Katatapos lang magturo sa klase sa PUP noong aming makapanayam sa opisina ng Center for Creative Writing (CCW) si Jun Cruz Reyes, ang premyadong manunulat na iskulptor, pintor at gumagawa rin ng pelikulang dokumentaryo. Nakasuot ng itim na t-shirt at itim na maong, walang ka arte-arte sa katawan ang manunulat na ayon sa mga kritiko ay siyang nagbago at nagtaas sa antas ng pagkukukwento sa Pilipinas.
Pinapatotoohan ito ng Pambansang Alagad ng Sining na si Bienvenido Lumbera. Aniya si Jun Cruz Reyes o tinatawag ring JCR ay “isang manlilikha na walang takot lumabag sa mga batas ng pagsusulat.” At ganito nga ang ginawa ni JCR mula sa unang kwento niya na Isang Lumang Kuwento hanggang sa pinakahuli niyang nobelang Ang Huling Dalagang Bukid at ang Authobiography na Mali: Isang Imbestigasyon; isang panulat na hindi sumusunod sa kumbensyon.
Ayon naman kay Ramon Guillermo, propesor ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP, “magaan at kaiga-igaya ang paraan na minsa’y ironikal at madalas misiste” ang mga panulat ni JCR tulad ng Utos ng Hari, at maging sa historikal na nobela niyang Etsa-Pwera.
Ano ba ang wika at panulat? Ano ba ang panulat ng kasalukuyang panahon? Ito ang ilan sa mga katanungang sasagutin ng rebelde ng literaturang Pilipino na si Jun Cruz Reyes sa paraang masiste o mabiro at ironikal.
Filipinas O Pilipinas?
“Syntax lang ba ang pwedeng pag-usapan? Sana ang social class na gustong ipagtanggol ng depensa ay walang ibang mali kundi syntax din lang” bungad ni JCR.
“Ang wika ay wika lamang, hindi pa ito ang diskurso. Ang wika ay karanasan, ang wika ay kasaysayan” dagdag pa niya.
Ang wika bilang kasaysayan ay makikita sa debate kaugnay ng pagpalit ng pangalang Piipinas sa Filipinas. Isinusulong kasi ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang pagpalit ng pangalang Pilipinas tungong Filipinas, “upang kilalanin ang kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa sapagkat ‘Filipinas’ ang orihinal na pangalang ibinigay ni Villalobos noong 1548, at ginamit ng mga rebolusyonaryong tulad nila Rizal sa pagpapalaya ng bansa.” Hindi sang-ayon dito si JCR. Ang gamit sa pangalang Filipinas ay ginamit nila Rizal, Bonifacio at maging ni Aguinaldo para sa konsumo ng mga dayuhan pero kapag mga Pilipino ang audience ay Pilipinas ang gamit ng mga ito. Simple lang naman daw iyon, “pagkat yung mga katipunero ang isinigaw ay Mabuhay ang Pilipinas, hindi Filipinas.” Pero ayaw ubusin ni JCR ang panahon at lakas sa pakikipagtalo sa ispeling. Aniya, “gusto ko ipaalala na yung mapagpundar ng wika tulad nila Lope K Santos, Amado V Hernadez, at kahit si Jose Corazon De Jesus ay mga makabayan, labor leader, mga subersibo yan eh. At ang diskurso nila sa wika ay hindi ispeling kundi sa pagbubuo ng kamalayang Pilipino.”
[quote_center]”Gusto ko ipaalala na yung mapagpundar ng wika tulad nila Lope K. Santos, Amado V. Hernadez, at kahit si Jose Corazon De Jesus ay mga makabayan, labor leader, mga subersibo yan eh. At ang diskurso nila sa wika ay hindi ispeling kundi sa pagbubuo ng kamalayang Pilipino.”[/quote_center]
Sa Isang Banda, ang Manunulat din ang Pumapatay sa Panitikan
Batay sa uri at ginagalawan sa lipunan, at kinalakihan ng tao ay nag-iiba rin ang wika. Ayon kay JCR, magkaiba ang wika ng urban poor, rural poor, middle class at maging ng mga makapangyarihan. Sa mga etsa-pwerang uri, may wikang magalang sa mga amo o “ang wikang hinihingi sa iyo ng kapangyarihan” at mayroon rin natural o ang nahubog na wika batay sa uring pinagmulan. “Sa natural na wika nito, malamang ay minumura ang amo,” aniya. Ito ang wikang madalas niyang gamitin sa kanyang mga kwento.
