Ito ang tanong ng isang biktima ng Batas Militar noon at nakararanas naman ng kagutuman at militarisasyon ngayon.

Nagtungo sa Maynila si Lina Tabuyan, 52, mula sa kanyang bayan sa Calbiga, Samar upang idulog kay Pangulong Rodrigo Duterte ang laganap na kagutuman at militarisasyon sa kanilang lugar. Bahagi si Lina ng kampanyang lakbayan ng mga taga-Visayas. Nakarating siya sa Maynila noong Nobyembre 20.

“Mahirap ang buhay namin dahil sa gutom, peste, bagyo, militar. Sunod-sunod ang bagyo, nasira ang mga pananim. Walang gobyernong tumutulong sa amin,” ani Lina.

Sumama ang ilan mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa #BlackFriday protest laban sa paglibing kay Marcos sa LNMB. (Litrato mula People Surge)
Nakiisa ang mga representante mula sa Eastern Visayas sa #BlackFriday protest laban sa paglibing kay Marcos sa LNMB. (Litrato mula People Surge)

 

Inabutan niya sa Maynila ang pagsambulat ng disgusto ng mamamayan sa biglaan at patagong paglilibing sa dating diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

“Gusto naming hukayin siya, itapon sa mga lugar ng mga berdugo kasi doon siya bagay,” ani Lina sa paglilibing kay Marcos.

Sumama si Nanay Lina sa malaking protesta sa Luneta laban sa paglilibing kay Marcos noong Biyernes, Nobyembre 25.

“Gusto ko sanang magsalita sa entablado. Gusto ko sanang magpahayag ng galit,” dama ni Lina habang nanonoood ng programa ng protesta.

Biktima ng Batas Militar

“Mayroon bang hustisya para sa amin?” tanong ni Lina matapos niyang ilahad ang ilang karanasan noong Batas Militar.

Isang nailathala noong panahon ng diktaduryang Marcos. (Litrato mula arkibongbayan.org)
Inilathala ang panawagang papapasiwalat sa pagpaslang sa Samar noong panahon ng diktaduryang Marcos. (Litrato mula arkibongbayan.org)

 

Buong pamilya ni Lina ay naging biktima ng Batas Militar.

Bagamat may anunsyo si Marcos ng pagpawi ng Batas Militar noong Enero 17, 1981, nagpatuloy ang walang pananagutang paghahari ni Marcos at ng mga alipures niya.

Taong 1984, naninirahan pa sila Lina noon sa Sitio Lanaga sa barangay Cancaiyas sa Basey, Samar. Magsasaka ang kanyang magulang at pagsasaka ang kinabubuhay ng kanilang pamilya. Isang araw, pinuntahan ng mga militar ang kanyang ama. Pilit na isinasama ang kanyang ama sa kabilang baryo.

“Wala kaming magawa,” alaala ni Nanay Lina.

Sa mga sumunod na araw, nabalitaan na lang nila na natagpuan ang bangkay ng kanyang ama sa kabilang baryo kung saan siya isinama ng mga militar.

Nang sumunod na taon, si Lina naman ang tinangay ng mga militar.

“Sabi nila sa akin, aktibista ka. Sabi ko, hindi ako aktibista. Pero kinuha pa rin nila ako,” kuwento ni Lina.

Idinaan si Lina sa tatlong kampo ng militar hanggang ibaba sila sa headquarters ng militar sa Barangay Parasanon, Pinabacdao, Samar. Tatlo silang babaeng ipiniit sa isang maliit na bahay. Isang araw, kinuha si Lina at dinala sa isang kuwarto. Doon siya unang beses ginahasa. Dalawang beses itong nangyari. Siya ay nasa 21 taong gulang lamang noon.

Matapos ang siyam na araw sa Parasanon, dinala naman si Lina sa Maulong, Catbalogan kung saan siya dinetine ng dalawang buwan.

Bukod sa kanya at sa kanyang ama, naging biktima rin ng Batas Militar ang kanyang apat na kapatid.

“Sinunog ng mga militar ang mga bahay sa buong barangay namin,” lahad ni Lina.

Nasa 60 bahay ang natupok. Tatlong bahay lang na di-yero ang yari ang naiwang nakatayo sa buong barangay sa pagkakaalaala ni Lina.

Kasama si Lina at kanyang mga kapatid sa higit 9,000 na nagsampa ng kaso at nanalo laban sa mga Marcos. Pero hanggang ngayon, wala silang natatanggap na anumang kumpensasyon.

Sa pagkakalibing ni Marcos sa LNMB, napatotohanan niyang wala pa rin siyang natatanggap na hustisya.

“Galit at poot ang nararamdaman ko. Gusto kong lumaban, mabigyan ng hustisya. Ipaglalaban ko ito hanggang huli,” sabi ni Lina.

Biktima ng kagutuman

Pagsasaka pa rin ang kabuhayan ni Lina. Naninirahan na siya ngayon sa Calbiga, Samar kasama ng kanyang asawa na isa ring magsasaka.

Nag-alay ng mga bulaklak sa North Tacloban mass grave ang mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa kanilang mga kaanak at kaibigan makalipas ang dalawang taon mula ng hinagupit ng bagyo ang Eastern Visayas. (Litrato mula People Surge)

 

Daing ni Lina, dinaanan na sila ng bagyong Yolanda, Glenda, Ruby, Seniang at Nona ngunit wala pa silang makabuluhang tulong na natatanggap mula sa gobyerno.

