatupad ni Joseph Estrada at “War on Terror” naman kay Gloria Macapagal-Arroyo. Sa panahon naman ni Noynoy Aquino sa ilalim ng Oplan Bayanihan, nagpatuloy umano ang mga pag-aresto, pagdukot at pagpatay sa mga aktibista at hinihinalang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.

“Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, nagpatuloy ang marahas na polisiya ng estado. Sa halip na bigyan ng solusyon ang mga pundamental na problema ng ating bayan, ang kanyang ginagawa ay supilin ang karapatan ng mamamayan,” ayon kay Palatino.

Sabi pa ni Palatino ay umasa sila ng pagbabago sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit hindi pa nila ito maramdaman.

“Mula nang madeklara ang all out war, lumala ang paglabag sa mga karapatang pantao. Sa totoo lang po, ang ginegera ng mga sundalo ay ang mga ordinaryong sibilyan sa ating bayan,” pahayag ni Palatino.

Ayon sa tala ng Karapatan, mula nang iatras ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nakapagtala na sila ng siyam na pampulitkang pamamaslang. Karamihan sa mga biktima ng pampulitkang pamamaslang ay mga magsasaka at katutubo na militar at paramilitar ang pinaghihinalaang pumaslang.

Mula Hulyo 2016 nang magsimula ang termino ni Duterte, nakapagtala na ng 32 bitima ng pampulitkang pamamaslang at 30 bilanggong pulitikal.

Maliban pa rito ay umaabot na sa mahigit 7,000 ang napapatay na may kinalaman sa gera kontra droga na administrasyong Duterte.

Sa mamamayan ang pag-asa

Sa talumpati ng Pangkalahatang Kalihim ng BAYAN na si Renato Reyes, pinahayag niyang wala na umanong maaasahan sa mga nasa kapangyarihan.

“Kanino tayo aasa? Umasa tayo sa mamamayan, sa paglaban ng karaniwang tao. Iyan ang aral ng EDSA. Laya nga sa edsa dapat ang bida ay taumbayan…ang mamamayang Pilipino ang tunay na bayani,” pahayag ni Reyes.

Marami na umanong napakong pangako ang kasalukuyang administrasyon kaya’t nanawagan siya na dapat ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Noong Enero 19-25 ay matagumpay na natapos sa Rome, Italy ang ikatlong round ng usapang pangkapayaan. Pangunahing nilaman ng pag-uusap ay ang pagbabalangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Panahon pa ni Corazon Aquino, o matapos ang Batas Militar, nagsimula ang negosasyong pangkapayapaan para matugunan ang sinasabing ugat ng armadong labanan o gera sibil sa bayan. Sa termino na ni Pangulong Duterte naisalang sa usapan ang CASER na maaaring tumugon sa batayang pangangailangan ng mamamayan katulad ng lupa at agrikultural na pag-unlad, pagtatayo ng mga industriya, at serbisyong panlipunan.

BASAHIN: Why there should be peace talks

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here