Noong Nobyembre 7, ikinasa ang serye ng mga pagkilos mula sa mga siyudad gayundin sa iba’t ibang paaralan at pamantasan sa Metro Manila bago nagtipon ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio para salubungin ang isang kultural na protestang Lakbayan ng Mamamayan Laban sa Korapsyon na may temang “Mamamayan ng Metro Manila, Magkaisa; Hustisya at Katarungan sa mga Biktima ng Katiwalian!”.

Umikot ang programa sa iba’t ibang natatanging sining bilang anyo ng protesta. Mula sa pag-awit, pagsayaw, at pagtanghal galing mismo sa maralitang sektor ng Metro Manila, dumagundong ang panawagan para sa hustisya at pananagutan. Iba’t iba ring sektor mula taong simbahan, guro, estudyante, unyonista, at iba pa ang nagpahayag ng kanilang saloobin at kalagayang danas sa kabila ng lumalalang krisis panlipunan.

Magkakaugnay ang bawat linya at piyesa sa nasabing kultural na produksyon, na kahit sa pagtatapos ng programa, nagsilbing mitsa ang pag-awit sa koro ng Panata sa Bayan ang paglalayag ng mga bandila at unti-unting pagbubuklod ng mga pormasyon para gumayak patungong tarangakan ng Mendiola.

“Sumama na kayo!” at “Busina laban sa korap!” ang ilan sa maririnig na dumadagundong na sigaw kaalinsabay ng panawagan para sa isang kilusang talsik bunsod ng katiwalian, inhustisya, at kawalang pananagutan ng administrasyong Marcos Jr.

Pagdating naman sa Mendiola, agad ding pumwesto ang bulto sa kahabaan ng tarangkahan para bigyang espasyo ang panibagong entablado ng kilos-protesta.

Higit pa sa pagkilala ng simbolikong lunsaran ang makabuluhang talumpati mula sa mga tagapagsalita mula Anakbayan NCR at Bagong Alyansang Makabayan NCR.

Ayon pa kay Santos, ang kanilang isinagawang pagkilos ay isang kultural na pagpapatuloy ng rebolusyonaryong diwa. Binigyang-pugay at pakilala niya ang Rebolusyong Oktubre sa Rusya at Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina na kapwa nagpatunay sa kabuluhan ng sining bilang epektibong sandata sa pagpapakilos ng masa.

Binigyang-diin sa programa na magpapatuloy ang paglaban ng mamamayan gamit ang sining upang maging mapanlikha ang tuloy-tuloy na pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa sa hanay ng maralitang sektor ng lipunan.

“Ang mapangwasak na bahang ipinaranas sa atin ay siyang ibabalik din natin sa kanilang mga ganid sa kapangyarihan. Mula sa laksa-laksang pagkilos ng mamamayan, magpapatuloy ang ating paniningil ng hustisya sa mga burukata-kapitalistang nariyan sa loob ng palasyo. Patuloy nating isusulong ang pambansang demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Patuloy nating itulak ang mamamayan na lumaban para sa kanilang mga batayang karapatan at kalayaan,” pagtatapos ni Santos.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here