Kinondena ng iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang panibagong serye ng agresyon at direktang pambobomba ng Estados Unidos sa bansang Iran.

Noong Hunyo 21, inanusyo ni US President Donald Trump ang pambobomba sa tatlong nuclear facilities sa Iran sa Fordow, Natanz, at Esfahan gamit ang mga high-precision bunker-buster bombs at cruise missiles sa katwiran na gagamitin umano itong “weapons of mass destruction”.
Sa kabila ng matinding akusasyong ito, iginigiit ng Iran ang layunin ng kanilang programang civilian nuclear energy para sa pagpapaunlad sa sariling bansa at ipagtanggol ang kanilang soberanya at karapatan sa sariling pagpapasya.
Pinagmulan ng nuclear program ng Iran

Ang nuclear program ng Iran ay hindi bago.
Noong dekada 1950, sinimulan ito sa ilalim ng programang “Atoms for Peace” ng US para hikayatin ang paggamit ng nukleyar na enerhiya sa mundo para umano sa “mapayapang layunin”. Mula rito ay nagkaroon din ng kooperasyon ang Iran sa mga bansang France at Germany para sa civilian nuclear research na naglalayong gumawa ng nuclear power plants at medical applications.
Ngunit para sa mamamayan ng Iran, tumindi lamang ang kahirapan, kagutuman, at militarisasyon kaakibat ng kasunduang ito sa pagitan ng US at ng monarkiya at diktadurya ni Shah Mohammad Reza Pahlavi.
Dahil dito, naglunsad ng Islamic Revolution ang mamamayan ng Iran sa pamumuno ni Ayatollah Khomeini na nagpatalsik sa diktaduryang Shah noong 1979. Sa pagtakwil ng mamamayan sa diktaduryang Shah, itinatag ang Islamic Republic of Iran para itaguyod ang kanilang pambansang soberanya at kalayaan sa sariling pagpapasya.
Matapos ang 1979, pinutol na ng US ang kanilang kooperasyong nukleyar sa bansa at pinatawan ito ng trade sanctions. Mula dekada ’80 hanggang ’90, pinaigting pa ng US ang sanctions sa Iran, partikular ang pagbabawal sa mga kumpanyang kontrolado ng US na makipagkalakalan sa Iran.
Samantala noong 2015 ay inalis ang ilang pangunahing sanctions ng US sa Iran matapos lagdaan ang Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA). Kabilang din sa lumagda sa kasunduang ito ang United Kingdom, France, Germany, Russia, at China.
Sa ilalim ng JCPOA, pumayag ang Iran na limitahan ang enrichment ng uranium nito, bawasan ang stockpile, at buksan ang kanilang mga pasilidad sa mahigpit na inspeksyon.
Ngunit noong 2018, sa ilalim ng administrasyong Trump, umatras ang US sa JCPOA at ibinalik ang lahat ng sanctions sa Iran na nagpatupad ng “maximum pressure campaign” na naglalayong pahirapan nang husto ang Iran sa pamamagitan ng pagpataw ng mas mabibigat na economic sanctions, diplomatic isolation, at military threats para pilitin ang bansa na sumunod sa mga kondisyon ng US.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na umiiral ang ganitong agresyon ng US sa Iran katuwang ang bansang Israel. Sa pakikipagsabwatan ng US at Israel, pinaigting ang extrajudicial, cyberwarfare, at mga serye ng air strikes laban sa bansa.
Ayon sa mga ulat, maraming nuclear scientists na ang pinaslang sa bansang Iran sa pangunguna ng US at Israel. Noong 2010, inilunsad din ang Stuxnet virus attack na tumama sa uranium enrichment centrifuges sa Natanz, na isa sa mga pasilidad na binomba nitong Hunyo 13 ng Israel, at muling inatake ng US noong Hunyo 22.
Mga aral ng Iranian Revolution

“Hindi na bago ang retorika ng US na siyang nagpapalabo lamang ng kaibahan ng nuclear energy program para sa sibilyan at para sa armas. Sa katunayan, matagal na panahon nang minamata ng US ang oil reserves sa Iran at marami pang bansa sa Middle East,” pagpapaliwanag ni Alwen Santos ng BAYAN National Capital Region.
Ayon sa datos mula sa BP Statistical Review of World Energy at ng U.S. Energy Information Administration (EIA), ikaapat ang bansang Iran sa may pinakamalaking oil reserves sa buong mundo kasunod ng Venezuela, Saudi Arabia, at Canada. Kontrolado ito ng National Iranian Oil Company (NIOC) at pangunahing pinagkukunan ng kita ng bansa.
Ayon kay Santos, mahalagang ilantad at tutulan ang propaganda ng US laban sa mga bansang itinatakwil ang hegemonya nito tulad sa mga bansang Iran, Palestine gayundin ang Pilipinas na hanggang ngayon ay walang kontrol sa sarili nitong industriya at ekonomiya.
“Kagaya ng Pilipinas, ang Iran ay inaatake ng US para sa kanilang layunin na makuha ang oil reserves. Ang Pilipinas na siyang matagal nang ninanakawan ng yaman ng imperyalistang US ay dapat lamang makiisa sa panawagan ng mamamayan ng Iran at Palestine laban sa agresyon ng US at kanyang panguudyok ng digma sa iba’t ibang bansa sa ngalan ng kapital,” ani Santos.
Itinuturing ni Santos na mahalagang aral para sa bansa ang Iranian Revolution noong 1979 kung saan ibinagsak ng mamamayang Iranian ang diktaduryang Shah na kinasangkapan ng US.
“Ang pagkakaroon nila ng civilian nuclear program ng Iran ay hindi iba sa panawagan ng Pilipinas para itulak ang pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon. Ang civilian nuclear program ng Iran ay pamana mismo ng Iran Revolution noong 1979 sa patuloy na pakikibaka para sa tunay na kasarinlan laban sa dayuhan panghihimasok,” paliwanag ni Santos. “Tulad sa Iran, ang pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas ay nangangahulugan ng pagtatayo ng sariling batayang industriya na nakabatay sa sariling yaman, lakas paggawa at interes ng mamamayan. Ngunit sa ilalim ng mga patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon na ipinataw ng US ay nananatiling atrasado ang industriya ng Pilipinas,” dagdag ni Santos.
Hinimok din ni Santos na igiit ng mamamayang Pilipino sa administrasyong Marcos Jr. ang pananagutan sa kaligtasan ng mga Pilipinong nasa Iran na humihingi ng reparasyon. Ayon sa Philippine Embassy in Israel, higit 200 Pilipino ang apektado sa nagpapatuloy na sigalot sa Iran.
“Hindi hiwalay ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa mamamayan ng Iran, Palestine at iba pang bansang tumitindig laban sa imperyalismong US. Hangga’t nagpapatuloy ang paninibasib at agresyon ng US na sinusuhayan naman ng administrasyong Marcos Jr. ay magpapatuloy rin ang makatarungang paglaban ng mamamayan,” pagtatapos ni Santos.