Nagsisimula ang bawat rebolusyon ng dahil sa sugat. Hindi lamang sa pisikal kundi sa mas malalim na pag-uugat sa sistemang paulit-ulit na yumuyurak sa buhay, karapatan, at kalayaan ng mga itinuturing na “iba” sa lipunan.

Sa kahabaan ng Recto Ave., ginunita ngayong araw ang kilos-protesta ng mga LGBTQIA+ bilang pag-alala sa 1994 Stonewall Manila na tinaguriang Pride Revolution sa Pilipinas.

Ang 1994 Pride Revolution ay ang kauna-unahang militanteng pagkilos ng mga LGBTQIA+ at sumusuportang sektor sa panawagang labanan ang diskriminasyon at bigyan ng tunay na representasyon ang LGBTQIA+ sa iba’t ibang larangan.

Bukod pa, kinikilala ng mga LGBTQIA+ na hindi hiwalay ang kanilang kalagayan sa dinaranas ng maralitang sektor na apektado ng rumaragasang pagtaas ng presyo ng langis at value added tax (VAT) na hindi rin iba sa mga mainit na usapin magpahanggang ngayon.

Hindi aksidente ang karahasan

Sa isinagawang kilos-protesta ng Pride March, patuloy ang panggigipit sa mga progresibong grupo na hindi pinahintulutang mailunsad ang kanilang mapayapang programa sa taranghakan ng Mendiola na isang simboliko at makasaysayang lunsaran ng mga welga para ipahayag ang saloobin at boses ng mamamayan mula pa dekada ’70 noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Anang mga grupo, hindi na bago ang ganitong eksena sa kasaysayan ng paglulunsad ng protesta sa bansa. Nagkaroon ng gitgitan, tulakan, hanggang umabot sa pagkakaroon na ng sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga lumahok sa protesta. Kabilang dito si Reyna Valmores Salinas, chairperson ng LGBTQIA+ alliance na Bahaghari.

Aniya, hindi ito simpleng aksidente kundi bahagi ng mas malawak na kultura ng pasismo sa bansa.

“Normal na lang ang tinatawag na pasismo dahil sa kultura ng represyon mayroon sa Pilipinas kung saan pinipigilan ang taumbayan na magpahayag ng saloobin. Kabilang na ngayon, Pride March, may panawagan tayo para sa pagkakapantay pantay, ngunit marami sa atin ngayon ay sugatan,” ani Salinas.

Ayon kay Salinas, ang kultura ng pasismo at represyon ay matagal nang umiiral sa bansa at partikular na matindi ang epekto sa LGBTQIA+ lalo na sa mga trans women.

Hindi pa man natatapos ang buwan ng Hunyo, apat na trans women na ang naiulat na napaslang, kabilang sina Kierra Apostol at Ali Macalintal.

“Buhay na buhay pa rin ang culture kung saan napakasidhi ng galit sa LGBTQIA lalo na sa transgender women. Hate crimes ito at hindi isolated cases. Ang pagtingin namin ay motivated na mga krimen ito laban sa mga transgender na babae,” ani Salinas.

Sa huli, nananawagan ang Bahaghari ng hustisya at pagpapanagot sa mga pumaslang kina Apostol, Macalintal, at iba pang miyembro ng LGBTQIA+.

LGBTQIA+, may papel sa rebolusyonaryong pakikibaka

Sa talumpati ni Salinas, isinulong niya ang isang di-pangkaraniwang panawagan.

“Kung nakikinig man po sa malayo ang mga miyembro ng National Democratic Front (NDF) at Communist Party of the Philippines (CPP), nirerehistro po ng Bahaghari ngayon araw ang pangangailangan na magtayo ng rebolusyonaryong organisasyon ng LGBTQIA+ na kayang lampasan ang mga legal at elektoral na pakikibaka,” ani Salinas.

Hindi ito sentimentalismo o sektaryanismo ng Pride, aniya. Isa itong malinaw na pagsusuri sa tungkuling dapat gampanan ng LGBTQIA+ sa kabuoang laban ng mamamayan para kamtin ang tunay at makabuluhang panlipunang pagbabago, isang pakikibakang tumutugon sa ugat mismo ng sistemikong opresyon.

