Noong ika-siyam ng Agosto 2021, inilunsad ng United Nations at ginunita ng buong mundo ang World Indigenous Peoples’ Day. Ngunit ano nga ba ang layunin ng pagdiriwang na ito?

Para sa taong ito, binibigyang halaga ang pakikinig at pagsasama sa diskursong panlipunan sa mga katutubo saan man sa mundo. Hindi dapat isinasantabi ang mga nararamdaman at opinyon ng mga katutubo pagdating sa mga polisiya at alituntunin na kinakaharap ng hindi lamang ng mga sarili natin kundi ng buong populasyon.

Hindi bago sa ating kaalaman ang pagkakaroon ng mga grupong katutubo. Sa kabila ng pagsusulong sa impormasyon hinggil sa indigenous peoples o IPs sa bayan, marami pa rin ang nanghuhusga sa kanila. Kakatwang isipin na sila ang nagpasimula ng makulay at mayamang kultura ngunit nakararanas ng diskriminasyon.

Sa Pilipinas, ipinagdiriwang naman tuwing Agosto ang Buwan ng Wika. Ang wika ay isang uri ng pagkakakilanlan at kapag hindi binigyang tustos ang pangangalaga dito, para na ring hinubaran ng pagkatao ang bansa at ang bawat kulturang naninirahan dito.

Kaya tulad ng wika, marapat lamang na bigyan ang mga katutubo ng atensyon sapagkat kung tatanawin natin ang nakaraan, sila ang unang nagtanim sa bansang Pilipinas. Ang wika at ang mga katutubo ay magkaakibat, hindi ito mapaghihiwalay dahil konektado na ang wika sa pagkatao. 

Malungkot mang isipin, laganap ang balita hinggil sa pang-aabuso sa kanilang teritoryo, karapatan, at buhay. Laganap ang pananamantala sa kanilang ancestral lands, populasyon, at pati na rin ang mismong kultura o kagawian.

Isang halimbawa ay ang pagkakakitaan ang mga gawi ni Whang Od, isang kilalang manlilikha at sa kanyang sining sa pagta-tattoo, nang walang permiso. Malaki ang naging papel ng iba’t ibang plataporma ng social media at naging mainit na diskusyon para iparating ang totoong kuwento.

Kung titingnan ang ating mga kababayang Lumad at iba pang IPs sa kanayunan, patuloy na militarisasyon at pambobomba sa kanilang mga lupain, pananamantala ng mga sundalong Pilipino sa mga kababaihan at kabataan, at pagpaslang sa mga pinuno ay kadalasan na nating nababalitaan sa radyo, telebisyon, o sa social media.

Isama pa rito ang tila pagnakaw sa mga lupa ng mga kababayan nating Aeta upang mailunsad lang ang New Clark City para sa pagganap ng SEA Games noong 2019. 

Dapat lang na kumilos tayo bilang kababayan. Kilalanin o tanggapin na may maling pagmamaltrato sa ating mga kababayan at dahil dito, mas mapunan ang kamalayan natin sa mga IPs at iba pang mga katutubo na kadalasa’y sarado sa isipan sa madla.

Sa buwan ng Agosto, tayo ay kawal ng mga katutubo at mga wika.

Marapat lamang na bigyang proteksyon ang wika at katutubo. Para sa IPs, kailangang aktibo silang nakikisalamuha sa ekonomiya, gawaing panlipunan, at iba pang sektor ng Pilipinas.

Kung sila ay bibigyang pansin, maaaring maraming maiaambag pa sila sa paglaki ng Pilipinas na hindi pa natin alam. Mayroon silang sariling pag-iisip at lakas na magsisilbing puhunan para sa pagpapaunlad ng bansa. Sila at ang iba pang wika ang nagbibigay kulay sa kultura ng Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here