Inulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre 7 na bumaba sa 3.1 milyon ang bilang ng walang trabaho sa buwan ng Hulyo, kumpara sa 4.6 milyon na inulat nito noong buwan ng Abril ngayong taon.
“Talagang nakita lang na maraming nagkaroon ng trabaho kaya’t bumaba ang ating unemployment rate sa 6.9% nitong July. Compared sa 8.7% noong Abril, and the past months, nasa 7.7% tayo so talagang marami naman ang nakahanap ng trabaho,” ani PSA National Statistician and Civil Registrat General Undersecretary Dennis Mapa.
Ang tantos ng walang trabaho noong Abril 2021 ang pinakamalaking bilang ng walang trabaho ngayong taon.
Ang tantos ng walang trabaho noong Hulyo 2021 ay isa naman sa pinakamababa mula Abril 2020 o nang kasisimula pa lang ng lokal na transmisyon ng pandemya at lockdown sa bansa. Umabot sa 17.6% ang tantos ng walang trabaho noong Abril 2020.
Kabilang ang mga sektor ng serbisyong administratibo, konstruksyon, edukasyon, sining, entertainment at sektor ng propesyunal, siyentipiko at teknikal sa mga nagkaroon ng dagdag trabaho.
Nasa 93.1% ang kasalukuyang may trabaho sa labor force ng bansa, isa rin sa pinakamataas nang magsimula ang pandemya. Nasa 41.7 milyon ang bilang ng may trabaho nitong Hulyo 2021. Mas mababa ito ng 3.4 milyon sa bilang ng may trabaho noong Hunyo 2021, na tinatayang nasa 45.1 milyon.
Sa bilang na 41.7 milyong may trabaho, nasa 8.7 milyon naman ang underemployed o nasa 20.9% sa mga employed. Ito na ang pinakamataas na tantos ng underemployment nang magsimula ang pandemya.
Sa depinisyon ng PSA sa pagsasagawa ng Labor Force Survey nito kada tatlong buwan, ang kabilang sa labor force ay ang mga edad 15 pataas na may kontribusyon sa produksyon ng mga kalakal at serbisyo, kasama ang bilang ng mayroong trabaho (employed) at walang trabaho (unemployed).
Tinuturing na may trabaho o employed ang mga indibidwal na nasa trabaho, o may trabaho o negosyo o gumawa man lang ng kaunting trabaho, maging isang oras man lang sa loob ng panahon ng sarbey.
Ang underemployed naman ay ang mga nagtatrabaho nang mas mababa sa 40 oras sa isang linggo ngunit nagnanais na makapagdagdag ng oras ng trabaho o magkaroon ng dagdag trabaho or magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng pagtatrabaho.
Bagaman tumaas ang bilang ng may trabaho sa pagitan ng Abril hanggang Hulyo, sinabi ng PSA na mayroon namang nasa 1.8 milyon ang nawalan ng trabaho sa parehong panahon.
Kabilang sa mga nagbawas ng trabaho ang mga sektor ng agrikultura at forestry (1.7 milyon), pagmimina (47,000), kalakalan sa wholesale at retail (380,000).
Nasa sektor ng serbisyo ang pinakamaraming bilang ng may trabaho na aabot sa 57.9%, kasunod ang agrikultura na nasa 22.1%. Pinakamaliit ang nasa sektor na industriya na nasa 20%.
Dagdag pa ng PSA, mayroong 2 milyong indibidwal ang hindi na napabilang sa labor force dahil sa pandemya at kahirapang makahanap ng trabaho.
Bumaba sa 59.8% ang labor force participation rate (LFPR) nitong Hulyo 2021, pinakamababa sa taong 2021. Katumbas ang 59.8% ng 44.7 milyong indibidwal na mayroon o walang trabaho. Ang LFPR ang bilang ng kabuuang labor force sa kabuuang bilang ng mga nasa edad 15 pataas.