Masama, mamamatay-tao, uhaw sa dugo, at terorista—ganito madalas ilarawan ang mga rebolusyonaryo sa pelikula. Pero hindi sa pinakabagong obra ni Paul Thomas Anderson. Sa One Battle After Another, hindi lang niya ginawang tao ang mga rebolusyonaryo—ginawa pa niyang bayani.

Hango sa nobela ni Thomas Pynchon na Vineland, umiikot ang pelikula kay Bob Ferguson, a.k.a. “Ghetto” Pat Calhoun (Leonardo DiCaprio), isang dating kasapi ng  kilusang French 75 na ngayo’y lie low at kadalasa’y “high” sa marijuana, at sa kanyang anak na si Willa (Chase Infiniti). Matapos pagtaksilan ng ina ni Willa—si Perfidia Beverly Hills (Teyana Taylor)—ang kilusan at maglaho na parang bula, pinili nilang magtago at mamuhay nang palihim sa isang komunidad sa Baktan Cross.

Fast forward sixteen years: muling lumitaw ang matagal nang kaaway ni Bob na si Colonel Lockjaw (Sean Penn) upang hanapin si Willa sa pag-aakalang siya’y anak niya kay Perfidia. Habang lumalala ang paranoia ni Bob dahil sa bisyo, si Willa naman ang tila nagsisilbi niyang gabay upang harapin ang nakaraan. Dahil sa banta sa buhay nila, tinakas si Willa ng mga dating kasama ni Bob sa kilusan habang nasa eskuwelahan—at dito na nagsimula ang matinding hanapan at habulan.

Nakakatawa at ‘di makalilimutan ang pagganap ni DiCapro sa kanyang unang tambalan kay Benicio del Toro, na gumanap naman bilang “sensei” ng karate at lider ng kanilang komunidad. Gayundin si Sean Penn bilang Lockjaw sa kanyang pagkadesperado na maging kasapi ng isang lihim na samahan ng white supremacists (parang elitistang Ku Klux Klan).

Mahusay ang paghabi ni Anderson ng nakaraan at kasalukuyan. Sa isang eksena, nanonood si Bob ng The Battle of Algiers habang sumisindi nang makatanggap siya ng tawag tungkol sa pagkawala ni Willa; sa susunod, binabatan naman niya ang “founding fathers” ng Amerika habang kausap ang guro ng kanyang anak. Paborito ko ‘yong sarkastikong komento niya kay Roosevelt kaugnay ng imperyalistang pananakop ng US sa Pilipinas at pagiging slave owner ni Benjamin Franklin. Halos humagikgik ako sa sinehan.

Umaatikabong ang action scenes ng pelikula, kahit wala ‘yong mga tipikal na paandar ng Hollywood—walang slow-mo na bida habang may sumasabog na kotse sa likuran. Matindi at makatotohanan din ang mga eksena sa crackdown ng pasistang estado sa underground movement. Minsan, sobrang bilis ng takbo ng kuwento na halos hindi ka makahinga. Pero sa totoo lang, maliit na bagay ito para sa pelikulang may ganitong intensity. Ni hindi ko nga namalayang halos tatlong oras ang tinakbo nito (oo, ganoon ka-intense!).

Sa kabila ng tensyon, pinapakalma ng musika ni Jonny Greenwood ang pelikula. Parang mixtape ng nostalgia at resistance ang soundtrack: Ready or Not (Here I Come) ng The Jackson 5, The Revolution Will Not Be Televised ni Gil Scott-Heron, Soldier Boy ng The Shirelles, at American Girl ng Tom Petty and the Heartbreakers.

Aaminin ko—bilang isang progresibo, konektado ako sa pelikula. Pero kahit walang bias, talagang magaling ang pagkakagawa nito. Matapang ang pagkukuwento, at nakamamangha ang sinematograpiya. Hindi ito “propaganda film” gaya ng paratang ng ilang konserbatibo online. Hindi rin dapat isnabin ng mga aktibista dahil lang sa pagpapakita ng mga rebolusyonaryo bilang magulo o sablay. Si John Reed nga sa Reds, na ginampanan ni Warren Beatty, ay padalos-dalos at masyado pang romantiko, pero nanatiling itong “classic” (alam ko’y pinanood pa ito ni Lean Alejandro at ng kanyang kabiyak nang ipalabas sa Pilipinas). Ganundin ang mga bida sa The Good Terrorist ni Doris Lessing at Gerilya ni Norman Wilwayco—maraming kapintasan at kontradiksyon.

Sa huli, ang pinakabagong obra ni Anderson ay hindi lang sumasalamin sa kaguluhang pulitikal ng Amerika sa panahon ni Trump, kundi sa mga pag-aalab sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na rito sa Pilipinas. Mula sa malawakang protesta noong huling anibersaryo ng batas militar, hanggang sa sumisidhing galit ng taumbayan sa maanomalyang flood control projects at kurapsyon sa gobyerno—ramdam na ramdam ito sa pelikula.

Kung sinusubukan mo pa ring unawain ang mga kaguluhang nangyayari ngayon sa buong mundo, lalong dapat mong panoorin ang One Battle After Another. Maaaring hindi ito magbibigay ng mga kasagutan, pero iiwanan ka nito na may pamimilian: mananatili ka bang tagapagmasid na lang, o pipili ka ng papanigan. Anupaman, sabi nga ni Bob: Goddamit! Viva la Revolución!

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here