[quote_center]“May ilan kasi kung magsulat, akala mo gumagawa ng term paper. Sa hirap basahin, wala ng nagbabasa nito.”[/quote_center]
May ilang hindi natutuwa sa paggamit niya ng wikang balbal sa literatura ngunit para kay JCR, mahalagang gamitin ang lenggwaheng ginagamit ng masa sa araw-araw upang maging makatotohanan at maka-relate sa magbabasa. “May ilan kasi kung magsulat, akala mo gumagawa ng term paper. Sa hirap basahin, wala ng nagbabasa nito.” Biro pa niya, “ang tawag ko sa academic Filipino ay Filipinong 10-11:30 am dahil dun lang yun ginagamit.” Isang nakatatawang hinalimbawa niya ang pagbili ng sapatos sa SM “Binibini maari bang matunghayan ang iyong sapin sa paa sa likod ng eskaparate? Tatawag ng guard yun (imbes na pagbilihan ka), aniya.”
Ganoon din ang pananaw niya sa Filipino, dapat itong itakda hindi ng akademya, hindi ng Metro Manila o Bulakan, kundi ng buong sambayanan. Nabanggit niya ang ilang mahuhusay na manunulat gaya nila German Gervacio na Bisaya, at ni Kristian Kordero na Bikolano. Dapat daw bang i-tama ang Filipino nila dahil maraming salitang Bisaya o Bikol sa mga sulatin nilang Filipino?
Higit pa sa Usapin ng Dislokasyon ng Trabaho
Para kay JCR, hindi lang usapin ng dislokasyon sa trabaho ng mga guro ang usapin sa likod ng CHED Memo Order 20 Section 13. Nakapailalim ito sa K-12 na layuning lumikha ng maraming low wage at skilled worker para sa mga multinasyunal. Ang CHED Order na naglalayong tanggalin ang Filipino sa kurikulum sa kolehiyo ay mahalagang bahagi ng layuning ito. Dahil isang komoditi ang tingin sa edukasyon kaya sapat na sa K-12 na kurikulum na lang gamitin ang Filipino, at sa mga magkokolehiyo na pang-export ay Ingles.
“Hindi tayo tinuruan mag-ingles para mabasa si Shakespeare.” Ang US na kumukontrol sa suplay ng langis at ginto ng mundo, at nagdedesisyon ng bansang gegerahin ang siya ring nagdidikta ng mga pagbabagong nais ipatupad at ipinatutupad sa edukasyon sa pamamagitan ng World Bank. Paglilinaw pa niya, ang Ingles ay wika ng kapangyarihan ngunit hindi ng mundo. “Kaya tayo nag-iingles kasi sakop tayo ng mga Amerikano. Hindi naman talaga Ingles ang wika ng mundo, ang wika ng mundo ay translation.” Gaya nalang ng mga libro na Nobel Pize at Pulitzer Prize Winner na isinasalin sa iba’t ibang wika.
Ikinalulungkot rin ni JCR ang pagtakda ng ilan sa wikang Filipino bilang wikang pangmahirap at walang pinag-aralan, at ang Ingles ay para sa edukado. Isa itong pagyurak sa karapatan bilang Pilipino. Pero mas mahalagang ugatin ang papel ng imperyalista sa pagdikta kung ano ang dapat salitain, at dapat lamanin ng utak ng Pilipino. Pero “the mere fact na hindi natin ma-assert yung ating pambansang wika” ay nagpapakita ng mas malalim na problema.
