Kaiba sa nakagawiang porma ng mobilisasyon, isang malaking dulaang kalye ang magiging protesta sa Lakbayan ng Mamamayan Kontra Korapsyon na may temang “Mamamayan ng Metro Manila, Magkaisa; Hustisya at Katarungan sa mga Biktima ng Katiwalian!” sa Nobyembre 7.


Isa sa pangunahing magsasagawa ng dulaang kalye ang Sining Bugkos, ang panrehiyonal na alyansa ng mga manggagawang pangkultura sa Metro Manila. Naniniwala ang alyansa sa pagsusulong ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang kultura upang hubugin ang lipunan.
Pagbabahagi ni Keng Angeles ng Sining Bugkos, malaki ang ambag ng sining para pukawin ang interes ng mamamayan na mamulat at kumilos para sa kanilang kagalingan.
“Gamitin natin ang sining sa pakikibaka para itanghal ang danas at pakikibaka ng sambayanan. Sa porma ng ganitong protesta, na puno ng tanghalan, ng awit, ng tugtugan, sa tingin namin magiging makapangyarihan siya para mas makapagpukaw ang masa, at para makapagpatatag ng loob natin–na mayroon pa tayong laban sa nangyayaring kabulukan ng sistema ngayon,” aniya.
Pagsasabuhay ng tunay na danas ng maralita


Bagaman matagal nang naglulunsad ng dulaang kalye ang Sining Bugkos, ang gaganaping Lakbayan sa darating na Biyernes ang sinasabi nilang pinakamalaking produksyon sa kasalukuyan.
Inaasahang libo-libong mamamayan mula sa Metro Manila ang lalahok sa protesta upang iparating ang kanilang hinaing hinggil sa paggiit ng hustisya at pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian sa pamahalaan.
“Balak naming gawin na maging puno siya ng sining. Ang buong programa ay isang malaking dulaan. Kahit ang hosts, emcees ay may parteng gagampanan,” ani Angeles.
Dagdag niya, kahit ang mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang syudad na magbabahagi ng kanilang talumpati ay bahagi rin ng produksyon at may integral na bahagi sa sentral na script. Layunin ng naturang produksyon na ipinta ang tunay na hitsura ng Kamaynilaan at ang motibasyon ng mamamayan upang labanan at tutulan ang korupsyon sa umiiral sa sistema.
“Napupuno rin [ang dula] ng maraming mga awitin [pyesa] na ngayon lang mapapakinggan bilang gawa rin ito ng mga progresibong grupo,” pagbabahagi ni Angeles.
Isa pang natatanging aspeto ng dulaang kalye na itatanghal ng Sining Bugkos ay ang pagpili ng mga gaganap sa kanilang produksyon. Kalakhan sa tauhan ng dula ay kinabibilangan ng mga estudyante, mga manggagawa, at iba’t iba pang sektor sa mga komunidad. Bahagi ito sa adhikain ng grupo na ipakilala ang makabayan at makamasang kultura sa mga ordinaryong mamamayan.
“Bukas ang sining kalye sa lahat ng masa. Kaya yung sinulat naming script, ‘yung mga inaawit namin mga kanta, madali lang chords. Madaling kabisaduhin. Madaling isulat, para mas makamasa siya. ‘Yung sining gusto nating ipakita na hindi intimidating. Hindi siya para lang sa mga may napag-aralan, sa mga merong kurikulum na nasunod sa pag-awit o sa pagdula. Gusto natin na ang sining ay mula sa masa at para sa masa,” saad ni Angeles.
Tungo sa sining na mapagpalaya


Para kay Angeles, isang makapangyarihang sandata ang sining sa pagmumulat at paglalantad ng realidad ng lipunan. Bilang miyembro ng Sining Bugkos, nakikita niyang epektibong behikulo ang mga dulaang kalye upang bigyang buhay sa mapanlikhang paraan ang mahabang panahong pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa kanilang adhikain at kahilingan.
“Iba yung pagpukaw sa puso ng ordinaryong mamamayan kapag nakakarinig sila ng musika o nakakapanood ng dula na nagtatanghal ng kanilang karanasan. Nakikita nila ang sarili nila sa mga pagtatanghal, at ang dapat nilang gawin. ‘Yun ang nagbibigay pag-asa [sa kanila],” banggit niya.
Naniniwala siya na tatampok ang mensahe ng kanilang produksyon sa mga manonood sapagkat ito ay istorya ng pag-asa at kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mamamayan para baguhin ang kanilang kalagayan, lalo na sa nananaig na korapsyon sa bansa.
“Lagi nating naririnig sa ibang tao na wala tayong magagawa dyan [sa korupsyon]. Hindi na natin malalabanan yan. Masyado silang makapangyarihan. Pero naninindigan kaming lahat na nakikibaka at [maging] ang lahat ng mamamayan na umaasa na magbago ang lipunan, na hindi dapat [tayo] masanay sa ganitong bulok na sistema dahil kaya natin gumawa ng paraan para mabago ang lipunan. Taumbayan lang ang gagawa ng ganoong klaseng pagbabago,” pagtatapos ni Angeles.
Ang dulaang kalye ng Sining Bugkos ay itatanghal sa unang pagkakataon sa Lakbayan ng Mamamayan Kontra Korapsyon sa Biyernes, Nobyembre 7, sa ganap na 2:00 ng hapon sa Liwasang Bonifacio, Maynila.

























