“Militar sa Kanayunan, palayasin!” — ito ang sigaw na bumungad sa pagtitipon ng iba’t ibang human rights groups at mga taga-suporta sa harap ng Department of National Defense (DND) noong Enero 9, sa pangunguna ng Karapatan Southern Tagalog.
Kinondena ng grupo ang pambobomba at indiscriminate firing ng 76th Infantry Battalion noong Enero 1 sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, na pumatay sa tatlong batang Mangyan-Iraya at kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora, na nagsasagawa ng fieldwork sa lugar noong naganap ang insidente.
Nanawagan naman ang mga grupo na itigil na ang operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at paghahasik ng red-tagging sa mga komunidad ng katutubong Mangya sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Anila, malubhang naapektuhan ang mga komunidad na ginagamit ang mga operasyong bilang tabing sa pagpapasok ng mga proyektong minahan at mga malawakang pangangamkam sa katutubong lupa.
Bunsod ng insidente, agaran ding naglunsad ng fact finding mission ang Karapatan Southern Tagalog upang mangalap ng dokumenstasyon hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao sa komunidad. Ngunit ang grupo ay nakaranas ng mga paghihigpit mula sa mga militar at pulis.
“Doon pa lang, makikita na natin na patuloy na hinaharangan ng mga militar ang misyon namin,” puna ni Saara Rapisora, tagapagsalita ng Karapatan Southern Tagalog humanitarian mission, ukol sa mga checkpoint na nakaharap nila habang sinusubukang makarating sa mga komunidad na apektado ng pambobomba.
Samantala, natagpuan na si Chantal Anicoche, isang Filipino-American at kabataang mananaliksik, na napaulat na nawawala mula noong naganap ang aerial strafing sa lugar. Bagama’t nakapagbigay ng ginhawa ang balitang ito sa pamilya at mga kaibigan ni Chantal, nababahala pa rin ang mga human rights organization, kabilang ang Migrante International, dahil ang yunit na humahawak sa kanya ay iniuugnay sa mga pag-atake sa mga katutubong komunidad. Siya kasalukuyang nasa kustodiya ng AFP sa ilalim ng 203rd Infantry Brigade.
“Chantal must not experience the same torture or harm that many others have suffered under military hands. Her rights should be respected at all times. She must not be put under any form of torture, interrogation, threat, harassment, and intimidation from the hands of any unit of the AFP,” pahayag ng grupo sa isang Facebook post.
Iginiit din ng mga nagprotesta ang pangkakaroon ng masusing imbestigasyon sa operasyon ng AFP na nagduklot sa pagkamatay ng mga bata at mananaliksik, pagkasira ng mga bukirin, at pagpapaalis sa mga residente bilang paglabag sa international humanitarian law (IHL).





























