Sa murang edad, ang kabataan ay napilitang manatili sa kani-kanilang mga bahay at harapin ang hirap at pagsubok na dala ngayon ng pandemyang Covid-19. Ito ang panahon kung saan dapat tinatamasa nila ang kalayaan ng pagkilos.

Wala na ang nakasanayang pagpasok sa pisikal na paaralan kasabay ang kanilang mga kaibigan. Sa higit na isang taon ay tila nasa parehong kalagayan at sitwasyon pa rin ang Pilipinas sa krisis ng pandemya. At wala pa ring nakaaaninag sa panahong magbabalik anglahat sa normal, lalo na para sa mga bata.

Ayon sa datos at pananaliksik, ang sintomas ng Covid-19 sa kabataan ay hindi kasing lubha sa mga matatanda.

Subalit, mas madali namang mahawaan ang mga bata ng Covid-19 dala ng kanilang less-developed immune system na kulang sa panlaban sa virus.

Mula buwan ng Marso 2020 hanggang Pebrero ng taong ito, umabot na sa higit kumulang 48,000 na kaso ang naitala mula edad 19 pababa. Ito ay ayon sa Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines, mula sa datos ng Department of Health. Umakyat pa ang bilang sa 170,000 nitong Agosto.

Dahil dito, halos isang taon nang nakulong ang mga bata sa kani-kanilang tahanan dahil sa patakarang ipinagbabawal ang edad na 19 pababa sa mga pampublikong lugar.

Ngunit sa kabila ng tuntunin na ito, may pagkakataon pa ring matamaan ng virus ang mga bata mula sa mga matatandang kasama nila sa bahay na naghahanap-buhay. Mabilis pang dumadami ang mga kaso sa kabataan dala ng bagong variant na tumama na rin sa Pilipinas, ang Delta variant. Bilang mas nakakahawa ang variant na ito, mas madali nang naaapektuhan ang mga bata at patuloy na tataas ang porsyento ng mga kaso.

Isa pang pagsubok na hinaharap ng kabataan ay ang kakulangan sa bakunang maaaring tanggapin ng edad 17 pababa. Ang bakunang maaari pa lang matanggap ng mga edad 16 hanggang 17 taong gulang ay ang galing sa Pfizer. Sa ngayon ay wala pang bakunang maaaring iturok sa mga mas nakababata pa.

Hindi rin prayoridad ang pagbabakuna sa mga bata dahil na rin sa limitadong suplay ng bakuna, at hanggang ngayon ay mabagal pa rin ang paggulong ng pagbabakuno para maabot ang herd immunity.

Madaling mahawaan ng Delta variant, pero bawal pa magpabakuna. Tila hindi patas ang laban ng mga bata sa sakit.

Ano na lamang ang maaaring panlaban sa mga hamong inihaharap sa kanila?

Sa gitna rin ng pandemyang ito ay may iba pang mga responsibilidad na kailangang gampanan ng mga bata.

Dapat tayong mabahala sa mga pangkalusugang problemang dulot ng Covid-19 sa bata. Mainam na tingnan na may mga problemang kinakaharap ang mga bata na maaaring hindi natutuunan ng pansin ng gobyerno at nakakatanda: edukasyon at kalusugang pangkaisipan ng mga bata.

Karamihan sa bata ay kinakailangan harapin ang krisis ng pandemya kasabay ng paggugol ng oras para sa kanilang online classes. Normal na sa panahon ngayon na makakita ng batang nasa edad 10 na buong araw ay nakaharap lamang sa kanyang cellphone. Ganito na ba talaga dapat ang buhay na nararanasan ng bata sa ngayon?

Araw-araw ay parehas na lamang ang gawain ng mga bata: babangon at bubuksan ang kanya-kanyang mga gadgets. Habang naguguluhan sa mga nangyayari, habang ninanais nang makalabas ulit, habang inaasam nang makabalik sa mga lugar na nagbibigay kasiyahan— walang magawa ang mga bata kundi harapin ang kanilang mga gadgets sa pang-araw-araw na gawain.

Sa ibang karanasan ng bata, hindi lamang buhay sa labas ang nawala sa kanila. Pati na rin ang magandang kalidad ng edukasyon. Hindi lahat ng pamilya ay may kakayanang maglaan ng pera para sa mga gadgets na kinakailangan sa online classes. Sa isang iglap ay lumipat ang buhay ng lahat sa online platforms. Marami sa mga bata ang walang sariling gadget o maaari ring hindi pa marunong sa paggamit ng mga ito. Hindi lang mismong pag-aaral ang pinoproblema ng bata kundi ang kung paano maipagpapatuloy ang pag-aaral at paano makasabay sa takbo ng edukasyon.

Sa lahat ito, kalusugang pangkaisipan ng mga bata ang nakasalalay. Sa edad nila at sa panahon ngayon, dapat nagagabayan nang matino at masinsinan ang tulad nila. Maaaring puno lamang ng katanungan ang kanilang mga isip at maaaring nawawalan ng saysay para sa kanila ang pag-aaral, sa harap ng paghihirap at pagbabago na kanilang hinaharap. Maaari ring hindi nila kabuuang alam o hindi pa napagtatanto ang mga kaganapan ngayon. Ano na lamang, bilang matatanda, ang masasagot sa kanila?

Malaking mga pagbabago ang kailangan matutunang tanggapin ng mga bata sa panahon ngayon. Sa murang edad nila ay maraming bagay na silang kailangang maunawaan at maintindihan. Intindihin. Ang kanilang buong kabataan ay naapektuhan ng pandemyang ito. Sa krisis na ito, ang bata ay tila nakikipaglaban din gamit ang mga pansariling depensa hangga’t hindi pa sa kanila nakatuon ang laban sa Covid-19.

Ang laban ng bata sa Covid-19 ay laban ng lahat. Tiyakin natin ang kaligtasan sa espasyo ng bata habang nilalamon ng pandemya ang ating limitadong kinalalagyan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here