Juanthologies
Nasubukan mo na bang sumakay sa PNR? O baka naman magtatanong ka: “Ano ba yung PNR?”
Kunsabagay, baka mas pamilyar ka sa MRT. Pero lingid sa kaalaman ng mas nakararami, buhay pa ang PNR o Philippine National Railways. In short, ang tren.
‘Yan, tumpak, malamang mas gets mo na. Kasi kung inaakala mo na malupit na ang bakbakan tuwing rush hour sa North Ave., gyera kahaharapin mo sa PNR.
Isasaad ko ang ilang obserbasyon sa transportasyong ito. Batikan akong biyahero ng Metro Manila pero nalulupitan pa rin ako sa PNR at nabibilib sa mga taga-tangkilik nito.
Itong artikulo na ‘to ay alay sa lahat ng byaherong sumusugal ng buhay araw-araw sa loob ng PNR.
May nakita akong minsang meme na sabi, “Papasok kang estudyante, lalabas kang mandirigma!” Saludo ako sa lumikha ng meme na ito. Tagapamandila ka sa pagkamulat ng maraming Pilipino.
Kung sa MRT siguro, merong bagong tren na dumadaan bawat limang minuto. Pero sa PNR, ibahin mo. Tuwing 30 minutos lang ang daan ng tren. Kaya bawat pagdating ng tren, bakbakan! Agawan ng pwesto! Pag maiwan ka lang, panigurado late ka na!
Nagsisimula ang tren ng PNR sa Tutuban Station o kaya naman Alabang. Mabagal ang PNR, pero murang mura. Bumyahe ako ng 10 istasyon ang layo pero 10 piso lang ang bayad. Panalo! Maynila hanggang Makati na yun ah.
Kaya naman maraming patron ito. Mura na at napaka-strategic kung tutuusin ang pagkakalugar nito. Maynila ang isa sa pinaka-matataong lugar sa bansa. Makati naman at ang South Area ang masasabing business center kung saan tumutungo ang maraming trabaho.
Ganito kahalaga ang PNR sa manggagawang Pilipino lalo na sa mga nakapaloob sa 8-to-5 work shift na sistema. Nasa sa’yo na kung tatahakin mo ang landas na ‘to.
Ito ang unang engkwentro ko sa masasabing verbal violence, o dahas ng lenggwahe sa PNR. Imbento ko lang ‘yan. Pero seryoso, bago ka makarating sa pupuntahan, makakarinig ka ng maraming variation nito. “Pasok na paa niya!” “Yung braso ko sumabit!” “Bag ko naiipit!” “Shit yung cellphone ko!”
Gusto kong bigyang diin na sa pangalawang istasyon palang, posible ka nang makarinig ng ilan sa mga ‘to. Inuulit ko, pangalawang istasyon palang ho. Kaya saludo ako sa mga android na mga ate’t kuya na okay lang maputulan para sa pamilya nila. Pero bilang mga haligi at ilaw ng tahanan, konting pag-iingat na lang din po sana.
Ano man ang sinigaw nilang lalabas, ’tila yan ang sigaw ng bayan sa bawat istasyon. Malamang pamilyar na ‘to sa MRT commuters. Pero ibang lebel ang sa PNR. Ni-utot wala na yatang puwang para maka-daan. Siguro na nga rin dahil sa tagal ng dating ng susunod na tren kaya di na palalampasin ng mga tao ang pagkakataong maka-sakay.
Kung 2 o 3 istasyon lang ang biyahe mo, pare ‘wag ka na mag PNR. Mag-dyip ka na lang. Wala nang labasan sa PNR.
Pero kung pangangahasan mo mang lumabas, maghanda ka nang masiko, matuhod, mahambalos ng bag sa mukha, masapak sa tiyan. Pero di ba? Ganun talaga ang buhay. Weather Weather lang. Nagkataon lang na parating bagyo sa PNR.