Mula Para Kanino Tungo sa Kung Anu-ano
Estudyante ng Polital Science sa UP Diliman si JCR nang panahon ng First Quarter Storm (FQS) o panahon ng matinding aktibismo ng mga unang taon ng Dekada 70. Aktibista na siya noon, at nang isinara ang UP Diliman dahil sa matinding protesta ng mga estudyante’t kawani, dito siya nag umpisang magsulat. Malaon ay naging miyembro ng PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan-isang progresibong samahan ng mga manunulat noong panahon ng Matial Law), hanggang sa nananalo na siya sa mga patimpalak tulad ng Palanca. Kabi-kabila ang hulihan, dukutan, at pagpatay sa mga aktibistang tulad niya. Black and white ang sitwasyon, malinaw sa mga manunulat noon ang kakampi at kalaban at ang sagot na “Para kanino?” Ang diskurso nilang mga manunulat ay diskurso ng sambayanan.
Dumulo ang paghahari ni Marcos sa pag-aalsa ng mamamayan sa Edsa at nagkaroon ng “Democratic Space.” “Wala naman nagbago sa panahon ni Cory [Aquino],ang mahihirap mahirap parin, mas dumami lang,” ayon [quote_right]ang tunggalian ng uri ay napalitan ng usapin sa identidad, ang Human Rights ng Animal Rights, ang pambansang kalayaan at demokrasya, ng usapin na lang ng etnisidad, ng burgis na konsepto sa gender at iba’t ibang klase ng empowerment, at ang Para Kanino, ng diskurso sa ispeling[/quote_right]kay JCR. Nang panahong ito, napunta sa sentro ng kapangyarihan ang maraming manunulat na dating nasa laylayan ng kapangyarihan, at mga dating nakalubog sa masa. Marami ang napunta sa Cultural Center of the Philippines (CCP), sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa Malakanyang, at sa akademya. Sa “Democratic Space” nadilute ang protesta, humina, nawala ang diskurso ng sambayanan.” Banggit pa niya, ang tunggalian ng uri ay napalitan ng usapin sa identidad, ang Human Rights ng Animal Rights, ang pambansang kalayaan at demokrasya, ng usapin na lang ng etnisidad, ng burgis na konsepto sa gender at iba’t ibang klase ng empowerment, at ang Para Kanino, ng diskurso sa ispeling. Ito na ang simula ng postmodernismo sa bansa. Aniya, “hindi sa minamaliit ang ibang isyu pero ano nga naman ang isusulat kung nakompromiso na ang prinsipyo?”
Ang pamamayani ng US sa Cold War ay ang Globalisayon. Lumakas din sa panahong ito ang postmodernismo na nagtatakwil ng anumang malaking diskurso o grand narrative kahit pa magresulta ito ng paglabnaw ng diskurso ng sambayanan. Nagresulta rin ito ng panitikang narcissistic o “panitikang puro ako-ako.”
Ang Conflict ng Panahon
“Kaninong karanasan, kaninong diskurso ang dapat isulat, sa akademya ba?” ang tanong ni JCR.
Tulad ng heteroglossia* ni Rizal sa Noli Me Tangere at El Fili Busterismo kung saan nagtatalo ang mga tinig nila Basilio, Dona Victorina, at Tandang Selo, hangad ni JCR ang pagyabong ng maraming tinig o diskursong mahusay na maglalarawan ng tunay na kalagayan ng bayan. “Maraming reyalidad sa lipunan ang kailangang saliksikin” aniya. Hinalintulad niya rin ang diskurso ng mga progresibong literatura sa Africa at Latin America sa mga kaganapan sa Pilipinas- ang dislokasyon sa kanayunan, ang paghanap ng sanktuaryo sa urban, at ang phenomenon ng OFW na pansamantala rin lang ang pag-ahon sa kahirapan. Mula rural poor, naging urban poor hanggang maging international poor. Ito ang panulat na hinahanap ni JCR at ng mga kasamahan niya sa caravan ng panulat sa Biyaheng Panulat.
[quote_center]Batay sa obserbasyon ni JCR, anumang natutunan sa mga bayani ng bayan, at ang sensibilidad ng tao ay mabilis na binubura ng TV[/quote_center]
Batay sa obserbasyon ni JCR, anumang natutunan sa mga bayani ng bayan, at ang sensibilidad ng tao ay mabilis na binubura ng TV. “Pagbukas mo palang ng TV, balita tungkol sa patayan, tungkol sa nagparetoke ng boobs, tungkol sa nabuntis na starlet, artistang nagwala sa club ang sasalubong sa iyo.” Ayon sa kanya, malaganap din sa mainstream media ang kwentong telenovela. Ito yung mga tipong fairy tale na kwento na kung saan ay babait sa mahirap ang mayaman, magsisisi at magbabagong buhay ang mapang-api at happy ang lahat.
