Ipinagdiriwang ng buong bansa ang Feast of Immaculate Concepcion of Mary bilang isang patron ng ating bansa. Hindi maitatangging matindi ang relasyon ng mga Pilipino sa kanyang pananampalataya. Madalas takbuhan ang simbahan at pagdarasal sa panahon ng suliranin at ligalig. Para tayong mga batang sumusumpong sa isang Ina sa tuwing nararanasan natin ang mga ito. Kinakausap at iniiyakan pa natin minsan ang ating Ina sa mga pagkakataong nawawalan tayo ng pag-asa.

Sa pamumuno ni Pangulong Duterte, tila nawala ang imahe ng isang ina sa bansa. Nakaramdam tayo ng pag-aabandona. Napundi ang ilaw ng bansa habang ang haligi ng bansa ay patuloy na nang-aabuso sa halip na magbigay proteksyon.

Ang Ina bilang sandigan.

Saan ba dapat humugot ng lakas ang sambayanan, hindi ba’t sa mga likod-bayan? Ngunit sa panahong ito, mahirap sumandig sa pamahalaang kulang sa prinsipyo at direksyon. Paano tayo sasandig sa pamahalaang walang matibay na pundasyon. Mahirap magtiwala sa lider na hindi kayang tumayo sa gitna ng krisis at pangangailangan ng bayan. Nasubok ang lahat sa nagdaang magkasunod na bagyo. Hinanap natin ang mga lingkod-bayan sa mga panahong ito dahil tayo ay wasak, tayo ay lugmok, tayo ay nasa dilim sa mga kaganapang ito.

Ang Ina bilang may malasakit.

Patuloy na tumataas ang mga namamatay sa panahon ng pandemya. Kulang sa malasakit para sa mga medical frontliners at ordinaryong mamamayan ang tahanang ito. Pasakit para sa kanila ang kawalang tugon sa kanilang mga panawagan tulad ng proteksyon kontra sa virus, prayoridad sa benepisyo, respeto sa karapatan at ayuda sa pangangailangan.

Kulang sa malasakit sa mga ordinaryong mamamayang lubog sa gutom, utang, proteksyon at iba pa. Nilalamon tayo ng krisis pangkalusugan ngunit walang kamay na mapagmalasakit ang umaalalay. Sa kabila ng kakulangan sa malasakit ng pamahalaan sa ating pangangailangan, hindi naman maiaalis at mapipigilan ang likas na ugaling mapagmalasakit ng ating mga kababayan. Humuhugot ng lakas ang bawat isa sa atin, tayo-tayo na lang talaga ang magmamalasakit sa isa’t isa.

Ang Ina bilang mapagkalinga.

Hinayaan ng administrasyong ito na patuloy tayong lamunin ng mga mapang-abusong pagkilos ng Tsina. Nawalan ng pagkalinga sa mga lugar at espasyong atin. Mas kinakalinga ng pamahalaan ang kapakanan at polisiya ng ibang bansa. Prayoridad ng administrasyon ang kalingain ang problemang dulot ng mga dayuhan tulad ng patuloy na suporta sa POGO. Kailangan natin ng inang mapagkalinga, isang inang nakikinig at kumakandili sa kanyang mga anak. Sa panahong ito, tapat na pagkalinga ang kailangan ng isang Pinoy na nilalamon ng mga dayuhang naghahari-harian.

Malaki ang gampanin ni Ina sa ating pananampalataya.

Takbuhan natin ang Ina sa mga panahong nakararamdam tayo ng kahinaan.

Si Ina ay ang bayan, kapag ang bayan ay walang Ina, walang magsusupling ng bagong pag-asa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here