Hindi nga naman talaga kaaya-aya ‘yang balat mo, tignan mo’t kung hindi napupuno ng sugat ay puno naman ng libag, kung minsan ay magkasabay pang nasa katawan mo.
Sumisiksik pa sa mga patay mong kuko ang alikabok na mas madilim pa yata sa aspalto ng kalsada ng Maynila.
Bakas din ang mga bitak sa paa mong maugat na akala mo’y binabad ng ilang taon sa tubig. Sino ba ang gugustuhin hawakan ang magagaspang mong kamay?
Maging ako man ay ayaw ko, dahil nang minsan kong hawakan ito nasilayan ko kung paanong pumatak ang dugo at narinig ko ang pag-iyak mo sa kirot. Ayaw ko na ulit makita iyon.
Kung susumahin ko, lagi’t laging mahaba pa ang oras ng pagtatrabaho mo kaysa sa pagtulog ko nang mahimbing sa gabi. Kung marunong ako magpinta, siguro kayang-kaya ko na ipinta ang mukha mong pagal sa bawat pag-uwi mo sa mga gabi ng ating hapunan. Ganoon palagi ang ating pagkikita, iyong ilang minuto sa hapag-kainan, tapos bukas ng umaga bago pa man kami magising ay wala ka na. Magmula paslit pa lamang ay ganito na ang sistema ng ating pagsasama, lagpas dekada ka nang kumakayod na parang kalabaw.
Ganunpaman, ganito pa rin naman tayo, “walang asenso” sa buhay na busabos. Siguro raw ay isang dekada pa ng pagtatrabaho na parang mamamatay ka sa bawat araw, siguro raw ay aahon na tayo, isang dekada pa siguro sabi nila.
Kung iiiyak ko ang bawat sakit na nararamdaman ko sa tuwing nakikita kong nahihirapan ka, sa tingin ko’y mapapantayan nito ang lahat ng tagaktak ng pawis mo sa paghahanap-buhay. Kung iiiyak ko ang bawat pag-iyak ng ating pamilya dahil sa pamimilipit sa gutom ay mauubusan na ako ng luha. Kung iiiyak ko ang lahat ng ito ay hindi na titigil ang aking paghikbi.
Kaya pinili kong huwag nang umiyak, panahon naman upang sumigaw. Hirap ka mang ikuyom na ang palad mo dahil sa kapal ng kalyo nito, pinili mo pa ring gawin itong kamao, kasama na ako, Tatay.





