Ito siguro ipapangalan ko sa basketbol team sakaling iisponsor ang PNR (wow yaman!). Pero labas sa basketball, isa na naman ‘tong pagkukumpara sa MRT. Pasensya na. Pero sa MRT kasi, sarado at erkon. Sa PNR, binubuksan ang bintana dahil di na kaya ng aircon.
Kanya kanyang diskarte na ang mga tao sa paghahanap ng oxygen, kaso kili-kili ng katabi mo ang pinaka-malapit. Anong choice mo?
So, hihinga ka pa?
Tangin*! Tangen*! Tangen&! Pu%ang In*! Patawad sa mga konserbatibo. Pero ito ang reyalidad. Sari-saring bersyon ng parehong mura ang maririnig mo. Siya nga namang iba-iba ng bawat tao. Pero yan ang nagpapakulay sa mundo.
Kung tutuusin, parang yan ang soundtrip mo sa bawat istasyon, kaya di mo na maitatanong kung bakit nagtiis nalang ang maraming Pilipino mag-plug ng earphone at making kay Justin Bieber kesa maulanan ng sangkaterbang mura sa tenga.
Sabi ng mga ninuno, napapanday ang indibidwal pag dumadaan sa hirap. Turo naman ng PNR, napapanday ang tunay na samahan sa sama-samang pag-kilos. Pero ang tanong kanino ka papanig? Sa taong nagpipilit pumasok sa tren? O sa mga nagtutulak sa mga pumapasok para di na sumikip? Pili na. Meron ka lang ilang segundo.
Dama mo buto sa balakang ng katabi mo sa kaliwa, siko ng katabi mo sa kanan, braso ng mas matangkad sa harap mo, at ari ng nasa likod mo. Ang tanging ipapanalangin mo nalang, wag biglang magpreno ang tren baka magsitagusan ang di dapat tumagos sa katawan mo. Ikaw na bahalang mag-visualize. Sumuko na akong isipin pa ‘yan.
Idol kaya ng gumawa ng PNR si Michael Jordan? Kasi ho bago makababa dito sa PNR, kailangan mo tumalon ng mga lagpas 4 feet. Kung hindi ka fit, maghanda ka nang makarinig ng malulutong na buto na magsisitunugan.
Hindi kagaya ng MRT na may platform, paminsan-minsan, bitin ang sa PNR lalo na yung sa likurang bahagi. Oo, kailangan mong tumalon ng hanggang leeg kataas para makababa sa ilang istasyon. Dinisenyo yata itong tren sa mga matatangkad na dayuhan. Di man lang nila inisip na mga 5 feet lang ang maraming mga Pilipino. Siguraduhin mo nalang na titingnan mo lalandingan mo. Baka kasi katawan na ng kaharap mo.
Malamang isa sa mga pinaka nakatutunaw na kataga sa PNR. Totoo. Kung hindi estudyanteng nag-aaral para sa kinabukasan ng pamilya, manggagawang nagtatrabaho para sa makakain pang-araw-araw ng pamilya. Kaya naman sobrang saludo ako sa lahat ng mga sumasakay ng PNR. Mga tunay kayong bayani. Pero bakit kaya ang mga bayani nagtitiis sa ganitong kalagayan?
Kung tutuusin nga naman, mapapatanong ka? Gaano katagal mo pa kaya titiisin ang ganitong pag-hihirap? Uunlad pa kaya ang PNR? O mabubulok nalang ang ganyang sistema?
Hindi ko alam, pero tingin ko naman pwede. Nasa mga tao nalang siguro kung gugustuhin nilang magbago ang sistema, o mag-asam nalang na magka-Lexus kagaya ng boss nila sa Makati.
Pero huling sakay ko sa PNR, libo-libong mandirigma na ang pinapanday ng PNR araw-araw. Ang tanong nalang siguro, kelan magigising sa katotohanan ang mga mandirigmang ito.
Sa lahat ng manlalakbay ng PNR. Mabuhay kayo!
Ang awtor ng artikulong ito ay isa sa mga ilang maswerteng nabuhay matapos ang engkwentro sa PNR, at nag-sulat ng kwento para magpakalat ng babala sa lahat.