Mayo 1, dapat nasa lansangan ang tulad kong manggagawa upang ipagpatuloy ang nakagisnang pakikibahagi sa laban at tagumpay ng uring manggagawa.

Pisikal ang aking ugnay sa petsang ito, kasama ako sa nagmamartsa, umaawit, sumisigaw, nakikinig sa mga educational discussion, at iba pa. Kasama ako sa umaalab na damdamin ng libo-libong manggagawa.

Mayo 1, dapat ituloy ang panawagan sa lahat ng larangan at daluyan. . Hindi mapipigilan ng COVID-19 ang tradisyon sa laban ng manggagawa.

Ang mukha ng guro, magsasaka at propesyong medikal sa krisis

Isa ang mga guro sa humaharap sa pakikibaka ng online learning.

Bayaning maituturing mula noon hanggang ngayon sa bawat pagbabago ng edukasyon. Binago ng pandemya ang kanilang kabayanihan sa loob ng klasrum, dinala ang bayaning guro sa espasyo ng cyber. Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagkakasakit, tuluyan nang inihinto ang pagpapapasok sa mga mag-aaral at dinala sila sa mga online platforms upang maipagpatuloy ang pagkatuto. Ngunit naging doble pasakit at alalahanin ang pagpapatuloy ng mga online learnings na ito, marami sa mga guro at mag-aaral ang nananatiling hindi sanay sa ganitong biglaang pagbabago. Marami rin sa kanila na kung sanay man ay may mahina o walang access sa internet, bagay na krusyal para makapagpatuloy sa ganitong moda ng pag-aaral.

Tunay ngang sinusubok ng pandemya ang sinumpaang tungkulin ng mga guro, higit pa sa pagbuo ng mga learning materials, pangangapa sa proseso hanggang sa pagtuturo online, kalakip ng kanilang obligasyon ang panatiliing nasa mabuting kalagayan ang mga mag-aaral. Higit pa sa kaalaman ang inihahatid ng isang guro, kundi malasakit at pag-aalala sa bawat estudyanteng napag-iiwanan ng pagbabagong ito. Sa panahong ito, maraming guro ang inilalagay sa alanganin ang kanilang buhay para masubaybayan lamang ang kanilang mag-aaral habang binibigyang proteksyon ang kani-kanilang pamilya.

Nakalulungkot lamang isipin na sa halip na itaas ang sweldo at moral ng mga guro, sinusuklian pa ito ng pagbabanta at pagbibigay-bansag na sila ay bahagi ng mga makakaliwang grupo dahil sa pagtuturong maging kritikal ang pag-iisip ng mga mag-aaral.

 

Hindi lang peste sa pananim ang kinakaharap ng mga manggagawang mambubukid at magsasaka, nakaragdag ang peste ng pandemya sa kanilang aping kalagayan.

Hanggang ngayon, marami pa ring magsasaka ang inagawan, nawalan, at patuloy na ipinaglalaban ang karapatan para sa lupa at kabuhayan—bagay na patuloy na ipinagkakait sa kanila sa bous na reporma sa lupa sa bansa at maging ng Rice Tariffication Bill na papatay sa lokal na agrikultura.

Marami sa kanila ang nakikibungkal pa rin sa mga lupaing pagmamay-ari ng mga panginoong may-lupa. Kinakain ng peste ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling lupa. Kinakain ng virus ang suporta mula sa gobyerno para mapaunlad ang mga lokal na produkto upang hindi na tayo mag-angkat pa. Ang virus ay patuloy sa pagkitil sa matatabang lupa ng bansa. Hindi lang lokal na virus ang kalaban ng mga magsasaka, maging ang mga dayuhang virus na patuloy sa pagkamkam, pagmamay-ari at pang-aabuso sa lupang tinubuan. Sa katotohanan, kayang iprodyus ng mga magsasaka ang pangangailangan ng bansa, ang kailangan lang ay suporta ng pamahalaan. At kung magpapatuloy ang maling sistema, sila ay mananatiling bayaning nilalamon ng lupa at magiging pataba sa lupang hindi nila pagmamamay-ari.

 

Ang mga manggagawang pangkalusugang ang sumasalo ngayon sa matagal nang pinabayaan at bansot na sistemang pangkalusugan sa bansa.

Sa krisis pangkalusugang kinakaharap ng bansa, nasa krisis din ang mga manggagawang medikal. Sinubok ng pandemyang ito ang kakayanan at estado ng sektor pangkalusugan ng bansa, at malinaw na napag-iiwanan na tayo. Sa kabila ng mga magagaling na doktor at nars ng bansa, hindi maitatangging mababa pa rin ang kanilang natatanggap na sweldo at benepisyo kumpara sa ibang unipormadong manggagawa.

Sa krisis na ito, nasusukat ang pokus sa budget ng pamahalaan, at ang realidad na mas pinapahalagahan ng gobyerno ang trabahong may malinaw na rekord ng pagpatay kumpara sa pagbuhay.  Ang mga manggagawang medikal ay tunay na bayaning namamatay sa gitna ng giyerang hindi nakikita, sila ang mga bayaning kulang sa proteksyon sa paglusob sa digmaan, sila ang mga bayaning namamatay mag-isa dahil sa nakahahawang sakit. Walang gun salute, walang watawat sa ibabaw ng kabaong, maisalba lamang ang naghihingalong serbisyong medikal ng bansa.

Tunay ngang nagbabago ang panahon, tunay ngang nagbabago ang mga lunan ng pakikibaka at sa lahat ng mga pagbabagong ito, mananatili ang bitbit nating panawagan: sahod itaas, benepisyo ibigay, itigil ang kontraktwalisasyon, karapatan ng manggagawa ipaglaban!

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here