Ang pinakamahirap sa kwento yung kung paano ire-resolve ang conflict, at ang paghahanap sa conflict ng kanyang panahon ang mahalagang tungkulin ng manunulat. Sa palagay ni JCR, ito ang nakakalimutan ng maraming artista at manunulat ngayon. Gaya nalang ng pag-focus sa resolusyon at hindi sa conflict ng kwento, halimbawa ay ang pag-focus sa ending ng kwento na pagsama sa rali o pamumundok. “Mas mahalagang tutukan ang conflict ng kwento dahil dito mapaiintindi ang sakit ng lipunan pagkat kung hindi naintindihan ng tao ang problema, hinding hindi rin nito maiintindihan at aakapin ang resolusyon sa problema. At though iisa ang ugat o pinagmulan ng problema ngunit kung paano ito kukomprontahin sa iba’t ibang antas at sektor ng lipunan; tingin ko ito ang mahalagang pag-aralan ng mga progresibong artista, otherwise mauuwi sa sloganeering.”
Sandata ng Manunulat, Diskurso ng Sambayanan
“At kung gusto mong mabasa ang tunay na nangyayari, magbasa ka ng fiction”ang panghikayat ni JCR. Tulad ng mga sulatin ni Voltaire* na naglantad sa kahibangan ng mga naghahari sa bansang Pranses nang kanyang panahon, sa nobela naman ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Fili Busterismo mababasa ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino noong panahon ng kolonyalistang Espanyol, hindi sa mga nagkalat na pahayagang kolonyal. Mabisang ngang armas ang panitikan upang lusutan ang censorship ng naghahari at upang ipaunawa ang kalagayan ng bayan sa malikhain at nakalilibang na paraan.
Paliwanag pa ni JCR, ang totoong buhay daw kasi ay napakagulo, hindi mo alam kung kailan mamamatay, [quote_right]Dahil may kapangyarihan ang wika at literatura na maglantad sa katotohanan ng lipunan at magpakilos sa mamamayan, nanghihinayang siya sa mga diskursong nauuwi lang sa ispeling. [/quote_right]mapaparusahan ang mga kontrabida bagkus ay pinaparangalan at pinapalakpakan pa ang mga kontrabida. Sa panitikan aniya, “alam mo kung sino ang papatayin, alam mo kung sino ang kontrabida. Ang actual struggle nasa totoong buhay pero ang panalo niyan nasa panitikan. Kaya mahalagang laging i-kuwento ang karansan ng bayan upang hindi mawala sa kamalayan ng sambayanan.”
Sa paraang ironikal, at masiste na panulat ni JCR epektibo niyang nagagawang sandata ang panulat at napapatamaan ang pinatatamaan, nabubuking ang mga pakana ng kapangyarihan. Maging ang estado ay napipikon nito. Noong ngang 2009 ay nagpa-presscon siya kasama ang Karapatan (isang malawak na alyansa para sa proteksyon ng karapatang pantao) kaugnay ng mga lalaking umaaligid sa tahanan niya sa Hagonoy Bulakan, mga lalaking pinaniniwalaang mga intelligence agent ng militar.
Dahil may kapangyarihan ang wika at literatura na maglantad sa katotohanan ng lipunan at magpakilos sa mamamayan, nanghihinayang siya sa mga diskursong nauuwi lang sa ispeling. Biro pa nito “wala akong ambisyong maging pambansang proofreader.”###
*Voltaire- isang tanyag na manunulat at historyador na Pranses na nabuhay noong ika-18 siglo. Madalas gumamit ng tuya o satire sa kanyang panulat upang tuligsain ang mga naghaharing Pranses sa kanyang Panahon.
*heteroglossia- ay ang pagkakaiba-iba ng tinig, estilo ng diskurso, o punto de bista sa isang literatura na madalas gamitin sa nobela.