“Bagamat hindi kami armado, ang sandata namin ay mga boses at mikropono, naniniwala sa eleksyon para ipanalo ang reporma gaano man kalaki o kaliit para sa taumbayan. Mulat kami sa katotohanan na ang mga rebolusyonaryo ay hindi terorista, malinaw sa amin na ang mga rebolusyonaryo ay may lehitimong panawagan. Malinaw sa amin na hindi kailanman matatawag na terorista kung pagkalinga ang inaani ng mga rebolusyonaryo sa mga masang pinaglilingkuran nila,” dagdag pa ni Salinas.

Binigyang-diin niya na kinikilala ang LGBTQIA+ sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, mula sa pakikibakang masa, kultural, ligal, hanggang rebolusyonaryong antas. Dapat lang aniyang magkaroon ng malinaw na programa ang kilusang LGBTQIA+ na magsusulong ng rebolusyonaryong partisipasyon sa mga larangang ito.

Bilang patunay, binanggit ni Salinas ang isang konkretong hakbang ng inklusibidad na matagal nang naipatupad sa rebolusyonaryong kilusan.

“1992 pa lang, kinikilala na ang same-sex union sa loob ng rebolusyonaryong gobyerno ng CPP. Pero sa gobyernong reaksyunaryo, 2025 na, wala man lang bare minimum na anti-discrimination bill. It just goes to show na napakalayo, napakabackward ng ating gobyerno,” aniya.

Sa desisyong inilabas sa ika-10 Pleno ng Komite Sentral noong 1992, kinikilala ng Partido ang same-sex relationships sa pamamagitan ng isang amendyamento sa patakaran ng Gabay sa Pag-aasawa sa Partido na inilabas noong Marso 1998. Ayon sa CPP, hindi dapat sagkaan ang malayang pagpili ng sinuman sa kanyang iibigin at pakakasalan.

“Kinikilala at iginagalang ng Partido ang karapatan ng bawat kasapi sa pagpili ng kasarian ng indibidwal na kasapi ng Partido,” saad sa probisyon sa Gabay Sa Pag-aasawa ng Partido.

Dagdag na paliwanag ng CPP na mayroong mga demokratikong karapatan ang bawat kasapi ng Partido maging ang bawat indibidwal sa lipunan na may kalayaan sa pag-ibig at ang karapatang maging maligaya sa pag-aasawa.

Bukas ang Partido sa mga LGBTQIA+ na nagnanais maging kasapi nito. Anuman ang kasarian o oryentasyong sekswal, sinumang handang yakapin at isulong ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang konstitusyon ng Partido ay maaaring maging miyembro ng rebolusyonaryong kilusan. May kaparehong panuntunan din ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kinikilala ang karapatan ng mga Pulang mandirigma na pumili ng kanilang kasarian.

Kaakibat ng pagkilalang ito sa karapatang pumili ng sariling kasarian ay ang pagsusumikap ng Partido na labanan ang mga maling pananaw at diskriminasyon sa LGBTQIA+ community. Ayon sa CPP, nakabatay ang pagkilala at pagtatanggol sa karapatan ng mga LGBTQIA+ sa antas ng kamalayang pampulitika ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan.

Para rin sa Partido, mahalaga ang gawaing pag-aaral o edukasyon para sa mga kasapi ng kilusan at masa kung saan inilalantad at kinokondena ang pang-aapi sa mga LGBTQIA+. Samantala, hamon naman para sa rebolusyonaryong LGBTQIA+ na aktibong mag-ambag ng mga pag-aaral at pagsusuma ng sariling karanasan upang higit pang payabungin ang mga patakaran at pananaw ng Partido hinggil sa rebolusyonaryong pag-aasawa sa usapin ng mga may piniling kasarian.

“Sa iba’t ibang dako ng mundo, may iba’t ibang larangan ng pakikibaka. Ang LGBTQIA+ ay may lugar sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka. Gaano man kalaki o kaliit para sa interes ng taumbayan, hindi tayo tatahimik hanggang makamit natin ang tunay na pagkakapantay-pantay sa lahat ng antas sa lipunan,” pagtatapos ni Salinas.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here