Dalawang araw matapos maitala ang pagkawala ni Kierra Apostol, natagpuan ang estudyanteng trans woman na palutang-lutang sa ilog na pagitan ng Amulung at Iguig sa Cagayan, umaga ng Hunyo 23.
Ayon sa kanyang ina, kita ang bakas ng pananakit sa kanyang mukha at nakabukaka nang matagpuan nila itong palutang-lutang.
Ayon sa ulat, nagpaalam si Kierra sa kanyang ina na matutulog muna sa bahay ng kanyang kaibigan bago sunduin ng isa pa niyang kaibigan na naka-motor. Matapos ang gabing iyon, hindi na makontak ang kanyang telepono para malaman kung nasaan siya. Agad namang ini-report ang pangyayari sa kapulisan. Matapos ang ilang araw, natagpuan nila si Kierra na wala nang buhay sa ilog.
Si Kierra ay isang incoming 1st year student sa Cagayan State University-Caritan Campus, sa kurso ng Business Management. Isa ring hair and make up artist ang nasabing trans woman. Kilala rin siya sa paglahok sa mga lokal na gay pageants.
Hustisya para kay Kierra
Nanawagan naman ang iba’t ibang grupo ng LGBTQIA+ sa agarang pag-imbestiga at paghain ng hustisya sa pagkamatay ni Kierra. Dagdag pa rito ang panawagang protektahan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community laban sa gender-based violence at agarang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill.
“To everyone who knew her — may we honor her memory not only with grief, but with a renewed call for safety, respect, and dignity for all trans lives.” anang CSU Crystal, isang organisasyon ng LGBTQIA+ sa Cagayan State University-Andrew campus.
Anila, tuloy ang panawagan para sa hustisya hindi lang para kay Kierra, kundi pati na rin ng proteksyon sa mga transgender sa Pilipinas.
“LGBT Pilipinas Taguig City Inc. strongly condemns the killing of Kierra Apostol. Her death is a devastating reminder of the violence and discrimination that continue to threaten the lives of transgender Filipinas and the broader LGBTQIA+ community,” ayon naman sa LGBT Pilipinas Taguig City Inc.
Panawagan naman ng Chairperson ng Bahaghari na si Reyna Valmores Salinas ang agarang pag-iimbestiga sa pagkamatay ni Kierra.
“We demand that the authorities conduct a full and thorough investigation into her brutal passing,” pahayag ni Salinas.
Aniya, patunay ang kaso ni Kierra na patuloy ang pagiging biktima ng karahasan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community, lalo na sa mga transgender.
“ While we await final reports, we can say that this is another harrowing case of violence against Filipino trans women. This is further proof that LGBTQ+ persons in the Philippines remain unsafe amid talks of ‘tolerance’ in our society. Ito rin ang dahilan bakit nararapat at napapanahon ang isang pambansang batas laban sa diskriminasyon at karahasan,” dagdag ni Salinas.
“Kierra’s case is an urgent reminder to pass the SOGIESC Equality Bill, which will provide legal remedies against acts of discrimination,” pagtatapos ni Salinas.