Nagulat ang mga residente ng Obrero Street, Barangay Bagumbayan sa Quezon City sa demolisyon sa kanilang komunidad ngayong Lunes, Setyembre 16, sa kalagitnaan ng walang humpay na pag-ulan.
Ayon sa Quezon City Urban Poor Coordinating Council (QC UPCC), ganap na alas-6 ng umaga nagpunta ang mga kapulisan ng Station 6 at mula sa Camp Karingal upang asistehin ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ng pamahalaang lungsod at demolition team upang gibain ang mga nakatayong istruktura ng mga nag-‘self-demolish’ sa nasabing lugar.
Muli silang babalik sa September 29 upang tuluyan nang gibain ang mga istruktura ng maralitang naninindigan na manatili sa kanilang lupang kinatitirikan.
Napag-alaman ng mga residente ang tangkang demolisyon noong Agosto 22, nang pumunta sa nasabing lugar ang DPOS kasama ang mga opisyal ng barangay upang markahan ang mga bahay. Binigyan lamang sila ng papel na naglalaman ng Memorandum 2019 Series of 121 ng Department of Interior and Local Government (DILG) o ang memo ukol sa clearing operations. May kasama itong papel na nagpapapirma ng mga magsasagawa ng ‘self-demolition.’
Anang mga residente, hindi sila saklaw ng kautusan ng DILG dahil hindi sila saklaw o sakop ng Mabuhay Lane o ‘busy road.’ Ang kanilang lugar ay dead end at hindi nadadaanan ng mga pampasaherong sasakyan.
Tutol ang QC UPCC sa isinagawang demolisyon na hindi dumaan sa konsultasyon sa mga apektado at walang pagpapaabot sa proyekto sa komunidad kaya winawalis ang mga kabahayan, gayundin ay walang ipinaabot na plano para sa mga apektadong mamamayan.
Tinututulan din ng QC UPCC ang paghihikayat ng DILG at DPOS na mag-self-demolish ang mga maralita nang walang inaalok financial asistance sa mga biktima ng dislokasyon at wala ring relocation na anila’y taliwas sa nakasaad sa Urban Development Housing Act.
Mahigit sa 200 pamilya ang maaaring mawalan ng paninirahan at kabuhayan. Karamihan ng mga nakatira sa nasabing lugar ay may mahigit sa 50 taon nang naninirahan doon.
Nananawagan ang mga mamamayan ng Obrero Street sa Barangay Bagumbayan kay Mayor Joy Belmonte na ipatupad ang kanyang pangakong moratorium sa demolisyon.