Problema rin nila ang mga peste na kasing-lupit ng mga bagyong dumaan kung makapanira ng mga pananim.

Sinalanta ng mga cocolisap ang mga natirang nakatayong niyog matapos ang bagyo, gayundin ang bunchy top ng mga abaca. Inatake na rin ng peste ang mga root crops, na sana’y natitira nang alternatibo ng mga magsasaka matapos salakayin ng mga peste ang mga pananim na tumutubo sa ibabaw ng lupa.

Tinataya naman ng People Surge, grupo ng mga biktima ng kalamidad sa Eastern Visayas, na bumaba sa 75 hanggang 90 porsyento ang produksyon ng kopra, habang bumaba ng 50 hanggang 80 porsyento ang kita ng magkokopra.

“Walang pagbabago ang buhay namin. Lalong lumala sa pagdaan ng mga taon. Tapos nandiyan pa rin ang mga militar, takot ang mga tao. Nagsisikap kami maghanapbuhay, pero lagi kaming may pangamba,” saad ni Lina.

Biktima ng militarisasyon

Nagulat na lang din sina Lina noong Agosto nitong taon nang makitang may mga militar na nakakampo sa mga barangay hall na kanyang nadaanan isang beses nang pumunta silang mag-asawa sa bayan.

“Sabi nila, andiyan daw sila dahil may proyekto sa barangay Literon. Wala pa naman kaming nakikitang proyekto hanggang ngayon. Sabi nila sa iba, para mag-organisa ng mga kababaihan, kabataan at magsasaka. Ano bang organisasyon iyon? Wala pa rin kaming nakikita,” saad ni Lina.

Ayon muli sa People Surge, nakakampo ang 87th Infantry Batallion sa siyam na barangay sa Calbiga. Ito ay ang mga barangay ng Borong, Jubasan, Literon, Mahangcaw, Guimbanga, Hindang, Caamlungan, Sinalangtan at Panayuran.

Nakatanggap na rin ng ulat ang People Surge ng mga panliligalig ng mga militar sa mga mamamayan sa komunidad na kanilang hinimpilan. Diumano’y may listahan ng mga rebelde ang mga militar at sinasabi sa mga mamamayan na “i-clear ng mga nasa listahan ang kanilang mga pangalan.” Kapag hindi ginawa ito ng mga nasa listahan, agad daw silang huhulihin kapag natapos na ang ceasefire at naputol na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines. Kapag naman daw nalinis na ng mga nasa listahan ang kanilang mga pangalan ay pwede na silang makipagtulungan sa mga militar sa mga susunod na panahon at ituro ang iba pa. Ito ay galing sa ulat ng mga magsasaka mula sa Barangay Literon.

May isa pang inulat na insidente ng isang medical mission ng mga militar sa Barangay Literon kung saan namigay sila ng mga reseta sa mga maysakit. Pero sa halip na listahan ng mga gamot, ang diumano’y nakasulat sa resetang ibinigay ng militar ay listahan ng mga baril at mga presyo nito.

Kapansin-pansin para kay Lina na kahit si Duterte ay pumasok na sa usapang pangkapayapaan ay hindi pa rin nawawala ang militar sa kanilang lugar.

“Hindi ako payag na andiyan sila. Hindi ba’t may ceasefire? Bakit nariyan sila? Kundi kami madadamay ay baka kami ang pinupuntirya,” tutol ni Lina.

Panawagan kay Pangulong Duterte

“Gusto naming bigyan niya ng pansin ang sitwasyon namin. Gusto namin magkaroon ng kasagutan ang mga reklamong ihahain namin sa kanya,” ani Lina.

Umaasa si Lina, sampu ng kanyang mga kasama na nagmula pa sa Cebu, Negros, Panay at Eastern Visayas, na sa pagpunta nila sa Maynila ay magkakaroon ng tugon si Duterte sa kanilang sitwasyon.

“Bakit hindi nawala ang militar nang maupo siya? Bakit hindi nila sinusuportahan ang magsasaka? Magiging maayos sana ang aming paghahanapbuhay kung may kaunting suporta man lang mula sa gobyerno. Bakit hinayaan niya si Marcos mailibing sa Libingan ng mga Bayani? Bakit ang mga Marcos pa ang inuuna niya?” litanya ni Lina.

Sentral na imahe para sa Tindog Visayas lakbayan. (Litrato mula People Surge)
Sentral na imahe para sa Tindog Visayas lakbayan. (Litrato mula People Surge)

 

Sa Nobyembre 28, Lunes, darating ang iba pang mga kasama ni Lina mula sa rehiyon ng Eastern Visayas upang mangalampag sa mga ahensya ng gobyerno, gayundin sa pangulo para tugunan ang kanilang sitwasyon.

Maaalala na direktang nag-abot ng tulong at pakikiramay si Duterte sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013 nang siya ay alkalde pa ng Davao. Umaasa si Lina na maibigay ulit ni Duterte ang ganoong malasakit sa kanila ngayong siya na ang pinakamataas na upisyal ng bansa.

“Kung walang siyang [Duterte] itutulong, babalik kami sa aming lugar at patuloy na ipaglalaban ang aming mga karapatan,” ani Nanay Lina.

Basahin ang iba pang kwentong Batas Militar dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here